Mensahe sa BHB sa ika-53 anibersaryo nito Itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa! Magpunyagi at sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan!

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisayaTurkish

Puspos ng rebolusyonaryong alab at sigla, ipinagdiriwang ngayong araw ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasama ang sambayanang Pilipino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa, ang ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Ipagdiwang natin ang mga tagumpay sa nagdaang taon at ang naipong nagawa nito sa nagdaang limang dekada ng armadong paglaban.

Mahigpit naming sinasaluduhan ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma ng BHB at lahat ng kasapi ng mga katuwang at reserbang pwersa tulad ng mga milisyang bayan at yunit pananggol sa sarili ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa mga larangang gerilya na matatag na nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang layunin.

Sa okasyong ito ay nais naming parangalan ang lahat ng bayani at martir na inialay ang buo nilang buhay para sa pambansa at panlipunang paglaya. Nais naming bigyang espesyal na pagkilala si Ka Menandro Villanueva at Ka Jorge Madlos, kapwa pambansang kumander ng BHB at namumunong kadre ng Partido. Habampanahong aalalahanin ang walang pag-iimbot nilang serbisyo at di masusukat na kontribusyon sa rebolusyon at magsisilbing inspirasyon para sa bagong salinlahi ng mga rebolusyonaryong mandirigma.

Patuloy na nalulugmok at nawawasak ang kabuhayan ng mamamayan dulot ng pamalagiang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Pinagdurusahan ng mayorya ng sambayanan ang mga pinsalang hatid ng mga patakarang neoliberal sa ekonomya na dikta ng International Monetary Fund at dayong bangko. Milyun-milyon ang nagdurusa sa kawalang trabaho, mababang sahod at sweldo, nawalang kita, pagsirit ng presyo, pabigat nang pabigat na buwis, kulang na serbisyong pangkalusugan, edukasyon at kinakailangang serbisyo, pagtatambak ng labis na dayuhang produkto, imperyalistang pandarambong sa karagatan, kagubatan, mga ilog at lupa ng bansa, pyudal na pagsasamantala, at burukratikong korapsyon.

Sa desperasyong ipreserba at tiyakin ang interes ng mga imperyalistang bangko at monopolyong kumpanya, at ng mga naghaharing uring malaking burgesyang kumprador at malaking panginoong maylupa, ang rehimeng neokolonyal, na may suporta ng gubyerno ng US, ay bumaling sa tahasang terorismo ng estado at pasistang paninibasib laban sa bayan upang supilin ang kanilang mga hangaring patriyotiko at demokratiko. Lalong sumisidhi at nagiging brutal ang mga atakeng ito. Kasabay nito, lalong ibinuyangyang ng papet na rehimeng Duterte ang ekonomya sa 100% dayuhang pag-aari ng mga pampublikong yutiliti at serbisyo, na lubos na denasyunalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas pabor sa mga dayuhang monopolyong bwitre.

Mahigpit na nakakawing ang papalalang lokal na sitwasyon sa ekonomya at pulitika sa matagalang krisis ng istagnasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Patuloy na gumegewang ang ekonomya ng Pilipinas sa harap ng mahinang benta ng mga mineral, prutas at mala-manupakturang mababa ang dagdag na halaga. Nilalantad ng kumpetisyong pang-ekonomya at pampulitika sa pagitan ng nangungunang kapangyarihang kapitalista, ang US at China, ang malalang krisis bunga ng labis na produksyon at akumulasyon ng kapital ng monopolyong burgesya at ang mataas na potensyal ng gera sa East Asia dahil sa bawal na pag-angkin ng China sa mahigit 90% ng South China Sea. Samantala, sumiklab sa Ukraine ang armadong tunggalian bunga ng pagpapalawak ng NATO at paglitaw ng pasismo na bumiktima sa mamamayang Russian mula 2014. Ginamit na tau-tauhan ng US at NATO ang papet na rehimen nito sa Ukraine upang udyukan ang Russia, na siya namang nagpasyang kilalanin ang mga republikang bayan sa rehiyong Donbass at tukuyin ang mga tratado ng pagdedepensahan bilang mayor na batayan para sa tinagurian nitong espesyal na operasyong militar upang kontrahin ang walang habas na atake sa Donbass at nagbabadyang banta sa seguridad ng Russia.

Sa buong mundo, nagdurusa ang proletaryado at masang anakpawis sa lumalalang kalagayan at napupukaw na maglunsad ng anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibakang masa at aksyong rebolusyonaryo. Mismong ang mga imperyalistang kapangyarihan ang pangunahing dahilan ng sigalot panlipunan at ng peligrong sumiklab ang gera sa pandaigdigang saklaw. Ang pagdagdag ng dalawa sa dati nang imperyalistang kapangyarihan ay nagresulta sa paglala ng pangkalahatang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at pag-igting ng kontradiksyong inter-imperyalista na pumapatong sa iba pang mayor na kontradiksyon, tulad ng sa pagitan ng kapital at paggawa, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga aping mamamayan at bansa, at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan at hangarin sosyalista.

Nagdudusa ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa papalalang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala bunsod ng mga salik na lokal at pandaigdig. Ang matalim na paglala ng kalagayan ng bayan, ang laganap na paglabag sa kanilang mga karapatang demokratiko at ang umiigting na kampanya ng saywar at disimpormasyon ay puspusang naglalantad sa bulok na kaibuturan ng naghaharing sistema. Nagluluwal ito ng paborableng kundisyon para maramihang pukawin, organisahin at pakilusin ang bayan. Habang lumalala ang krisis ng naghaharing sistema, lalong nagiging bukas sa rebolusyonaryong propaganda at pagkilos ang mga progresibo at positibong mga uri.

Lalong tumataba ang lupa sa kanayunan ng Pilipinas para sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Milyun-milyong mga pamilyang magsasaka ang lalong pinahihirapan ng mapagsamantalang pyudal na upa, barat na presyo sa kanilang mga produkto, mababang sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapalit-gamit at pang-aagaw ng lupa, at ng pahirap na mga operasyong militar. Ang aping kalagayan ng masang magsasaka ay nagtutulak sa kanila na magsandata, at gayo’y ng paglakas ng BHB at pagpupunyagi nito sa landas ng pakikidigmang gerilya, sa harap ng anim na taon nang estratehikong mga opensiba ng kaaway.

Matagumpay na binigo ng Partido at BHB ang paulit-ulit na deklarasyon ni Duterte at ng kanyang mga heneral sa militar na gugupuin ang armadong paglaban ng bayan. Siyempre, dumanas din ito ng mga kabiguan, bunga ng ilang mga kahinaang internal at pagkukulang, partikular sa pag-angkop sa bagong sitwasyong militar bunga ng bagong estratehiya at arsenal ng kaaway na nag-obliga sa BHB na gumamit ng bagong mga paraan at taktika sa gerilyang paglaban. Gayunman, ang pananatili at mga tagumpay ng BHB sa karamihan ng mga larangang gerilya ay nagpapakita sa superyoridad sa pulitika ng digmang bayan kumpara sa digma ng kaaway laban sa bayan.

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, dapat matalas at kritikal na sapulin ng Partido, ng BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang sitwasyon at mahigpit na tanganan ang mga kagyat na tungkulin na dapat ipatupad para magpalakas at isulong ang rebolusyon. Dapat patuloy ang lahat ng mandirigma ng BHB, at mga kadre at aktibista ng Partido na pandayin ang kanilang mga sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at maghanda sa higit pang malalaking pakikibaka sa darating na panahon. Dapat nating paghandaan ang pagbaling ng kaaway sa mas malala pang brutalidad at pagbuhos ng lahat ng rekurso para sa kontrarebolusyonaryong kampanya ng terorismo at paninindak sa bayan. Dapat tipunin natin ang lahat ng ating kapasyahan at lakas, maghanda sa higit na malalaking sakripisyo, at buong-lakas na biguin ang plano ng kaaway, at isulong ang rebolusyon sa higit na mataas na antas.

Lalong patatagalin ng inter-imperyalistang armadong tunggalian ang pandaigdigang 
krisis ng kapitalismo

Patuloy na lumalala ang di malulutas na matagalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista habang kinakaharap ng mga monopolyo kapitalista ang problema ng sobrang produksyon at kaakibat na pagtaas ng antas ng di mabentang imbentaryo at pagsadsad ng presyo ng mga kalakal at tantos sa tubo. Kasabay nito, ang labis na di pagkakapantay-pantay at sagadsaring pagsasamantla sa uri ay nalalantad ng pagmamay-ari ng mga bilyunaryo, na bumubuo ng mas mababa pa sa 1% ng populasyon, sa 50% ng pandaigdigang yaman at ari-ariang pampinansya. Matagal nang nagbabantang sumiklab sa hayagang armadong tunggalian ang kompetisyon ng magkakaribal na imperyalistang bansa para sa mga pamilihan at larangan ng impluwensya, laluna sa pagkontra ng mga imperyalistang US sa China at Russia sa pagpapalapad ng mga ito sa pamilihan sa langis at natural gas, mga sandatang militar, mga produktong elektroniks, sasakyan at iba pang susing kalakal.

Mula nang maging solong superpower nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991, nagkumpyansa ang US na dalhin ang manupaktura sa China, itaas ang pamumuhunan at maglipat ng teknolohiya at hindi lang maliliit na pagawaan. Hindi sinasadya, pinahina nito ang sariling pagmamanupaktura at pag-empleyo sa mga manggagawa. Nagkonsentra ito sa produksyon ng mayor na mga produktong mataas ang teknolohiya at sa industriyang militar kapwa para magbenta ng armas at para pasukin ang magagastos na gerang agresyon tulad sa Iraq, Yugoslavia, Afghanistan, Libya, Syria at iba pang bansa. Sa ikalawang dekada na lamang ng kasalukuyang siglo napagtanto ng mga estratehista ng US ang estratehikong pagdausdos nito at nagsimulang mangamba sa paglakas ng China sa ekonomya at militar at sa pagtatag ng ekonomya ng Russia dahil sa laki ng kita nito sa langis.

