Terorismo mula sa himpapawid
Pangatlo sa serye hinggil sa di makatao at nakapipinsalang paggamit ng mga drone at pambobomba mula sa ere.
UNANG ARTIKULO: Pagpatay gamit ang mga drone at pambobomba mula sa himpapawid
IKALAWANG ARTIKULO: Mga sandata sa brutal na pambobomba at pangraratrat
Ang paghuhulog ng bomba mula sa mga eroplanong pandigma ng Armed Forces of the Philippines (AFP), katuwang ang mga drone at kaalinsabay ng pag-iistraping mula sa helikopter, ang isa sa pinakabrutal na taktika ng digmang mapanupil ng reaksyunaryong estado. Ano pa nga ba ito kundi pasistang terorismo mula sa himpapawid na ang hatid ay karahasan, takot, pagkawasak saan man ito ihasik ng AFP.
Ang paghahasik ng terorismo mula sa himpapawid ay palala nang palala matapos iutos ni Rodrigo Duterte na “patagin ang kabundukan” noong 2017. Ipinakita niya sa buong Pilipinas ang kanyang hindi nahahangganang brutalidad sa pamamagitan ng pagpulbos sa Marawi City. Mula noon, daan-daang mga bomba, libu-libong rocket, sandamukal na bala ng masinggan at bala ng kanyon na ang ginamit ng AFP sa gera nito ng pagsupil sa sambayanan at sa kanilang makatwirang armadong pakikipaglaban.
Sinimulan ang masinsing terorismo mula sa himpapawid sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanao noong 2018, subalit hindi naglao’y inihasik ito sa buong bansa. Patuloy din ang matinding pambobomba mula sa ere sa mga lugar ng Moro, kung saan permanenteng nakabase ang mga pwersa ng US. Patuloy na lumilikom ang AFP ng mga sasakyang panghimpapawid, kanyon, misayl at bomba sa imbing layuning ipailalim ang buong bansa sa terorismo.
Sa kasalukuyan, ang pang-ereng pambobomba at istraping ay pirmeng bahagi na ng arsenal ng mga sandatang ginagamit ng kaaway sa mga operasyong kontra-gerilya na may layuning maghasik ng takot sa masang magsasaka at sindakin ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Taliwas sa mga panuntunan at prinsipyo ng internasyunal na makataong batas, ang mga sandatang ito ay sobra-sobra sa kinakailangan, walang pili, nagsasapeligro sa mga sibilyan at nagdudulot ng pagkawasak sa ari-arian at kapaligiran.
Noong nagdaang buwan lamang, naghulog ang AFP ng 69 na bomba at 18 rocket, at 51 ulit na kinanyon at pabalik-balik na inistraping ang mga komunidad at sakahan ng mga Lumad sa Talaingod, Davao del Norte at sa paligid ng kabunduka ng Pantaron sa loob ng 35 araw mula Setyembre 15. Pakay nitong paluhurin ang mga residenteng Manobo at “sumurender” sa AFP.
Matagal nang binobomba ng AFP ang mga komunidad ng mga Lumad. Noong 2017, ang bombang inihulog ng AFP ay bumagsak sa hindi kalayuan sa paaralang Lumad na Fr. Pops Tentorio Memorial School sa Magpet, North Cotabato. Noong Disyembre 31, 2018, anim na bomba ang inihulog ng AFP sa Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur, na lumagpak 150 metro lamang ang layo sa mga komunidad ng Sityo Panukmoan at Sityo Decoy. Noong Marso 24, 2020, lumagpak ang mga bala ng kanyon sa layong 330 metro mula sa sentrong komunidad sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon. Noong Enero, mga pastuhan, taniman at lugar ng pangangaso ng mga katutubo ang tinamaan ng mga bomba na inihulog sa Abra at Mt. Province noong Enero. Sa Visayas, isang shrapnel ng rocket ang bumutas sa bubong ng isang bahay sa Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16.
Madalas na ang mga operasyon ng pambobomba mula sa himpapawid ay isinasagawa sa madaling araw at nagtatagal nang ilang oras. Noong Abril 19, 2020, bandang ala-5 ng umaga naghulog ng apat na bomba ang AFP malapit sa bahayan ng Sityo Kapanal, Barangay Gasi, Kiamba, Sarangani, habang may ilan nang magsasakang Lumad (mula sa tribong T’boli) ang nasa kanila nang mga bukid. Noong Abril 26, 2018, ang pambobomba sa Mati, Davao Oriental ay nagsimula bandang ala-5 ng hapon at tumigil lamang matapos ang dalawang oras, at muling nagsimula ng alas-9 ng gabi hanggang hatinggabi. Noong gabi ding iyon, 38 bomba ang inihulog sa mga bayan ng Sinacaban at Jimenez sa Misamis Occidental mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga ng sumunod na araw. Nagsimula naman sa alas-11 ng gabi ang panganganyon sa Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar at nagtagal hanggang alas-2 ng umaga.
Ang walang-patumanggang pambobomba at pangraratrat mula sa himpapawid, at panganganyon ay naghahatid ng matinding troma sa mamamayan sa kanayunan. Hindi bababa sa 1,000 pamilya ang nagbakwit sa mga komunidad sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro at Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro matapos apat na araw na bombahin at ratratin ang kanilang mga barangay simula Abril 29, 2019. Humigit-kumulang 1,000 pamilya rin ang nagbakwit noong Pebrero 11, 2017 matapos kanyunin ang mga barangay ng Macopa, Kibagyo at Bullucan sa Laak, Compostela Valley (Davao de Oro). Mahigit 190 pamilya (kabilang ang 660 bata) ang nagbakwit sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales noong Agosto 21, 2020 matapos bombahin ang kanilang lugar; at mahigit 200 pamilya ang nagbakwit sa magkakaratig na barangay matapos bombahin at ratratin ng AFP ang bulubunduking lugar ng Barangay Lidong, Caramoan, Camarines Sur noong Agosto 13, 2020.
Sinasamantala ng AFP ang nililikhang takot ng pambobomba at ginagamit ang pagbabanta nito upang paluhurin ang mga residente at pasunurin sa mga utos ng AFP, katulad ng pwersahang “pagpapasurender” sa kanila. May kaso na pwersahang pinagbakwit ang mga tao tulad ng 2,000 pamilyang Lumad at magsasaka sa Cabanglasan, Bukidnon, matapos bombahin nang 15 ulit ang kanilang lugar na sumira sa mga tanim na mais. Noong Nobyembre 2, 2018, pinagbantaan ang mga residente ng Barangay Luayon, Makilala, North Cotabato, na bobombahin ang kanilang mga komunidad, isang araw matapos silang lumikas dahil sa lindol.
Tingnan ang talaan ng mga kaso ng brutal na pambobomba: Mga brutal na kaso ng pambobomba ng AFP