Mga empleyado ng Senado, pinakabagong target ng NTF-ELCAC
Pinakabagong target ng panggigipit ng rehimeng Duterte ang mga empleyado ng Senado na myembro ng unyon dito, ang Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO). ismong ang director-general ng National Intelligence Coordinating Agency, kakoro ng NTF-ELCAC, ang malisyosong nag-ugnay sa unyon sa armadong rebolusyon para gawing target ng pambabanta at pang-aatake ang mga myembro nito. Pinangalanan ng NTF-ELCAC mismo ang lider nito bilang “operatiba ng Partido” at na “hina-hijack” ng unyon ang mga programa at plano ng reaksyunaryong estado.
Ayon sa mga unyonista, ganti ang atake sa unyon sa ginawa nitong pagtutol sa inilabas ng Department of Interior and Local Government na memo na nag-redtag sa mga lehitimong unyon at progresibong organisasyon at dahil din sa pagsuporta nito sa COURAGE.
Anila, kinikilala ng Senado ang kanilang unyon na tatlong beses nang nakipag-negosasyon sa liderato nito para sa karapatan, interes at kagalingan ng mga empleyado ng institusyon. Naisulong nila ang kanilang mga hinaing sa tulong ng COURAGE. inilala nila na ang COURAGE ang nasa unahan para sa pakikipaglaban para sa lehitimong mga hinaing ng mga kawani — ang pagtaas ng sahod at maayos na benepisyo, seguridad sa trabaho, makataong kundisyon sa paggawa—alinsunod sa nakasaad sa batas.
Kinundena ng apat na senador — Franklin M. Drilon, Risa Hontiveros, Leila de Lima at Francis Pangilinan ang pag-red-tag sa mga empleyado sa isang pinag-isang pahayag. Ayon naman sa presidente ng Senado na si Tito Sotto, bukas siyang “imbestigahan” ang mga myembro ng unyon kung magbibigay ang NICA ng listahan ng inaakusahan nitong mga myembro ng Partido. Sa parehong pagkakataon, kasabay niyang sinabi na bukas din siya na gawing krimen ang red-tagging.