Sumiklab ang gera ng US/NATO sa Ukraine laban sa Russia matapos ang walong taon ng agresyon ng mga pasistang Ukraine laban sa rehiyong Donbass mula noong kudeta ng 2014, ilang buwang pagtitipon ng mga tropang militar sa hangganan ng mga republikang bayan doon at walang habas na panganganyon sa mga imprastrukturang sibilyan. Bago pa nito ay ilang dekada na ang paglabag ng US at mga alyado nito sa NATO sa Minsk na kasunduang panseguridad noong 1991 kung saan binigyang katiyakan ang Russia na ang mga alyado nito sa dating Warsaw Pact ay hindi ipapaloob sa NATO. Sa nagdaang mga dekada, naglunsad ang US at NATO ng mga gerang agresyon upang pwersahin ang mga bansa sa silangan at gitnang Europe na pumailalim sa NATO, mag-istasyon ng mga kagamitang militar ng US, pagtayuan ng mga baseng militar at mga pasilidad para sa misayl at kontra-misayl ng US para palibutan ang hangganan ng Russia.

Ang kontra-agresyong militar ng Russia sa Ukraine ay inilunsad na “espesyal na operasyong militar” upang depensahan ang dominanteng populasyong Russian sa rehiyong Donbass laban sa ilang taon nang patakarang mapaniil at walang-habas na panganganyon ng gubyernong Ukraine na may suporta ng US, na umigting sa simula ng taon. Sa estratehikong pananaw, ito ay tugon sa agresibong pagtulak kapwa ng imperyalistang US, ng papet na rehimen at mga alyadong pasista sa Ukraine mula noong kudetang sinuportahan ng US noong 2014, na ipaloob ang Ukraine sa NATO na lalong magpapalakas sa pagkaka-entrensera ng mga baseng militar at pasilidad paniktik na itinayo ng US, UK at NATO malapit sa Russia.

Nais ng Russia na abutin sa lalong madaling panahon ang kontra-agresyong layuning “kontra militarisasyon at kontra nazipikasyon” para durugin ang mga armadong pwersang pasista at nasyunalista sa Ukraine at tapusin sa lalong madaling panahon ang gera sa pamamagitan ng usapang pangkapayaan. Subalit, kinakaharap nito ngayon ang posibilidad na magtagal ang gera sa Ukraine sa pagbuhos ng US at mga alyado sa NATO ng mga tangke, jet fighter, misayl, mga bomba at iba pang armas at pondong pang-ekonomya at pangmilitar sa Ukraine. Nagsaad ang Ukraine ng pagnanais na tapusin ang gera sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pagdeklara ng nyutralidad nito, subalit inuupat ito ng US at NATO na patagalin pa ang armadong paglaban nito.

Muling pinatutunayan ng proxy war sa Ukraine na ang imperyalismo ay katumbas ng gera. Matapos kahiya-hiyang mabigo at iatras ang mga tropa nito sa Afghanistan noong nagdaang taon matapos ang dalawang dekadang okupasyon, kinailangan ng mga imperyalistang US na magpasiklab ng bagong gera upang patuloy na patakbuhin ang higanteng makinang militar nito. Nakatakda ito ngayong gumasta ng $13 bilyon para magsuplay ng armas sa Ukraine at magpakat ng mga tropa sa mga kalapit na bansang NATO.

Habang nagbibigay ng armas at ayudang militar sa Ukraine, nagpataw din ang US at mga alyado nito sa NATO ng masaklaw na mga hakbanging panggigipit sa pinansya at kalakal laban sa Russia. Subalit ang naaasahan lang ng US na magpatupad ng mga hakbanging ito ay ang EU, Canada, Japan, South Korea, Taiwan at Singapore, na nagsasalamin sa malawak na pagkakahiwalay ng mga imperyalistang kapangyarihan, na dahilan na magpatuloy ang Russia na makipagkalakalan at makipagtransaksyon sa kabilang panig ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sabi ng United Kingdom, pinakamalapit na alyado ng US, ihihinto nito ang pagbili ng langis sa Russia, pero simula sa katapusan pa ng taon.

Ang panggigipit ng US ay ikinasasama rin ng loob ng mga bansa sa Europe na nag-aangkat ng 50% ng suplay nito ng natural gas mula sa Russia. Sa presyur ng US, kinansela ng Germany, na nag-aangkat ng 65% ng natural gas mula sa Russia, ang kontrata para sa operasyon ng Nord Stream 2 gas pipeline na magdodoble sana ng dinedeliber na natural gas ng Russia. Ang layunin ng US ay pwersahin ang mga bansa sa Europe na mag-angkat ng liquefied natural gas (LNG) at umasa sa US para itayo ang kanilang imprastrukturang pang-enerhiya, kabilang ang pagtatayo ng mga terminal at imbakan. Mula 2016, pinalalakas ng US ang kapasidad nito sa LNG at inaasahang magiging pinakamalaking prodyuser nito bago magtapos ang taon.

Ang panggigipit sa langis ng Russia ay nagresulta sa pagkapatid ng suplay at sinasamantala ng mga monopolyong kumpanya sa langis, mga bansang prodyuser ng langis, mga mamumuhunang pampinansya at hedge funds (pondong hawak ng malalaking kapitalista sa pinansya) na sangkot sa ispekulasyon sa langis para itaas ang presyo ng krudo at mga produktong petrolyo. Idineklara ng Saudi Arabia na wala namang kakulangan ng suplay. Ang US mismo, na nag-aangkat ng malaking bahagi ng langis nito sa Russia, ay nagkukumahog na bumili ng langis sa Venezuela, bansang ginigipit din nito.

Ilang buwan pa lamang ang nakaraan nang buong-yabang na ideklara ng mga imperyalistang ahensya ang “muling pagbangon sa ekonomya” noong nakaraang taon matapos ang pandaigdigang pagbagsak ng ekonomya noong 2020. Pero muli na naman ngayong kumukubabaw ang kapitalistang krisis. Ang pumapaimbulog na presyo ng mga produktong petrolyo ay nagtutulak sa gastos sa produksyon at nagbabantang patagalin lalo ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Nagbabanta ang malaking implasyon at posibilidad ng istagplasyon na muling magsasadlak sa mga sentro ng kapitalismo sa resesyon, habang mayorya ng mga bansa ay hindi pa nakababawi mula sa mga lockdown at paghinto ng kalakalan sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19.

Ang mga pandaigdigang sentro ng kapitalismo ay sadlak pa rin sa krisis at batbat ng problema ng mahinang produksyon at sumisirit na utang. Sa nagdaang dalawang taon, bumubuo ng patse-patseng pakete para sa gastusing neo-Keynesian na tinatawag ngayong Building a Better American na programa ng paggastos ng $3 trilyon sa darating na mga taon sa tangkang pasikarin ang lokal na produksyon. Nauuga naman ang China dahil sa humihinang bentahan, pagbagal ng produksyon at napakalaking hindi mabayarang utang pampubliko at pribado. Tumaas pa tungong $303 ang pandaigdigang utang, matapos sumirit noong 2020, sa desperadong tangkang isalba ang mga kumpanya, magbigay ng mga subsidyo at pasikarin ang produksyon.

Nasa kaibuturan ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang di malulutas na problema ng sobrang produksyon, sobrang suplay ng kalakal at sobrang akumulasyon ng kapital ng mga dominanteng monoopolyong burgesya bunsod ng kapitalistang kompetisyon at anarkiya sa produksyon. Sobra ang suplay ng asero, mga sasakyan, kasuotan at sapatos, langis, butil at iba pang mayor na kalakal. Dahil sa pansamantalang kakulangan sa mga elektronikong semiconductor noong nakaraang taon, sabay-sabay na namuhunan sa bagong mga pagawaan sa US, the Netherlands, China, Taiwan, Japan, South Korea at ibang bansa, na inaasahang magreresulta sa sobrang suplay laluna sa murang mga chips sa katapusan ng taon.

Dahil sa kompetisyon, nag-uunahan ang magkakaribal na kapitalista sa pagpaparami ng produksyon at papalaking pamumuhunan sa mga makina, robot, artificial intelligence at mas bagong teknolohiya, at papaliit na sahod, na humahantong sa bumubulusok na tantos ng tubo. Totoo ito kahit sa pinakamalaking kapitalista, na marami ay lumulutang lang sa pinalobong pinansya sa pamamagitan ng ispekulasyon sa sapi at pamilihang pampinansya.

Patuloy ang pagbaling ng US at iba pang pandaigdigang sentro ng kapitalismo sa Keynesianismong militar para magpatuloy ang produksyon. Lumobo ang badyet sa depensa sa $776 bilyon noong 2021 (sa kabila ng pag-atras sa Afghanistan) at nakatakdang lumago pa sa $782 bilyon sa 2022. Idineklara rin ng Germany ang planong itaas nang husto ang gastos sa depensa tungong $113 bilyon, alinsunod sa kasunduan sa NATO na maglaan ng 2% ng GDP para sa depensa.

Ang pundamental na kapitalistang kontradiksyon sa pagitan ng produksyong panlipunan at pribadong akumulasyon ng labis na halaga ay patuloy na umiigting, habang ang yaman at kapital ay lalong nakokonsentra sa kamay ng iilang monoopolyong kapitalista. Mula 2020, ang kolektibong yaman ng 704 bilyunaryo sa US ay lumaki nang $1.7 trilyon at hawak ang yaman na katumbas ng pag-aari ng 165 milyong Amerikano. Noon lang 2020, lumaki nang $1.5 trilyon ang pag-aari ng pinakamayamang Chinese.

Sa kabilang panig, dumaranas ang masang manggagawa at anakpawis ng mas malalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi at parami nang parami ang nasasadlak sa kagutuman, sagadsaring kahirapan at kalunus-lunos na kalagayang panlipunan. Daan-daang milyon ang nawalan ng hanapbuhay at kita. Ang kita ng higit 100 milyon ay bumagsak na mas mababa sa $1.90 kada araw, habang 163 milyon ang nabubuhay ngayon sa mas mababa sa $5.50 kada araw.

Ang papalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ay nagluluwal ng malawak na protestang masa sa iba’t ibang dako ng mundo para labanan ang mga pang-ekonomyang hakbanging neoliberal, pasistang panggigipit at digmaang imperyalista. Dapat patuloy na magpalakas sa sarili ang rebolusyonaryong proletaryado at samantalahin ang paborableng kundisyon para pamunuan ang demokratikong pakikibaka ng mga aping uri at progresibong sektor.

