Tutulan ang pag-iinstitusyonalisa sa NTF-ELCAC, papanagutin ang berdugong AFP-PNP
Dapat tutulan sa pinakamilitanteng paraan ang pinapakanang pag-iinstitusyunalisa sa anti-komunistang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa tabing ng diumanong kapayapaan at kaunlaran. Mula nang itatag ang teroristang task force na ito noong 2018, lalong nilukob ng ligalig ang pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Higit pang lumaganap ang karahasan sa buong bansa na nagresulta sa walang habas na pamamaslang sa mga progresibo at mga kritiko ng pasistang regimeng US-Duterte. Animo mga hayok na berdugong ang makursunadahan at mapaghinalaang nakikipagmabutihan o sumusuporta at sumisimpatya sa CPP-NPA-NDF ay bubulagta, dudukutin, ilegal na aarestuhin at ipipiit. Wala ring patumangga sa paglabag sa karapatang tao sa kabi-kabilang pagsakmal na parang mga asong nauulol. Nagbibigay ito ng halos walang hanggang kapangyarihan sa mga anti-komunistang panatiko at militar.
Isang malaking kalokohan ang panukalang gawing institusyon ang NTF-ELCAC! Tulak ng malalim na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal ng bansa kung saan hindi na maitago sa mga burges demokratikong palamuti at pagpapanggap ang marahas na katangian ng estadong pinaghaharian ng mga malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata, hakbang-hakbang na inilalatag muli ng rehimeng Marcos II ang mga pasistang institusyon at makinarya ng panunupil ng dating ibinagsak na diktadurang US-Marcos I. Gagamitin ito para supilin at patahimikin ang anumang makatwirang paglaban ng mamamayan sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos II.
Hindi nag-aksaya ng oras ang mga senador na nakakanlong sa ilalim ng pakpak ng bagong rehimeng Marcos II. Kasuklam-suklam at dapat kundenahin ng sambayanan ang dalas-dalas na pagsasampa nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Robinhood Padilla ng naturang panukalang batas sa gitna ng krisis pang-ekonomiya na dinaranas ng bansa. Ang naturang panukalang batas na nag-iinstitusyunalisa sa NTF-ELCAC ay kabilang sa 20 priority bills na isinumite ni dela Rosa bago matapos ang ika-19 na Kongreso. Sinuhayan ito ng mga sagad-saring anti-komunista, kasama ang kasalukuyang National Security Adviser na si Clarita Carlos. Ayon kay Carlos, sa pag-iinstitusyonalisa ng NTF-ELCAC, hindi na diumano gagawin ng mga pasista ang red-tagging at iba pang mga krimen nito. Na kung may ebidensya sa pagiging komunista ng isang indibidwal o grupo, dapat lamang na sampahan ng legal na kaso. Inaabswelto ni Carlos ang pananagutan ng NTF-ELCAC sa mga utang na dugo sa kanilang mga biniktima — pinaslang, dinukot, tinortyur, ginigipit at pinagbabantaa’t inaakusahan ng mga inimbentong mga kaso. Kung tuluyang maisasabatas, kumpleto na ang kundisyon para sa pagpapatupad ng isang martial rule o paghaharing militar nang hindi pormal na idinideklara ang martial law.
Ang NTF-ELCAC ay itinatag ng nagdaang rehimeng Duterte sa bisa ng Executive Order No. 70 noong Disyembre 4, 2018. Ginamit ng pasistang rehimen ang buong makinarya ng reaksyunaryong gubyerno sa hangarin nitong puksain ang rebolusyonaryong kilusan sa balangkas ng “whole-of-nation” approach — isang huntang sibil-militar para gawing madulas ang paggamit ng mga rekurso ng gubyerno hindi lamang para sa gera laban sa CPP-NPA-NDFP kundi laban sa buong sambayanan.
Pinangunahan ng NTF-ELCAC ang mga kampanyang panunupil at witch-hunting sa bansa. Walang ginawa ito kundi intimidahin at atakehin ang mga mamamayang nakikibaka para sa kanilang kagalingan at itinuring ang mga aktibista, progresibo, kritiko at oposisyon bilang mga “terorista.” Kinasangkapan din nito ang Anti-Terror Law para patahimikin ang mamamayan sa kanilang lehitimong karaingan habang nakakubabaw ang mga pwersang militar sa mga sibilyang ahensya at LGU at kinontrol ang mga rekurso nito para sa sariling kontra-rebolusyonaryong gera.
Sa Timog Katagalugan, naitala ang 56 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang kabilang ang mga biktima ng Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 kung saan siyam na mga aktibista sa rehiyon ang walang awang pinagpapaslang sa isang koordinadong operasyon at atake ng pulis at militar na naganap sa loob lamang ng isang araw. Ano ang nais na ipahiwatig ng koordinado at madugong atakeng ito? Nais ng mga kapural na lumikha ng isang senaryo ng teror nang sa gayon ay tuluyan na lamang na manahimik at mapipilan ang mga mamamayan.
Hindi pa nakuntento, walang tigil ang NTF-ELCAC sa maruming laro at taktika ng red-tagging at red-baiting hindi lamang sa mga aktibista kundi maging sa ilang personahe na nagpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa mga isyu ng mamamayan tulad nina Angel Locsin, Liza Soberano; mga organisasyon at grupong pangkawanggawa kagaya ng Serve the People Corps at mga community pantries na inorganisa ng mga concerned citizens. Matapos na mangredtag, marami sa tinarget at naging biktima nito ay sinampahan ng mga inimbentong kaso, iligal na inaresto, dinukot at pinaslang.
