49thIB PA, humahabol ng accomplishment upang hindi mabuwag ang RTF-ELCAC
Isang panibagong iskrip na naman ang ginawa ng yunit ng 49thIB PA noong Mayo 4 ng taong kasalukuyan at pagpapalabas nito sa media na diumano’y may 15 katao ang sumurender sa kanilang punong himpilan sa Ligao City.
Pinasisinungalingan ng Santos Binamera Command – NPA Albay (SBC – NPA Albay) ang nasabing balita. Walang kasapi ng SBC – NPA Albay ang umalis at sumurender.
Ang totoo nito, dumadampot sila ng mga sibilyan at pinararatangang kasapi ng NPA. Malaki ang kanilang makukuha sa bawat isang surrenderee dahil hindi naman nila talaga ibinibigay ang isinasaad sa kanilang E-Clip program- na bawat isang kasapi ng NPA na susurender ay may katumbas na halagang P65,000. Kung 15 ito, ibig sabihin mayroong kabuuhan na makukuhang P975,000 (halos isang milyon). Labas pa doon kung ang sumurender diumano ay may dala-dala armas. Kung totoong may 15 sumurender, nakuha kaya ng 15 ito ang katumbas na halaga para sa bawat isa? O di kaya, laganap nilang ginagawa ang pagpaparatang sa isang indibidwal at inaakusahang mataas na opisyal ng NPA (bounty corruption) kasapakat ang PNP at palalabasing most wanted sa rehiyon. Ganito ang ginawa nila kay Ronaldo Ogama y Oliquino, 74 taong gulang sa kanyang residensya sa Purok 1, Brgy. Batbat, Guinobatan. (Basahin ang aming pahayag noong Nobyembre 18, 2020, Dinakip na residente sa Brgy. Batbat, Guinobatan, hindi kasapi ng NPA-Albay, Biktima ng Anti-Terror Law) Inakusahan si Ogama bilang umano’y ika- apat sa Regional Most Wanted at may patong sa ulo na nagkakahalaga ng P2.2 milyon.
Kasunod ng pangyayaring ito, maging sa probinsya ng Masbate ay mayroon din diumanong 15 ang sumurender, hindi pa nagtagal 17 muli ang kanilang idinagdag dito. Matatandaan na noong nakaraang taon, naging kontrobersyal ang kanilang ipinalabas na sumurender sa probinsya, makikita sa larawang na-photoshop na nakalutang ang mga paa, may iba-ibang background upang palabasing madaming sumurender.
Walang patid ang sarwela o di kaya’y paglulubid ng kasinungalingan ng mga elemento ng 49thIBPA. Naghahabol sila ng accomplishment dahil nanganganib mabuwag ang RTF-ELCAC.
Walang idinulot na ginhawa sa mamamayang Albayano ang RTF-ELCAC, sa halip, militarisasyon sa kanayunan kung kaya atrasado ang aktibidad ng mga magsasaka. Limitado ang paggalaw ng mga taumbaryo sa komunidad dahil sa kanilang masamang impluwensya – gabi-gabing umiinom ng alak, pagpapalabas ng mga video na may maseselang nilalaman, panliligaw sa mga dalaga at babaeng may asawa. Panggugulo sa dating tahimik na buhay sa baryo ang dala ng mga sundalong ito.
Panawagan ng SBC – NPA Albay sa mamamayang Albayano, huwag po kayong magpagamit sa isang kasinungalingan, huwag po kayong magpadala sa kanilang pasistang pananakot, hindi po masama ang manindigan. Hindi terorismo ang lumaban para sa karapatan at tunay na kalayaan.
Mabuhay ang mamamayang Albayano!
Manindigan para sa karapatan!
Hindi terorismo ang lumaban para sa tunay na kalayaan!