Lalong nagiging paborable ang kalagayan para sa pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Patuloy na sumusulong ang mga armadong pakikibaka sa India, Manipur, West Papua, Turkey, Kurdistan, Syria, Myanmar, Colombia, Peru at iba pang mga bansa.

Pinalubha ng imperyalistang 
mga patakaran ang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Duterte

Sa nakalipas na anim na taon, lumubha ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at tumindi ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino dahil sa mga hakbanging neoliberal, kakumbina ang militarisasyon ng estado at mga patakaran ng terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.

Tumatalima ang mga hakbanging pang-ekonomya ni Duterte sa mga patakarang dikta ng gubyernong US, mga imperyalistang institusyong pampinansya at dayuhang credit rating agency (naggagrado sa mga bansa batay sa kakayahang magbayad), gayundin ng lokal na American Chamber of Commerce at kanilang mga kasosyo. Ang mga ito ay nakatuon sa pagpapalawak ng interes ng malalaking dayuhang banko at korporasyon at ang sunud-sunurang lokal na uring malalaking burgesya kumprador, malalaking panginoong maylupa, pati ang mga burukratang kapitalista.

Sa nagdaang ilang dekada, nabalaho ang ekonomya ng bansa at nanatiling atrasado, agraryo at di-industriyal dulot ng mga hakbanging pang-ekonomya na ipinataw ng mga dayuhan. Nananatiling nakaasa sa utang at import at nakatuon sa eksport ang produksyon. May mababang dagdag-halaga ang limitadong produksyong industriyal at kinapapalooban pangunahin ng pag-asembol ng mga pyesang inimport, o kaya’y pag-eempake. Nananatiling maliitan sa kalakhan ang agrikultura at gumagamit ng kasangkapang de-mano, at napakalimitado ang gamit ng makinarya pang-industriya.

Ang naghaharing sistema ay lalupang nabulok at hindi natutugunan ang mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino na nagdurusa sa malaganap na disempleyo, lubhang napakababang sahod, kawalan ng kita, kawalan ng lupa at pang-aagaw ng lupa, nagtataasang presyo, kawalan ng serbisyong panlipunan at iba pang malulubhang sakit ng lipunan.

Hinatak pa ni Duterte nang palalim sa krisis ang bayan. Sa nagdaang anim na taon, dumoble ang utang ng bansa mula sa wala pang ₱6 trilyon noong 2016 tungong mahigit ₱12 trilyon noong Marso, at inaasahag lalupang lolobo tungong ₱13.42 trilyon sa katapusan ng taon. Binangkarote ang gubyerno ng malakihang korapsyon, magastos at maanomalyang mga proyektong imprastruktura at labis na paggastos ng militar, na nagresulta sa walang kaparis na antas ng depisito ng gubyerno (o kakulangan ng pondo) na umaabot sa ₱1.67 trilyon noong nagdaang taon. Ang mga nakaw ni Duterte at ng kanyang mga upisyal ay inimbak sa mga bankong Chinese at iba pang dayuhang akawnt.

Hinayaan ng rehimeng Duterte ang mga imperyalista na lalupang higpitan ang kontrol at dominasyon sa lokal na ekonomya sa bisa ng inamyendahang Foreign Investments Act, ang Retail Trade Liberalization Act at ang Public Service Act na pawang iniikutan ang mga pagbabawal sa konstitusyong 1987 sa buong pagmamay-ari at operasyong dayuhan sa mga negosyo. Sa ilalim ng mga batas na ito, papayagan na ang mga dayuhang kapitalista na ganap na magmay-ari at magpatakbo ng mga negosyo sa lahat ng larangan ng pamumuhunan, maliban sa depensa, sa mga pampublikong yutilidad tulad ng distribusyon ng kuryente at tubig, at sa maliliit na negosyong tingi.

Bilang pagtalima sa mga iginiit ng dayuhang mga kapitalista at kanilang lokal na mga kasosyo sa negosyo, pinagtibay ni Duterte ang batas na CREATE na nagkaltas nang 5% sa buwis ng mga korporasyon (katumbas ng ₱600 bilyong nawalang kita ng gubyerno sa susunod na limang taon) bilang insentibo upang makaakit ng mas maraming dayuhang mamumuhunan. Kamakailan ay ibinasura niya rin ang pagbabawal sa pagmiminang open-pit at iba pang operasyong mina na magpapahintulot sa dayuhang mga kumpanyang mina na ibayong dambungin at pigain ang rekursong mineral mula sa mga kabundukan, ilog, kalupaan at karagatan ng bansa. Pinagtibay din ni Duterte ang Rice Import Liberalization Law na nagresulta sa pagbaha ng imported na bigas na may subsidyo ng kanilang estado, sa kapahamakan ng mga magsasaka sa palay na patuloy na nagdurusa sa mababang presyo ng pagbili sa palay. Nagdurusa rin ang mga magsasaka ng gulay at prodyuser ng karne dahil sa di-pantay na kumpetisyon sa gitna ng talamak na ismagling sa tabing ng todong liberalisasyon. Pinayagan rin ni Duterte ang mga antas-industriyal na pangingisdang Chinese sa loob at sa palibot ng teritoryong dagat ng Pilipinas na siyang sumaid sa rekursong dagat ng bansa at nagpahirap sa mamamalakayang Pilipino.

Pinasidhi ng kontra-mamamayan at konta-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Duterte ang kalagayan ng mamamayang Pilipino. Sa ilalim ng batas na TRAIN, ipinataw sa balikat ng mamamayan ang pabigat na pagbubuwis sa mga kalakal at serbisyo. Dahil sa lumalaking utang at nawalang kita dahil sa pagkaltas sa buwis ng malalaking korporasyon, itinutulak ngayon ng mga upisyal ni Duterte ang karagdagang mga buwis sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis. Mas malala pa, ginamit ni Duterte at mga alipures niya ang kanilang kapangyarihan para magpayaman. Patuloy na lumubha ang korapsyon sa anyo ng mga kikbak at suhol kapalit ng mga pabor ng gubyerno sa mga kontrata at mga proyektong walang-pakinabang sa bayan, na kung pagsasama-samahin ay higit pa sa pagwawaldas sa ilalim ng 14-taong diktadura ni Marcos. Marami sa mga tulay, kalsada sa baybayin at mga reklamasyon ng lupa na ito ay pawang walang silbi at umaagaw sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Pasan rin ng mamamayang Pilipino ang bigat ng sobra-sobrang gastusing militar at pulis ni Duterte para sa labis-labis na pagbili ng mga sarplas na kagamitang militar mula sa US, at para itaas higit sa pamantayan ang sweldo ng mga upisyal ng AFP at PNP upang bayaran ang kanilang katapatan. Dahil sa sobrang paggasta sa militar, dumanas ng kakulangan ng pondo at pagkaltas sa badyet ang pampublikong edukasyon at pampublikong kalusugan. Resulta nito, pinagdurusahan ng mga estudyante, ng kanilang mga magulang at guro ang kakulangan sa mga klasrum at guro, sweldong alipin, at kakulangan ng imprastruktura para sa distance learning at mga pasilidad para sa ligtas na pagbabalik sa harapang mga klase. Pinatampok ng pandemyang Covid-19 ang malubhang kakulangan ng mga duktor, nars at manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital at ang mataas na mga bayarin sa mga laboratoryo at paggagamot. Kulang pa rin ang badyet ng gubyerno para sa pampublikong kalusugan, kaya nananatiling bulnerable ang bansa sa muling pagdami ng hawaan sa Covid-19.

Hirap na hirap ang malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka sa tumataas na presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan at yutiliti habang nagkakamal ng dambuhalang kita ang mga kumpanya ng malalaking burgesya kumprador. Sa ilalim ni Duterte, nagdusa ang malawak na masa ng manggagawa sa pambabarat at pagkakaltas sa sahod na hindi na makaagapay sa arawang gastusin ng karamihan ng pamilyang Pilipino. Ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa ay pinatindi ng kontraktwalisasyon at iba pang pleksibleng mga kaayusan sa paggawa. Ang milyun-milyong walang trabaho—ang reserbang hukbo ng paggawa—ay desperadong nagsisiksikan sa malalawak na pook ng mga barung-barong sa mga syudad. Sa kanayunan, daan-daanlibong magsasaka ang pwersahang itinaboy mula sa kanilang lupa dahil sa talamak na pagpapalit-gamit at pang-aagaw ng lupa ng malalaking panginoong maylupa, mga kumpanya sa mina, proyektong imprastruktura at mga plantasyong nagpapalawak. Sa kabuuan, aabot sa 70% ng mga Pilipino ang walang katiyakang nabubuhay sa bingit ng kahirapan o kaya’y naghihirap, habang 10%-15% ang nanganganib na masadlak sa sukdulang kasalatan at kahirapan.

Upang ipreserba ang estratehikong interes nito at ang naghaharing neokolonyal na sistema sa Pilipinas, patuloy na pinalalakas ng imperyalismong US ang mga pwersang pangmilitar at panseguridad ng papet na estado nito. Ginawa nitong dambuhalang muog ng militar ang reaksyunaryong estado upang magpatupad ng pasistang kapangyarihan sa bawat sulok ng bansa. Ang US ang tunay na kumokontrol sa operasyon ng AFP na bulag na tumatalima sa doktrina sa kontrainsurhensya ng US, sa kabila ng pagkatalo ng US sa pinanghimasukan nitong mga kontrainsurhensya sa iba’t ibang bansa sa nagdaang pitong dekada.

Sinasakop ng US ng impluwensya at kontrol nito ang AFP at nagbubuhos ng pondo at kagamitang pandigma sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement, at Operation Pacific Eagle-Philippines. Permanenteng nakaistasyon sa Pilipinas ang mga Amerikanong sundalo, kagamitang militar at armas. Upang pahigpitin ang koordinasyon at kontrol sa operasyon ng AFP, naglunsad ang US sa nagdaang anim na taon ng 1,300 aktibidad militar kasanib ang Pilipinas, at 850 beses na nagdaong sa bansa ng kanyang mga barkong pandigma.

