Ika-53 anibersaryo ng CPP, ipinagdiwang ng MGC-NPA-ST sa gitna ng pinatinding atake ng AFP-PNP
Sa gitna ng nagpapatuloy at pinatinding atake ng AFP-PNP sa Timog Katagalugan, ipinagdiwang ng mga yunit ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Melito Glor Command (MGC) ang ika-53 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa ilalim ng temang “Magpunyagi, Lumaban at Magtagumpay!”.
Hindi naging balakid ang masinsing pakat ng kaaway sa rehiyon, bagkus higit pang nagpursige ang Pulang hukbo para abutin ang malawak na inaapi at pinagsasamantalahang masa. Sa Quezon, nakapaglunsad ng pulong masa ang mga yunit ng Apolonio Mendoza Command kasabay ng pagdiriwang sa anibersaryo. Ipinahayag dito ng mga magsasakang dumalo ang kanilang patuloy na pagsuporta sa NPA sa kabila ng mga atake at pananakot ng kaaway.
Ayon kay Cleo del Mundo, tagapagsalita ng AMC-NPA-Quezon, “Bigo ang rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Quezon! Anumang demonisasyon ang gawin nito sa CPP-NPA-NDFP, hinding hindi nito mapapatid ang matibay na bigkis ng mamamayan at Pulang hukbo lalo’t malalim nang nakaugat ang Partido sa masa sa buong bansa.”
Naglunsad naman ng seremonya ng pagtataas ng bandila ng CPP ang Eduardo Dagli Command-NPA Batangas. Anila, nagbubunyi ang mamamayan ng Batangas sa inabot na tatag ng Partido lalo’t uhaw na uhaw ang mga Batangueño sa panlipunang pagbabago.
Mahusay namang ikinubli ng masa ang pagdiriwang ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro sa gitna ng focused military operations ng AFP-PNP.
“Sa kabila ng deklarasyon ng Southern Luzon Command na ang Mindoro ang magiging sentro ng anti-komunistang gera sa rehiyon, hindi nito nagawang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla, bagkus patuloy pa itong yumayabong,” pahayag ni Madaay Gasic, tagapagsalita ng LdGC.
Tulad ng mga nakaraang anibersaryo, marami ring kabataan mula kalunsuran ang nakipagdiwang sa piling ng Hukbong bayan. Sa pagtatapos ng selebrasyon, signipikanteng bilang sa kanila ang nagpaiwan at marami-rami ay nagdeklara ng pagsampa sa hukbo.
Naglunsad din ang iba pang mga yunit at organo ng Partido sa rehiyon ng mga lihim na pagdiriwang sa kalunsuran, sa tarangkahan ng Maynila.
Tinalakay sa mga selebrasyon ang pahayag ng Komiteng Rehiyon-TK at ng Komite Sentral. Pinarangalan din ang mga martir ng sambayanan. Nagbigay ng gabay ang CPP-ST sa rebolusyonaryong mamamayan kung paano haharapin ang reaksyunaryong eleksyon. Ipinanawagan din ng Partido sa rehiyon na malawakang edukahin ang mamamayan na ang eleksyon sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na lipunan ay instrumento lamang ng mga naghaharing-uri para patatagin ang kanilang kontrol sa kapangyarihang pang-ekonomya, pampulitika at militar ng bansa. Marapat na pagkaisahin ang buong bayan para maihiwalay at ibagsak ang paksyong Marcos-Arroyo-Duterte.
Pagtatapos ni Armando Cienfuego, tagapagsalita ng MGC-NPA ST, “Sa pamumuno ng Partido, nakatitiyak tayong magwawagi ang demokratikong rebolusyong bayan. Mahigpit na tatanganan ng mga yunit ng NPA sa rehiyon ang atas ng CPP na paigtingin ang digmang bayan at itaas ito sa mas mataas na antas hanggang makamit natin ang ganap na paglaya!”###