Sa kanayunan, walang tigil ang mga focused military operations at retooled community support program operations ng mga pasistang AFP at PNP. Pinaigting ang panggigipit at saywar para sa kampanyang pagpapasuko ng NTF-ELCAC. Sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), maraming ordinaryong masa ang napilitang pumaloob sa pekeng pagpapasuko ng desperadong mga militar at pulis at mga tao sa likod nito. Ginawang gatasang baka ng matataas na opisyal ng AFP-PNP ang pekeng pagpapasuko at pagkubra ng mga reward money sa bawat isang fake surrenderee. Mga karaniwang magsasaka at mga katutubo ang biktima na napilitan pumaloob sa pekeng pagpapasuko at palabasing sila’y mga “nagbalik-loob sa pamahalaan” para pagmukhaing “nagtatagumpay” ang kontra-rebolusyonaryong gera ng reaksyunaryong gubyerno.
Ipinagmamalaki rin ng NTF-ELCAC ang kanilang flagship program na Barangay Development Program (BDP) na nagbibigay umano ng serbisyo sa mga “nalinis” na barangay. Subalit ito’y pagbibigay ng mga huwad na programang pampalubag tulad ng mga ayuda at 4Ps. Mga programang pantapal at pampakalma sa naghihimagsik na kalooban ng mamamayan. Ngunit hindi nito tunay na nilulutas at inuugat ang problema sa lupa ng masang magsasaka at katutubo. Ang P20 milyong pondong laan sa kada barangay ay pinagpapasasaan ng mga opisyal militar at mga kasabwat nitong lokal na opisyales ng gubyerno. Malinaw na patunay ang iniulat ng Commission on Audit na P33.4 milyong hindi naiulat na gastos ng NTF-ELCAC para sa taong 2021 mula sa kabuuang P52.9 milyong pondong galing sa Office of the President. Kaya ibig sabihin, 19.5 milyon lamang ang opisyal na may ulat na nagamit at ang P33.4 milyon ay hindi maipaliwanag ng NTF ELCAC kung saan napunta. Malaon nang ipinapanawagan ng buong bayan na buwagin at ilipat ang pondo ng NTF-ELCAC sa ibang serbisyong tunay na magiging kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Ano ang ibig sabihin at epekto ng pag-iinstitusyonalisa ng NTF ELCAC?
Ang institusyunalisasyon ng NTF-ELCAC ay nakabalangkas sa Counter-Insurgency Guide na inilabas ng imperyalismong US. Malinaw sa isinaad ni dela Rosa, bilang pasistang ahente ng imperyalismo na pangunahing nagsulong ng nasabing batas, na sa pamamagitan ng institusyunalisasyon ng NTF ELCAC, magpapatuloy ang programa nito kahit sinuman ang uupong pangulo ng reaksyunaryong estado. Hindi na lamang ito magiging isang task force kundi isa nang permanenteng institusyon at makinarya ng gubyerno sa pag-atake sa mga kritiko at progresibong pumupuna at nakikibaka laban sa mga anti-mamamayang programa. Seselyuhan ng batas na ito ang pagiging lehitimo ng karahasang militar at pulis sa bansa at magpapatuloy ang kawalang pagpapanagot o impunidad sa karahasan at krimen ng mga ahente ng estado laban sa mamamayan.
Sa kabilang banda, ipinakikita ng patuloy na pagpapalawig ng NTF-ELCAC hanggang sa kasalukuyang rehimen na bigo ang rehimeng Duterte na kamtin ang target nitong lipulin ang rebolusyonaryong kilusan. Sa harap ng pinaigting na teror ng estado, nakapagpunyagi ang rebolusyonaryong kilusan at nananatiling nakalatag at nakatindig ang mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan sa 74 na mga probinsya sa buong kapuluan. Nabigo ang reaksyunaryong estado na busalan ang mamamayan na hanggang ngayo’y patuloy at matatag na lumalaban para sa kanilang karapatan at kagalingan. Nananawagan ng hustisya at katarungan ang sambayanan laban sa mga krimen ng teroristang AFP-PNP.
Hindi magagapi kailanman ng NTF-ELCAC ang rebolusyon. Hangga’t nananatili ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan at ang paglalim ng krisis at kaapihan, lalakas at lalaganap ang rebolusyon na parang apoy sa kaparangan at patuloy na lalakas Bagong Hukbong Bayan. Sa kanayunan, patuloy na kakapit-bisig ng masang magsasaka at katutubo ang BHB sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo na lulutas sa dantaong pagkaalipin at kasalatan sa lupa. Itatayo at iiral ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na binhi ng demokratikong gubyernong bayan.
Maaasahan ng mamamayan na ang BHB ay laging nasa kanilang panig at handang ipagtanggol sila laban sa pagsasamantala at panunupil ng pasistang estado. Mananagot ang palalong kaaway at pagbabayarin sa kanilang mga krimen sa mamamayan.
Hakbang-hakbang nating itaas ang antas ng digmang bayan hanggang sa tuluyan nang mahawakan ng sambayanang Pilipino ang kapangyarihan pang-estado. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyon ng bayan maitatayo ang gubyernong tunay na nagsisilbi sa interes ng mamamayan.###