Sa pagdidirihe, pagpaplano at pagpondo ng mga ahente ng US Central Intelligence Agency at mga tagapayong militar ng US, bumaling ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas sa walang-pakundangang pasistang mga patakaran, lantarang pagsupil sa demokrasya at brutal na mga atake laban sa mamamaya kung saan napailalim ang buong burukrasya sa mando ng mga heneral at mga upisyal sa depensa. Nagawa nilang ilagay sa sentro ng patakarang pang-estado ang kontra-insurhensya at anti-komunistang panunupil, kung saan pinalawak ang kapangyarihan ng militar at pulis, at pinakawalan ang mga pwersang panseguridad ng estado upang supilin ang batayang mga demokratikong karapatan at kalayaan, na tumarget sa mga aktibista, kritiko at pampulitikang oposisyon.

Nireorganisa ang burukrasya ng gubyerno upang ipailalim ang mga sibilyang ahensya ng estado sa kontrol ng National Task Force-Elcac, na katunaya’y isang huntang sibil-militar na siyang aktwal na nagmamando sa buong gubyerno. Noong 2020, pinagtibay ang batas sa terorismo ng estado (tinaguriang Anti-Terrorism Law) na nagbigay sa estado ng mas malupit na kapangyarihan na labag sa batayang mga karapatan at prosesong ligal.

Talamak ang mga abusong militar at pulis sa buong bansa, kapwa sa mga syudad at kanayunan. Sa mga syudad, ang mga unyonista, organisador sa komunidad, aktibistang kabataan at kababaihan, gayundin ang mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, progresibong lider relihiyoso, guro at manggagawang pangkalusugan ay ipinaiilalim ng mga ahente ng militar at pulis sa paniniktik, panggigipit, arbitraryong pag-aresto at ekstrahudisyal na pagpatay. Mas malubha ang kalagayan sa kanayunan, bagamat matindi ang di-pag-uulat sa mga insidente ng mga abuso at paglabag ng militar sa karapatang-tao.

Binubura ng kaaway ang lahat ng pag-iiba sa mga kombatant at sibilyan. Basta-basta nitong inaakusahan ang mga tao na komunista o tagasuporta ng komunista at ginagamit ang ATL upang bigyang katwiran ang malalalang paglabag sa kanilang mga karapatan at kalayaan. Sinasakop nito ang mga komunidad gamit ang malalaking bilang ng tropa sa mga reyd sa tahanan ng mga magsasaka nang gabi o madaling araw tulad ng Oplan Sauron sa Negros, masaker ng mga katutubong Tumandok sa Capiz at ang Bloody Sunday na maramihang pagpatay sa mga aktibista sa Southern Tagalog.

Sa lahat ng dako ng bansa, buu-buong mga barangay o kulumpon ng mga barangay ang ipinaiilalim sa batas militar na nagpapahirap sa mga komunidad ng magsasaka. Nagtatayo ng mga detatsment ang AFP o ginagawang baraks ang mga instrukturang sibilyan, nagtatalaga ng mga gwardya sa palibot upang manmanan at kontrolin ang galaw ng mamamayan, nagtatayo ng mga tsekpoynt upang kontrolin ang pamimili ng masa (sa tabing ng pagbara sa suplay na pagkain ng BHB), pumipigil sa masa na magsaka at magkaingin tuwing may operasyong militar, at nagbabawal sa mamamayan na magpalawak ng mga sakahan o magpataas ng produksyon (dahil napupunta daw sa BHB ang labis na ani). Walang-patid na ginigipit ng mga pasistang sundalo ang masang magsasaka, basta-basta nilang inaakusahang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan, pinalalabas na mga “sumurender,” tinitiktikan, nire-reyd nang gabi ang mga bahay, pinatitiwalag sa mga organisasyon, dinudukot o inaaresto batay sa pekeng mga kaso at pinapatay ang mga lider ng magsasaka at mga aktibista.

Sa kabila ng paulit-ulit na deklarasyong mahina na ang BHB at madudurog bago magtapos ang termino ni Duterte, patuloy na pinararami ng AFP at PNP ang mga kontra-gerilyang pwersang pangkombat nito. Mayroon ngayong 166 batalyong pangkombat ang Army, Air Force, Marines, Scout Rangers, Special Action Force at iba pang yunit ng militar at pulis na nakapakat laban sa BHB, mas marami nang 21 kesa sa nagdaang taon. Sa daming ito, nakapagtatalaga ang AFP ng 5-6 batalyon laban sa prayoridad o pinopokusan nitong subrehiyon o larangang gerilya ng BHB, at nakapagtatalaga ng 2-3 sa mga eryang wala sa prayoridad. Nagtatag ang AFP at PNP ng mga pinagsanib na kumand at operasyon.

Nagawang palakihin ng AFP at PNP ang pagpakat nito ng mga tropang pangkombat laban sa BHB sa pamamagitan ng pagbubuo ng bagong mga yunit at batalyon at paglipat ng mga pwersa mula sa mga eryang Moro matapos ang pagsuko ng Moro Islamic Liberation Front. Gumastos ang AFP ng di bababa sa ₱900 milyon upang magbuo ng bagong dibisyon (ang 11th ID) na itinalaga sa Sulu at Tawi-Tawi na mahigpit na kokontrolin ng mga pwersang militar ng US na permanenteng nag-ooperasyon sa lugar. Maraming batalyon ng PNP Special Action Force ang binuo rin noong nagdaang taon.

Halos 60% ng mga tropang pangkombat na ito ay konsentrado sa lima sa 13 rehiyon na kinabibilangan ng Southern Tagalog, Eastern Visayas, Southern Mindanao, Bicol at North Central Mindanao. May kapansin-pansin na pagdami ng pwersang ipinakat sa Far South Mindanao, Negros, Southern Mindanao, Eastern Visayas, Cagayan Valley at Southern Tagalog. Layunin ng AFP na magsagawa ng malakihan at nakapokus na mga operasyong militar, ikoordina ang iba’t ibang sangay nito, at lubusin ang paggamit sa buong arsenal nito laban sa mga pwersang gerilya ng BHB.

Lalupang lumaki ang badyet ni Duterte sa militar tungong ₱221 bilyon ngayong taon mula sa ₱217 bilyon noong nagdaang taon. Sa kabila ng kwestyunableng paggastos, lalupang lumaki ang badyet ng NTF-Elcac tungong ₱17.5 bilyon (mula ₱4.2 bilyon) bagamat ₱10 bilyon dito ay nasa kategoryang unallocated o walang pondo. Sa nagdaang anim na taon, tumanggap ang AFP ng kabuuang $1.14 bilyong halaga ng ayudang militar sa anyo ng Foreign Military Financing, mga programa sa pagsasanay militar at iba pa. Bilyun-bilyong piso ang ginastos ng rehimeng Duterte sa pagbili ng mga pang-atakeng at pangkargang helikopter, mga fighter jet at pang-atakeng eroplano, kanyon at sistema ng artileri, mga bombang 500-libra at 250-libra, mga rocket at misayl, sistemang drone, mga tangke, armored personnel carrier, kagamitan sa elektronikong paniniktik at komunikasyon, mga riple, bala at marami pang iba. Gumagamit ito ng GPS tracking system (o pagmamanman gamit ang satelayt), mga kamerang sinliit ng butones upang subaybayan ang kilos ng mga gerilya sa kagubatan, kagamitan para tiktikan ang mga selpon, at iba pa.

Kasabay nito, patuloy na tinutulungan ng US ang AFP sa pagbubuo nito ng kakayahan sa cyberwarfare upang palakasin ang internal na sistemang pangkomunikasyon ng AFP para sa eksaktong pagsubaybay sa larangan ng mga labanan upang mapalakas ang kakayahan sa pagmando at pagpakilos ng mga pwersa. Patuloy din nitong sinasanay ang mga tauhan ng AFP sa “pagkontrol sa daloy ng impormasyon” sa pamamagitan ng saywar at disimpormasyon. Layunin nitong kontrahin sa pulitika ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng mga pagpaparada ng mga “sumurender” at pagsabing sila’y “nalinlang ng mga pangako ng mabuting buhay,” sa pamamagitan ng pagturing na kriminal ang mga rebolusyonaryong pwersa gamit ang batas, at paulit-ulit na pagbalita na nakatanggap ng “impormasyon mula sa mga sibilyan” laban sa mga yunit ng BHB. Layunin nitong magpakita ng positibong imahe ng AFP sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga proyektong “pangkabuhayan” or “pabahay” na sa katunaya’y hindi tumutugon sa malalim na ugat ng kahirapan at kaapihan ng masa. Kasabay nito, sinasanay ng AFP ang mga tauhan nito upang maglunsad ng mga atake sa internet laban sa mga websayt ng PKP at NDFP, at iba pang websayt na kritikal sa rehimeng Duterte.

Habang ang pagpaparami ng lakas-pamutok ng AFP sa tulong ng US ay nagpapalakas sa kakayahang pumatay ng AFP, sa katunaya’y palatandaan ito ng lumalaking estratehikong kahinaan ng naghaharing sistema. Ipinapakita nito na upang panatilihin ang naghaharing sistema, lalong sumasandig sa armadong pagsupil at pasistang mga paraan ang malakolonyal na estado, sa halip na pampulitikang pagkumbinsi at pagkuha ng suporta.

Gayunman, ang tulak para sa napakalaking superyoridad sa militar ay nagreresulta sa kabaligtaran nitong kahinaan sa pulitika. Lalo nitong itinataguyod ang kultura ng pasistang kawalang-pakundangan at ganap na pagbabalewala sa demokratikong mga karapatan at kalayaan ng mamamayan na naglalantad sa hayagang pagtatanggol nito sa interes ng naghaharing mapang-api at mapagsamantalang mga uri, at sa gayo’y lalupang naghihiwalay sa kanila sa mamamayan. Pinawawalang-saysay nito ang prinsipyo ng pangingibabaw ng sibilyan sa militar at pinakikitid ang espasyo para sa demokratikong pagpapahayag na lalong nagpapakita ng matuwid at tumpak ang landas ng rebolusyonaryong armadong paglaban. Dahil sa lumalaking pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan ng militar, lalong silang nagiging pasaway sa pananagutan, nalalango sa korapsyon at paglaro sa pulitika, at lumalalim ang demoralisasyon sa hanay ng mga karaniwang sundalo na ginagawang pambala sa kanyon. Ang mga estratehikong kahinaang ito ay lalupang pinalulubha ng mga hakbang ng imperyalistang China na magpalalim ng impluwensya nito sa loob ng militar ng Pilipinas at makipagmabutihan sa mga upisyal militar ng Pilipinas gamit ang panunuhol o pampinansyang pakinabang.

