Barat na presyuhan sa Dolefil
Binatikos ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Oktubre 4 na nagsabing ang pinya ang “pinakamapagkakakitaang produktong pang-agrikultura para sa mga Pilipinong magsasaka.” Pinasisinungalingan ito ng libu-libong magsasaka ng pinya sa Polomolok at Tupi sa South Cotabato na nakapailalim sa mga kontrata sa contract growing sa Dole Philippines (Dolefil) at obligadong sa kumpanya ang lahat ng kanilang ani.
Ayon sa UMA, binibili ng Dolefil ang mga pinya sa presyong ₱5 kada kilo lamang at hindi ₱19.37 kada kilo tulad ng sinasabi ng PSA. Sa ganitong presyuhan, ilusyon ang sinasabi ng PSA na umabot sa ₱658,097 ang abereyds na netong kita ng mga magsasaka kada ektarya ng pinya noong 2020.
Sa aktwal, nasa ₱202,100 lamang ang inisyal na kita ng mga magsasaka sa kada ektarya ng pinyahan. Nasa abereyds na 40,422 kilo ang kanilang naaning pinya kada taon.
Sa loob ng tatlong-taong siklo ng pagtatanim, umaabot lamang ang kita ng mga magsasaka sa ₱404,220 (18 buwan ang binibilang bago maani ang isang taniman). Sa aktwal, kumikita lamang ng ₱134,740 kada ektarya ang magsasaka. Kung ikakaltas ang gastos sa produksyon na ₱124,881, lalabas na ₱154,458 ang netong kita sa loob ng tatlong taon o ₱4,290.50 kada buwan.
Sa kabilang banda, halos dobleng mas malaki ang naiulat na tubong hinuthot ng Dolefil mula sa mga magsasaka sa nakalipas na mga taon—₱284,273 kada ektarya sa loob ng tatlong-taong crop cycle o ₱94,757 kada ektarya.