Sa nagdaang anim na taon, naghari ang reaksyunaryong estado sa ilalim ni Duterte gamit ang terorismo at karahasan ng estado laban sa mamamayan, mula sa pekeng “gera sa droga” hanggang sa kontra-rebolusyonaryong gera ng panunupil. Libu-libo ang krimen laban sa mamamayan ng mga pwersa ng estado kabilang ang masaker sa mga sibilyan, pagdukot at pagpatay sa mga aktibista, gayundin sa di-armadong mga rebolusyonaryo, pambobomba mula sa ere at panganganyon sa mga sibilyang komunidad at iba pa. Patuloy na dumarami ang bilang ng mga bilanggong pulitikal na pinagdurusa sa matagalang pagkakakulong.

Kinasusuklaman ng mamamayang Pilipino ang rehimeng Duterte dahil sa korapsyon nito, sa pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhang kapangyarihan at sa tiranikong paghahari. Sukdulan itong nahiwalay sa mamamayan. Ang pagnanasa ni Duterte sa kapangyarihan at mga pakanang palawigin ang kanyang dinastiyang pulitikal upang umiwas sa pag-usig ng internasyunal o lokal na korte sa kanyang mga krimen ay nagpaigting sa tunggalian sa hanay ng mga nagriribalang paksyon ng mga uring malaking burgesya kumprador-panginoong maylupa. Ang mga planong nakawin ang eleksyon para sa kampong Marcos-Duterte ay nananatiling unang plano ngunit lubhang magiging mahirap na isagawa nang hindi magtutulak ng malawakang mga protestang masa at magsasapanganib sa katatagan ng naghaharing sistema. Patuloy na lumalaki ang mga pangmasang rali ng pangunahing pampulitikang oposisyon dahil nagiging larangan ito para sa pagpapahayag ng mamamayan ng kanilang galit laban sa pasistang rehimen.

Abala ang mga imperyalistang US na pangasiwaan ang nagriribalang paksyon at buuin ang mga pampulitikang aregluhan upang mapayapang magtransisyon matapos ang eleksyon. Ngayon pa lamang, may namumuong kompromiso sa hanay ng pangunahing mga paksyon ng naghaharing uri na suportahan ang tambalang Robredo-Duterte para pag-aakomodasyon sa darating na eleksyon sa presidente at bise-presidente. Makikita pa kung magtatagumpay ang US na suyuin ang nagriribalang paksyon ng naghaharing uri na patuloy na lumalalim ang pagkakabibitak-bitak habang lalong nagiging ganid dahil sa lumulubhang krisis ng naghaharing sistema. Kaalinsabay, nariyan pa rin ang mga ulat na pwede pang piliin ni Duterte na gawing president si Isko Moreno o gamiting kapani-paniwalang dahilan upang tapyasan ng boto si Robredo pabor kay Marcos.

Mayroong katiyakan o kaya’y malaking posibilidad na dadayain ni Duterte ang bilangan ng boto at gamitin ang natitirang panahon sa kanyang termino sa Mayo o Hunyo para magdeklara ng batas militar sa tabing ng paglaban sa panggugulo ng oposisyon sa eleksyon at sa mga “teroristang komunista” at hawanin ang daan para sa “swabeng transisyon” tungo sa mapipili niyang mga kapalit. Pero dahil sa malalaking rali na pinakikilos ng oposisyon, ng mga simbahan at ng ligal ng mga pwersang demokratiko, maaaring magpigil si Duterte o hadlangan siya sa pagdaya sa eleksyon o pagpataw ng batas militar, o maghanda sa malawak na masa ng mamamayan para sa higanteng pag-aalsa tulad ng Edsa I at Edsa II.

Anuman ang kalalabasan ng eleksyon sa Mayo, dapat matalas na mabatid ng mamamayang Pilipino na kakailanganin nilang ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga pakikibaka upang bawiin ang kanilang mga kalayaan at karapatan, at ipaglaban ang kanilang mga demokratikong hangarin. Kakailanganin nilang labanan ang estadong lulong sa kontra-insurhesya at lumaban para basagin ang pagkontrol ng militar sa buong gubyerno at igiit ang pagwawakas sa paghahari ng tiraniya at kawalang-pakundangan.

Dagdag pa, kakailanganin ng sambayanang Pilipino na patuloy na palakasin ang kanilang mga organisasyon upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudyal, durugin ang papet na estado at itayo at palakasin ang demokratikong gubyernong bayan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado.

Pagtataas sa kakayahan ng BHB 
na ipagtanggol ang bayan at labanan 
ang pasistang kaaway

Sa nagdaang anim na taon, matagumpay na binigo ng BHB ang brutal at malawakang estratehikong mga opensiba ng kaaway at mga deklarasyong wawakasan ang armadong rebolusyon bago matapos ang termino ng rehimeng US-Duterte. Napreserba nito ang pwersa sa pamamagitan ng pagpupunyagi sa landas ng matagalang digmang bayan at matatag na pagsulong sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Nagpamalas ng kahanga-hangang tibay at tatag ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB, at mga kadre ng Partido na namumuno sa BHB upang balikatin ang mabibigat na sakripisyo, pangibabawan ang lahat ng kahirapan at limitasyon, at gawin ang lahat upang ipagtanggol ang bayan laban sa pasismo at terorismo ng estado. Handa silang itakwil ang lahat ng paghahangad para sa kumportable at madaling buhay sa pagbabalikat nila ng mahihirap na tungkulin sa paglulunsad ng digmang bayan. Humuhugot sila ng saya, lakas at inspirasyon mula sa masang magsasaka na walang pag-iimbot na pinaglilingkuran ng BHB, at sa kabilang panig ay sumusuporta sa pangangailangan ng BHB.

Sa nagdaang ilang taon, dumanas ang ilang yunit ng BHB ng seryosong mga pag-atras sa harap ng pinatinding pasistang mga atake ng kaaway gamit ang superyor na pwersang militar upang dumugin at sindakin ang mga platung gerilya ng BHB at ang rebolusyonaryong masa. Kailangang tukuyin, punahin at iwasto ang mga pagkakamali, panloob na mga kahinaan, at mga kakulangan na nagpahina sa kakayahan ng mga yunit na ito na epektibong gamitin ang mga gerilyang taktika ng konsentrasyon, pagdispers at paglilipat. Ilan sa mga yunit na ito ang nasadlak sa iba’t ibang problema kabilang ang labis na konsentrasyon at pagpapakitid sa sarili, kahinaan sa tamang pagbalanse ng gawaing militar at pulitikal, na nagresulta sa pagkawala ng kanilang kakayahang palakasin at palaparin ang baseng masa at erya ng operasyon. May ilang yunit na pinahina ng konserbatismo at pagiging pasibo o kaisipang muog-na-bundok. Sa ilang larangang gerilya, nakapagkonsentra ang kaaway ng mga pwersa nito sa limitadong saklaw gamit ang brutal na mga taktika ng panunupil sa masa upang magtayo ng mga blockhouse, paatrasin ang BHB sa mahirap na kalupaan kung saan mahirap ang daloy ng suplay at impormasyon, at pwersahin silang malagay sa sitwasyong lantay-militar. Napaka-importante para sa lahat ng yunit ng BHB na matapat na tasahin ang kanilang kalagayan, tukuyin at pangibabawan ang kanilang mga kahinaan at kakulangan at pangibabawan ang mga limitasyon, upang matatag na umabante sa bagong mas mataas na antas.

Sa kabila ng ilang kabiguan, nananatiling determinado ang BHB na isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Ang determinasyon ng mga Pulang mandirigma ng BHB at ng masa na lumaban ay nakaugat sa katumpakan at kawastuhan ng pagsusulong ng armadong paglaban. Para sa mamamayang Pilipino, lalong nawawala ang duda sa pangangailangan para sa armadong pakikibaka dahil sa lumulubhang pang-aaping imperyalista at pyudal, burukrata-kapitalistang korapsyon, tumitinding makauring pagsasamantala ng malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador sa mga manggagawa at magsasaka, at tumitinding brutal na pasistang terorismo sa ilalim ng papet na rehimeng Duterte. Patuloy na susupilin ng naghaharing mga uring mapagsamantala at mapang-api ang adhikain ng bayan para sa tunay na pambansang soberanya at demokrasya.

Ang mga kabiguang dinanas ng ilang yunit ng BHB ay nagpapatunay sa pangangailangang isulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Pinagtitibay din ito ng positibong karanasan ng malaking mayorya ng mga yunit ng BHB na patuloy na lumalakas habang kinukumbina at kinukumpas ang tamang balanse ng gawaing militar at gawaing masa (o pangmilitar at pampulitikang mga gawain), pagpapalawak at papapatatag, pagbubuo ng mga bertikal na yunit batay sa akmang pahalang na latag ng mga yunit ng hukbo at baseng masa, at iba pa. Nagawa nilang palawakin ang saklaw ng mga larangang gerilya o nabawi ang mga nawalang erya, o nakapagbuo ng bagong mga larangang gerilya habang nakapagbubuo ng bagong mga yunit ng BHB. Nagagawa ito habang kinokonsolida at pinalalakas ang lumang mga erya sa pamamagitan ng ibayong pagpapalawak ng mga organisasyong masa, pagbuo ng mga yunit milisya, at pagkonsolida ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika upang patuloy na itaas ang antas ng agraryong rebolusyon at maglunsad ng pakikidigmang gerilya para ipagtanggol ang masa laban sa pasistang mga atake ng kaaway.

Dapat pandayin ng BHB ang sarili at maghanda sa mas mahirap na pakikibaka habang isinusulong natin ang matagalang digmang bayan tungo sa susunod na antas. Dapat patuloy na humalaw ang BHB ng mga aral mula sa kasaysayan nito, ibayong palalimin ang ating pag-unawa sa pagsusulong ng digmang bayan, at lagumin ang ating praktika sa gabay ng Marxismo-Leninismo at ng konstitusyon ng Partido at programa sa pagkilos bilang mga teoretikong gabay.

Dapat tayong matuto mula sa abanteng mga karanasan ng ilang kumand ng BHB na matagumpay na nasawata ang todong mga atake ng kaaway. Ang ilang yunit ng BHB ay nagtagumpay sa pagkabihasa sa mga taktikang kontra-kubkob gamit ang pagdispers at mabilisang galaw ng maliliit ng yunit upang tumagos sa makikipot na pagitan ng mga kolum ng kaaway upang birahin ang tagiliran at likuran nito. Matagumpay ang ibang larangang gerilya ng BHB na pwersahin ang kaaway na batakin ang kanyang pwersa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng eryang kinikilusan ng BHB upang saklawin ang 6-10 bayan habang pinananatili ang mahigpit na pamumuo sa masa at naglulunsad ng armadong mga aksyon sa buong kalaparan ng kanyang teritoryo.

Mahigpit na nagpapatupad ng disiplinang militar at patakaran sa seguridad ang mga yunit ng BHB, at ibayong nagpapaunlad ng pamamaraang gerilya sa lihim na pagmamaniobra at pagkakampo, para ipawalang-saysay ang paggamit ng kaaway ng mga drone, satellite tracker, at elektronikong signal, kakumbina ang pwersang paniktik sa lupa, para sa sarbeylans at pagtukoy sa target; at gayo’y pinagkakaitan ang kaaway ng pagkakataon na magamit ang kanilang aset panghimpapawid para maghulog ng mga bomba at mang-istraping.

Sa mga eryang nasa pokus ng kaaway at mga baryong nasa ilalim ng okupasyong militar, matapang na nakatitindig ang BHB at masa, sinasalag ang mga atake ng kaaway, naglulunsad ng mga kontra-atake at ipinagtatanggol ang kanilang mga sarili. Pinatatapang ng islogang “Huwag manahimik! Huwag tumiklop!,” lumalaban ang masa sa pamamagitan ng armado at hindi armadong paglaban. Nagawa nilang itaboy ang mga detatsment ng militar sa kani-kanilang komunidad. Sa paraang tuwiran o hindi tuwiran, sinusuway nila ang pang-uutos ng kaaway na kumuha ng panggatong at tubig, o bumili ng suplay, o magtrabaho sa kampo ng kaaway. Hindi nila pinahihintulutang mayrooong sikretong maaresto ang kaaway na kahit sino at paisa-isang isailalim sa interogasyon. Nagpipinta sila ng mga islogan sa palibot ng kanilang barangay para kundenahin ang presensya at mga abuso ng kaaway. Sinusunog o sinisira ang mga detatsment ng militar kahit pansamantala lamang na umaalis ang mga pasistang tropa para maglunsad ng operasyon.
Bilang suporta sa paglaban ng masa sa pasistang paninibasib ng kaaway, ang mga yunit ng BHB ay naglulunsad ng malawakan at magkakasunod na aksyong atritibo sa harap ng makapal na pakat ng kaaway sa pamamagitan ng mga isnayp, paghahagis ng mga granada o molotov, at iba pang operasyong haras. Ang mga ito ay kinukumbinahan ng mga batayang taktikal na opensiba (ambus o reyd) mula sa likuran o tagiliran ng kaaway laban sa mahihina at nahihiwalay nitong mga yunit.

Mayroong malawak na panawagang buhaying muli ang mga yunit na nakabase sa syudad at kanayunan na maaaring bumigwas sa mahihinang bahagi ng mga yunit at elemento ng kaaway na nakabase sa mga bayan at syudad, tulad ng mga lokal na tirano at ibang masasamang elemento at yunit ng pulis na nasa likod ng red-tagging, pagdukot, pagtortyur at walang-pakundangang pamamaslang. Ang layunin nito ay hindi lamang para maglunsad ng mga aksyong punitibo at sabotahe kundi para itulak ang kaaway sa depensiba kahit saan posible at bawasan ang bilang ng mga pwersang ipinapakat sa mga larangang gerilya.

Kaugnay ng mga pangkahanginang armas ng kaaway, tulad ng mga drone, pang-atakeng helikopter at iba pang sasakyang panghimpapawid, dapat humalaw ng aral at inspirasyon ang BHB sa paglupig ng mga rebolusyonaryong Vietnamese sa lakas-panghimpapawid ng US sa pagpapabagsak ng higit isanglibong eroplano ng US noon pa lang 1969 gamit ang mga nabibitbit na surface-to-air (pinalilipad mula sa lupa) na mga misayl na hawak ng mamamayan at kanilang mandirigma; at kung paanong nagtagumpay rin ang mga mujahideen na Afghan sa pagbigo sa sosyal-imperyalistang Soviet gamit ang mga bigay-ng-US na misayl na Stinger. Sa nagdaang huling dalawang dekada, napatunayan ng mga Taliban na Afghan na kaya nilang talunin ang superyor na lakas-panghimpapawid ng imperyalistang US gamit ang mga baril at eksplosibo na maaring itutok sa kaaway mula sa lupa tungo sa ere, na higit na mas tiyak ang target kumpara sa inihuhulog na mga bomba ng mga eroplano at maging ng pamumutok mula sa mga pang-atakeng helikopter.

Para magawang talunin ang kaaway gamit ang hawak na armas sa takbo ng digmang bayan, dapat patuloy na palakasin at palawakin ng BHB ang baseng masa sa paglulunsad ng argraryong rebolusyon para ipatupad ang minimum at maksimum na programa ng Partido sa reporma sa lupa. Saanman naglulunsad ng anti-pyudal na paglaban ang masa at ang BHB, malalim at malapad ang pag-ugat ng rebolusyon na imposibleng bunutin. Gayon, saanman naroroon ang BHB, dapat nitong tugunan ang kagyat na problema at pangangailangan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila para sa kanilang kahingiang ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, at itaas ang presyo ng pagbili sa kanilang ani; at labanan ang pangangamkam ng lupa ng malalaking kumpanyang mina, plantasyon, at ekoturismo, enerhiya at mga walang-saysay na proyektong imprastruktura. Dapat ding suportahan ng BHB ang masang magsasaka sa kanilang pakikibaka laban sa patakaran ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas at iba pang produktong agrikultural. Dapat din nilang bigyan ng tulong ang masa sa mga eryang sinalanta ng sakuna sa pagkumpuni ng kanilang mga sakahan at pagtulong na itulak ang pagkansela sa utang at iba pa nilang kagyat na kahingian.

Alinsunod sa patakaran ng Partido sa nagkakaisang prenteng antipyudal, sumasandig ang BHB sa mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, at ninunyutralisa ang mayamang magsasaka at ang naliliwanagang panginoong maylupa at itinutuon ang pangunahing bigwas laban sa malalaki at despotikong panginoong maylupa. Tumutulong din ang BHB sa masang magsasaka na itaas ang kanilang kita sa pagpapalawak at pagtataas ng kanilang produksyon sa pamamagitan ng mga kolektiba sa paggawa at iba pang porma ng kooperasyon, pagpapakilala ng mga syentipikong teknik sa pagsasaka, kakumbina ang tradisyunal na mga pamamaraan at sa paghikayat sa dagdag na pagkakakitaan kabilang ang maliitang pagpoproseso ng kanilang ani.

Dagdag pa sa pagtatayo ng mga samahang magsasaka, tumutulong rin ang BHB sa pagtatayo ng mga organisasyong masa ng kababaihan, kabataan, bata at manggagawang pangkultura, para magsilbing pundasyon sa pagtatayo ng mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo o organo ng kapangyarihang pampulitika. Ihinahalal ang mga upisyal ng komiteng rebolusyonaryo sa baryo sa mga asembleya ng komunidad saanman posible, at nagsisilbing batayang yunit ng demokratikong gubyernong bayan. Inaatasan ito na magpatupad ng mga batas at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan at ng programa nito para sa lokal na ekonomya, edukasyon at kultura, pampublikong kalusugan, at depensa at seguridad.

Sa nagdaang 53 taon ng paglulunsad ng digmang bayan, nakapag-ipon na ang BHB ng hindi mabilang ng naabot at tagumpay sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa isang bansang pulu-pulo. Kumikilos ang BHB sa mga larangang gerilyang nakakalat sa buong bansa sa 13 iba’t ibang rehiyon at tumatamasa ng suporta ng milyun-milyong mamamayan. May binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa ilampung libong mga barangay. Saan man ito itinatatag, binubuhay at tinatamasa ng mamamayan ang demokrasya at aktibong lumalahok sa buhay pulitika, ekonomya, lipunan, kultura at seguridad.

Ang digmang bayan sa Pilipinas ay kasalukuyang nasa panggitnang subyugto ng estratehikong depensiba na may malinaw na pagtanaw sa pagsulong tungo sa abanteng subyugto at pagkumpleto nito sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga platun at kumpanya. Nilalayon ng BHB na tugunan ang mga rekisito ng abanteng subyugo sa pagtatayo ng mas maraming laking-kumpanyang mga larangang gerilya at paglulunsad ng masaklaw at masinsing pakikidigmang gerilya sa papalapad at papalalim na baseng masa. Sa ganito lamang natin matatanaw ang pagpaparami ng mga kumpanya at batalyon para sa regular na pakikidigmang makilos sa estratehikong pagkapatas at sa pagpapakat ng mga batalyon at rehimento para sa estratehikong opensiba.

Higit na paborable ang kalagayan para sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas sa harap ng nagnanaknak na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Nagdurusa ang mga manggagawa, magsasaka, ang petiburgesyang intelektwal at iba pang aping mga uri at sektor sa hindi mabatang kundisyon at natutulak silang maglunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka, kabilang ang armadong paglaban. Ang lantad na mga pasistang atake ng reaksyunaryong estado laban sa mga karapatan at kalayaan ng mamamayan ay nagbibigay-linaw sa kanila na wala nang ibang daan tungo sa pambansang pagpapalaya at demokrasya liban sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ang lumulubhang krisis ng naghaharing sistema, kakumbina ang umiigting na terorismo ng estado, ay nagtutulak sa paparaming mamamayan sa landas ng armadong pakikibaka. Dapat samantalahin ng BHB ang napaka-paborableng sitwasyong ito para pabilisin ang paglakas at paglawak nito, at makapagtipon ng higit na malalaking tagumpay sa darating na mga taon.

 

Mga tungkulin para itaas 
ang kakayahang lumaban ng BHB at ng masa

Ipinamalas ng BHB ang lubos na katatagan sa paglaban sa kaaway. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, matagumpay nitong binigo ang anim na taong estratehikong mga opensiba ng kaaway at mga planong durugin ang armadong rebolusyon.

Lampas sa pangagalaga sa pwersa nito, dapat sikapin ng BHB na mapangahas na sumulong at magpalakas sa darating na mga taon habang puspusang nilalabanan ang kaaway. Dapat patuloy itong tumanaw sa pagpapatupad ng mga tungkulin para lubusin ang mga reksito ng abanteng subyugto ng estratehikong depensiba. Dapat nating isulong ang digmang bayan sa pamamagitan ng masigasig na pagkukumbina ng tatlong sangkap ng armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon at pagtatayo ng baseng masa.

Dapat mabilis na umangkop ang BHB sa mga taktika at estratehiya ng kaaway at pangibabawan ang lahat ng balakid para isulong ang digmang bayan. Dapat mapanlikha nating paunlarin ang ating taktika sa pakikidigmang gerilya para makapaglunsad ng masaklaw at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Lagi’t lagi, ang susi ay ang pagmumulat sa malapad na masa ng mamamayang Pilipino upang malakihan silang magbangon laban sa pasistang tiraniya.

Sa darating na isa o dalawang taon, dapat nating ipatupad ang ilang partikular na tungkulin para itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa para sa matatag na pagsulong ng rebolusyon.

1) Palakasin ang pamumuno ng Partido sa BHB.

Ang BHB ay nasa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido. Dapat nating tiyakin na ang mga sangay at komite ng Partido ay itinatayo sa lahat ng antas ng BHB para magabayan ang lahat ng kilos ng mga Pulang mandirigma at kumander. Tinitiyak nito na pulitika ang kumukumpas sa lahat ng panahon. Dapat pamunuan ng mga komite ng Partido ang BHB sa pagpaplano, pagtatasa at pagpupuna sa sarili. Dapat walang kapagurang itaas ng Partido ang pampulitika at pang-ideolohiyang kamulatan ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB sa pamamagitan ng puspusang pagpopropaganda at pag-eedukasyon sa kanilang hanay.

Dapat buong-sigasig ang mga komite ng Partido na magpaunlad at magrekrut ng mga kandidatong kasapi mula sa mga Pulang mandirigmang abante sa pulitika at tiyakin na dadaan sila sa mga kurso ng Partido para palalimin ang kanilang pag-unawa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang paglalapat nito sa praktika ng digmang bayan. Dapat magsilbing huwaran ng disiplina at determinasyon ang mga kasapi ng Partido sa loob ng BHB para sa mga Pulang mandirigma at masa. Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyong bayan hangga’t patuloy na itinataas ng Partido ang rebolusyonaryong edukasyon, pagsasanay at pagpapakat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga kumander at mandirigma ng BHB at pwersang pandagdag, mga aktibista ng rebolusyonaryong organisasyong masa at mga upisyal at tauhan ng demokratikong gubyernong bayan.

2) Masiglang ilunsad ang armadong pakikibaka at labanan ang brutal na gerang panunupil ng kaaway.

Dapat walang-pagod na ipagtanggol ng BHB ang masa laban sa pasistang paninibasib ng AFP at PNP at sa paglulunsad ng malawakang taktikal na mga opensiba. Dapat nitong parusahan ang mga pasista sa kanilang krimen laban sa bayan.

Dapat maglunsad ang BHB ng masinsin at malawakang mga aksyong atritibo sa mga erya na makapal ang pakat ng kaaway, at maglunsad ng solidong batayang takikal na mga opensiba sa tagiliran at likuran ng kaaway para lipulin ang mga yunit ng kaaway at samsamin ang kanilang mga armas.

Dapat aktibong pakilusin ng BHB ang mga yunit milisya nito para maniktik at makabuo ng kumpletong mapa ng mga pusisyon ng kaaway at makapagplano para guluhin at sirain ang mga plano ng kaaway sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpatama nito sa kanilang mga pusisyon. Dapat wasakin ang lambat sa intelidyens ng kaaway. Maaaring maglunsad ang BHB ng mga inter-larangan o inter-subrehiyon sagutang mga taktikal na opensiba. Dapat paduguin ang kaaway sa libong sugat at pana-panahong bigwasan ito sa ulo.

Dapat itaas ng BHB ang kakayanan nito na maglunsad ng espesyal na mga taktikal na opensiba sa pangunahing mga linya sa transportasyon at komunikasyon ng kaaway. Maari nitong puntiryahin ang sistema sa komunikasyon ng kaaway, patamaan ang kagamitang pang-ere ng kaaway at parusahan ang pasistang kriminal na mga pinuno. Dapat epektibo nitong isabotahe ang kakayahan ng kaaway saanman posible at maglunsad ng hakbanging punitibo laban sa bulnerableng mga yunit at elemento ng kaaway para bigyang-hustisya ang kanilang mga biktima at itulak ang kaaway sa depensiba saan man posible at bawasan ang bilang ng mga pwersang ipinapakat sa mga larangang gerilya.

Dapat puspusang iwasan ng BHB ang mga depensiba, pagkatalo o pagkabigo. Dapat mahusay nitong subaybayan ang kilos ng kaaway at patuloy na magpakadalubhasa sa lihim o patagong pamamaraan ng pagmamaniobrang gerilya. Dapat talikdan ng BHB ang kaluwagan para tiyakin ang seguridad, tulad ng pagbagtas sa mas mahaba at mahirap na ruta kaysa dumaan sa posibleng pag-ambusan ng kaaway. Dapat istriktong tupdin ng lahat ng yunit ng BHB ang mga patarakan at natutunang aral para labanan ang kampanya ng kaaway ng pambobomba at pag-iistraping mula sa ere at panganganyon; at pagkaitan ang kaaway ng eksaktong target. Ipawalang-saysay ang mga drone at iba pang pamamaraan ng elektronikong sarbeylans o paniniktik ng tauhan ng kaaway sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng pagkakataon at sa abot ng makakaya, na makapagbigay sa kaaway ng kahit anong palatandaan ng ating lokasyon (usok, ilaw at elektronikong signal.)

Dapat buong-sigasig nating ilantad at labanan ang brutal na gera ng kaaway sa kanayunan. Dapat tiyakin nating naiuulat ang bawat isa at lahat ng kaso ng pang-aabusong militar at pulis laban sa mga karapatan ng masa, lahat ng kaso ng panganganyon at pambobomba mula sa ere na sumisindak sa sibilyang mga komunidad, sumisira sa kanilang kabuhayan at nangwawasak sa kalikasan. Dapat nating gawin ang lahat para ilantad ang mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at dalhin ang lahat ng kaso ng pag-abuso sa internasyunal at lokal na komunidad ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at tagapagtaguyod ng kapayapaan.

3) Palakasin ang Bagong Hukbong Bayan.

Ang BHB ay dapat palakasin sa aspetong militar at pulitika. Dapat magkaroon ng malinaw na plano para magrekrut ng ilampung libong Pulang mandirigma mula sa hanay ng masang magsasaka, laluna sa mga kabataan. Dapat mayroon ding klarong plano para magrekrut ng bagong mga Pulang mandirigma mula sa hanay ng mga manggagawa at petiburgesyang intelektwal. Ang mga lokal na sangay ng Paritdo at mas mataas na mga komite, kapwa sa kanayunan a kalunsuran, ay dapat magkaroon ng kongkretong target at pamamaraan nang pagpapakat ng mga kasapi at baseng masa nito sa BHB.

Dapat tiyakin ng BHB ang paglulunsad ng pulitiko-militar na mga pagsasanay sa mga kumander at mandirigma nito para bigyang-kakayahan sila na pamunuan ang mga yunit ng BHB kapwa sa gawaing masa at gawaing militar. Dapat isapuso ng bawat isang mandirigma ng BHB ang Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan, gayundin ang mga partikular na patakaran at punto ng disiplina para panatilihin ang seguridad ng mga yunit ng BHB habang nagkakampo, naglalakad, nasa gawaing masa o naglulunsad ng taktikal na mga opensiba.

Dapat balansyadong itayo ng BHB ang kanyang mga yunit sa direksyong bertikal at horisontal. Dapat sikaping itayo at ikumbina ang tatlong tipo ng pormasyon ng BHB sa bawat larangang gerilya, subrehiyon at rehiyon: ang mga platun ng BHB para sa gawaing masa (mga sandatahang yunit pampropaganda); ang laking-platun hanggang maliit na kumpanyang mga yunit gerilya sa antas subrehiyon at rehiyon na nagsisilbi bilang sentro-de-grabidad ng pakikidigmang gerilya sa kanilang erya, na nagtataglay ng batayang elemento ng pakikidigimang gerilyang makilos; at ang lokal na mga gerilyang yunit milisya at pananggol-sa-sariling mga yunit milisya ng mga organisasyong masa.

Dapat pandayin ng BHB ang armadong lakas nito at paunlarin ang akmang armas para labanan ang kaaway. Sa pangunahin, ang BHB ay sumasalalay sa pagsamsam ng mga riple at iba pang armas mula sa kaaway. Kasabay nito, kinukumbina ang paggamit ng matataas na kalibreng armas sa katutubo o mahinang kalibreng mga armas, kabilang na ang mga gawang maiiksing baril, gayundin ay nagpapaunlad ng mga eksplosibong command-detonated at hand-held o granada mula sa magagamit na materyales. Ang mga armas na ito ay dapat maramihang gawin at malawakang ipakat sa mga Pulang mandirigma at yunit milisya. Dapat magsanay ang BHB sa paggamit nito ng riple o magpaunlad ng mga armas laban sa sasakyang panghimpapawid ng kaaway.

Dapat nating itaas ang antas ng pangkulturang aktibidad sa loob ng BHB at gawaing kultura ng BHB sa hanay ng masa. Dapat turuan at hikayatin ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB na ang kanilang mga karanasan, ang kaapihan at paghahangad ng masa, ang pagkapoot sa kaaway at ang rebolusyonaryong mga ideya ay ilahad sa iba’t ibang malikhaing porma na maaaring makatulong sa pagtataas at pagpapalakas sa rebolusyonaryong kalooban ng kanilang kapwa mandirigma at ng masa. Dapat nating masiglang itakwil ang pangkulturang impluwensya ng naghaharing sistema na lumalason sa mga utak ng kabataan.

4) Palaparin at palalimin ang baseng masa ng BHB sa mga larangang gerilya.

Ang masa ang bukal ng lakas ng BHB. Dapat nating sikaping patibayin ang bungkos na nagbubuklod sa BHB at masa. Dapat nating maramihang pakilusin ang masa.

Ang BHB, kasama ang masang magasaka, ay dapat maglunsad ng malawakang pakikibakang agraryo sa lahat ng panahon. Dapat ikumbina ang pakikibakang masa laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantalang pyudal sa kanilang pakikibaka laban sa pasismo at mga abusong militar.

Dapat puspusang kumilos ang BHB at ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa para sa malawakang propaganda, ahitasyon, at pagpapakilos sa masa. Dapat itong maglunsad ng lahat ng porma ng propaganda para epektibong maabot ang mamamayan sa kani-kanyang erya ng operasyon.

Dapat nitong tiyakin ang distribusyon ng Ang Bayan, ibang rebolusyonaryong publikasyon, at mga pahayag ng PKP, BHB at NDFP sa pambansa at panrehiyong antas para ilinaw ang mga pananaw ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa tampok na mga isyung kinahaharap ng bansa at mamamayan sa mga rehiyon.

Dapat maglabas at mamahagi ng mga polyeto at lokal na pahayagan ang mga lokal na yunit ng BHB para ilatag ang kasalukuyang pagsusuri sa mga lokal na isyu at problema ng mamamayan upang itaas ang kanilang kamulatan, militansya at determinasyon na ipaglaban ang kanilang interes. Gayon, dapat palagian silang magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat sa kinakaharap na problema ng masa sa kanilang mga barangay at bayan. Maaari silang lumikha ng lokal na programa sa radyo o bidyo. Maari silang makipag-ugnayan sa kabataan at sa masa sa kanilang mga erya sa pamamagitan ng social media o patagong pamamaraan ng komunikasyong elektroniko. Dapat silang magsikap na makipagtulungan sa masmidya para malawakang abutin ang mamamayan.

Dapat magsagawa ng propaganda ang mga lokal na yunit milisya at organisasyong masa sa kanilang mga barangay at sentrong bayan. Bukod sa iba pa, maaari silang maglunsad ng mga operasyong pinta o dikit para ihayag ang kanilang hinaing laban sa mga abusong militar sa kanilang erya o isulong ang kanilang mga kahingiang pang-ekonomya. Maaaring maglabas ng pahayag ang mga lokal na balangay ng batayang organisasyong masa at ipamigay ito sa mga residente.

Dapat mahigpit at puspusang ilantad at tuligsain ng BHB ang mga kasinungalingan at disimpormasyong ipinakakalat ng kaaway. Hindi natin dapat pahintulutan makalusot kahit isang kasinungalingan ng kaaway. Dapat nating gamitin ang lahat ng paraan para makalap ang lahat ng datos at patotoo para ilantad ang katotohanan.

Dapat magsagawa ang mga yunit ng BHB ng mga kampanya para sa pampublikong kalusugan, kabilang ang nagpapatuloy na edukasyon kaugnay ng pandemyang Covid-19, gayundin ang ibang sakit na likas sa lokal na erya. Dapat silang maglunsad ng mga klinikang bayan at ibang porma ng pagbigay sa masa ng serbisyong pangkalusugan.

Dapat buong-lakas nating paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang pangkultura sa hanay ng masa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga awiting rebolusyonaryo, tula at iba pang akda. Dapat tayong mag-organisa ng lokal na mga grupo sa pagkanta o pagsayaw ng mga kabataan at bata, at maglunsad ng mga inter-barangay o inter-bayang mga pyesta para itaguyod ang lokal na rebolusyonaryong kultura.

Dapat ding turuan ng BHB ang masa sa mga taktika para gamitin ang reaksyunaryong batas laban sa mga nang-aapi sa kanila. Maaari silang gumamit ng iba’t ibang porma ng organisasyon at mobilisasyon para umani ng pinakamaraming partisipasyon ng isang komunidad, at samantalahin ang mga bitak sa hanay ng kaaway.

5) Iluwal ang malawakang suporta mula sa kalunsuran para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.

Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ng Partido at ng BHB ang malapad na masa sa mga syudad para suportahan at lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanyunan.

Dapat dagdagan ang pagsisikap na magsagawa ng propaganda at edukasyon sa hanay ng masa sa kalunsuran na sa araw-araw ay hantad sa mga kasinungalingan ng kaaway sa masmidya at social media. Dapat nating ipakita na ang mga problema ng masang magsasaka sa kanayunan ay mahigpit na karugtong ng mga problema ng manggagawa at ng walang trabaho, estudyante, maralitang lunsod, propesyunal, ordinaryong empleyado at iba pang aping mga sektor.

Dapat nating hikayatin ang masa sa kalunsuran na sama-samang maglunsad ng militanteng pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan, labanan ang pampulitikang panunupil sa ilalim ng pasistang rehimen, at labanan ang imperyalistang dominasyon at interbensyong militar. Dapat tayong maglabas ng napapanahong mga islogan at panawagan para hikayatin ang masa na maglunsad ng mga aksyong protesta sa kanilang mga pagawaan at pook-trabahuan, sa mga kampus at komunidad, at tumungo sa lansangan at maglunsad ng malaking demonstrasyon para tuligsain ang mapang-aping mga patakarang pang-ekonomya, ang pagpapakatuta ng naghaharing rehimen, todong-liberalisasyon, pabigat na mga buwis, mababang sahod at mababang sweldo, sumisirit na presyo ng pagkain at langis, pagtaas ng matrikula, at tumataas na halaga ng iba pang serbisyo.

Dapat matatag na itayo ang mga sangay at komite ng Partido, at ang lihim na rebolusyonaryong mga organisasyong sektoral na alyado ng NDFP sa mga syudad. Dapat gampanan ng mga orgnisasyong ito ang kanilang tungkulin sa propaganda at edukasyon para itaas ang rebolusyonaryong kamalayan ng mamamayan sa mga syudad. Dapat nilang ilantad at labanan ang “teroristang pagbabansag” sa PKP na ginagamit ng imperyalismong US na dahilan sa kanilang panghihimasok militar. Tungkulin nilang hikayatin ang masa sa mga syudad na sumapi sa BHB sa kanayunan, at tumulong sa pag-iipon ng suportang pampulitika at materyal para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Maaari nilang tiyakin ang seguridad ng mga aktibista at lider masa na target ng pasistang pagtugis o humaharap sa banta ng pag-aresto o pagpaslang, at isaayos ang kanilang paglipat sa kanayunan para ikanlong ng BHB.

6) Dapat sistematiko tayong magpropaganda sa hanay ng kaaway.

Dapat maglunsad tayo ng epektibong propaganda na nakatuon sa partikular sa hanay ng mga tauhan ng kaaway na kadalasan ay ginagamit ng kaaway na pambala sa kanyon sa brutal na kontra-insurhensyang operasyon ng kaaway. Dapat nating hikayatin ang mga nagmula sa uring api at pinagsasamantalahan na lisanin ang militar at pulis at sa halip ay makiisa sa kanilang mga kauri sa pakikipaglaban para sa kanilang makatarungang adhikain. Dapat tayong manawagan sa kanila na ibunyag ang kanilang nalalaman kaugnay sa mga krimen, korapsyon at maluhong pamumuhay ng mga upisyal ng AFP.

Dapat tayong manawagan sa kabataan na talikuran ang reaksyunaryong armadong pwersa at pulis, kahit ano pang ipangako nitong mataas na sweldo, sa pamamagitan ng paglalantad sa AFP at PNP bilang mga kaaway ng bayan at paglalantad sa mga krimen sa mamamayan ng mga pwersang militar at pulis. Pero ang ilan sa atin ay maaaring pahintulutang gawin ang lahat upang palihim na kumbinsehin ang mga kamag-anak nilang nasa mga akademya ng militar o iyong mga upisyal na ng reaksyunaryong armadong pwersa, nang may kaukulang pag-iingat at matamang plano.

Matingkad ang karanasan ng PKP at BHB, gayundin ang ibang rebolusyonaryong organisasyong masa, sa pagkabig sa mga upisyal, kadete at mga tauhan ng kaaway tungo sa rebolusyonaryong panig. Katugma ng paglipol sa pwersa ng kaaway sa larangan ng digma ang pagtibag dito sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga pamamaraan sa labas ng larangan ng digma, pagtanggap sa pagsuko ng kaaway at maluwag na pagtrato sa mga sumusuko.

7) Agresibong lumikha ng internasyunal na suporta para sa Bagong Hukbong Bayan at rebolusyong Pilipino.

Dapat nating paigtingin ang mga pagsisikap na ipabatid sa mga migranteng Pilipino at mamamayan sa buong daigdig ang pagiging makatarungan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa bansa bilang pakikibaka para sa pagpapalaya mula sa imperyalistang dominasyon at para sa tunay na demokrasya. Dapat nating ilantad ang kamay ng imperyalismong US sa gerang panunupil at igiit ang pagwawakas sa suportang militar ng US sa neokolonyal na pasistang estado.

Dapat nating makabig ang internasyunal na suporta alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, sa pagbubuo ng pagkakaisang anti-imperyalistang, sa pakikipagtulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyong Pilipino sa kanilang katulad na mga organisasyon sa ibayong dagat at sa mga ugnayang proto-diplomatiko at diplomatiko sa mga gubyernong anti-imperyalista at nagtatanggol sa kanilang pambansang kasarinlan at sosyalistang programa o adhikain.

Inaatasan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng mga pwersa nito na buong-tatag at buong-lakas na isakatuparan ang mga nakahanay sa itaas na tungkulin para matatag na maisulong ang digmang bayan at biguin ang desperadong pagsisikap ng kaaway na pigilan ang paglakas ng BHB, ng masa at ng mga pwersang rebolusyonaryo.

Sa harap ng paborableng mga kundisyong panlipunan, dapat ipwesto ng Partido ang kanyang sarili sa unahan ng milyun-milyong mamamayang Pilipino sa malawakang pag-aalsa laban sa sumisidhing mga anyo ng pang-aapi at imperyalistang dominasyon. Dapat nitong pamunuan ang BHB at ang masa sa pagpapaigting ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, kamtin ang walang pang kapantay na tagumpay at higit na malalaking pagsulong sa susunod na mga taon.

Magpunyagi at isulong ang digmang bayan!

Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang proletaryo at mamamayang Pilipino!

Itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa! Magpunyagi at sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan!