Pagpatay gamit ang mga drone at pambobomba mula sa himpapawid

,

Isang madugong krimen ang iniwan ng militar ng US sa Afghanistan bago tuluyang lisanin ng mga armadong tropa ang bansa matapos ang 20 taong gera ng pagsakop dito. Noong Agosto 29, nagpakawala ang mga armadong drone nito ng mga 20-libras na Hellfire missile sa isang residensyal na lugar sa sentrong syudad ng Kabul na pumatay sa sampung sibilyan, kabilang ang pitong bata.

Sa harap ng hindi mapasusubaliang ebidensya, napilitang aminin ng US Central Command noong Setyembre 17 na ang pambobomba ay isang “kalunus-lunos na pagkakamali.” Ito ay matapos ang ilang linggong paggigiit na matagumpay nilang napatay ang isang teroristang kabilang diumano sa ISIS-K. Sangkot diumano ang taong ito sa suicide bombing sa paliparan ng Kabul noong Agosto 26 na pumatay sa ilampung tao kabilang ang 13 sundalong Amerikano.

Bago aminin ang pagkakamali, ipinaggiitan ng mga upisyal militar ng US na “98% sigurado” sila na matagumpay ang kanilang pambobomba at na wala na daw silang kailangang ipaliwanag o patunayan. Gamit ang drone, maghapon diumano nilang sinubaybayan ang kilos ng pinagsususpetsahan nilang terorista at nakita daw nilang bumisita ang biktima sa mga kilala nilang “hideout.” Iginigiit ng militar ng US na napigilan nila ang isa pang teroristang atake dahil ang lalaking tinarget nila ay nagkakarga noon ng mabibigat na bagay sa likuran ng kanyang kotse na pinaniniwalaan nilang mga eksplosibo.

Ang totoo, ang napatay ng mga bomba ng drone ng US ay si Zemari Ahmadi, empleyado ng Nutrition and Education International, isang pangkawanggawang organisasyong Amerikano. Kadarating lamang ni Ahmadi mula sa maghapong pagtatrabaho ng paghahatid-sundo ng mga kawani sa kanilang upisina. Nang sumabog ang misayl ng US, nagdidiskarga siya noon ng malalaking container ng maiinom na tubig para sa kanyang pamilya. Kabilang ang kanyang mga anak sa napatay.

Umamin na lamang ang US matapos ibunyag sa isinagawang imbestigasyon ng mga mamamahayag sa Afghanistan katuwang ng kilalang pahayagang New York Times at Washington Post sa US. Tinukoy nila na si Ahmadi ay kabilang sa mga Afghan na nakipagtulungan noon sa pananakop ng US at nagbabalak sana na makapunta ng US matapos agawin ng Taliban ang poder noong nakaraang buwan.

Bago nito, ilang beses nang napilitan ang US na umaming nagkamali sila at mga sibilyan ang kanilang napatay. Kabilang dito ang pagbomba sa isang kasalan noong 2002, pagpatay sa mahigit 100 sibilyan sa prubinsya ng Farah noong 2006 at pagbomba ng isang ospital noong 2016 kung saan 42 duktor ang napaslang.

Ayon sa Bureau of Investigative Journalism, hindi bababa sa 16,900 na ang napatay at 3,900 ang nasugatan sa Afghanistan, Pakistan, Somalia at Yemen mula nang unang gumamit ang US ng mga drone noong 2001. Wala itong eksaktong datos sa kaswalidad sa paggamit ng US ng drone sa Iraq, Syria, Nigeria, Mali, Libya, Gaza at West Bank sa Palestine, sa rehiyon ng Kurd sa Turkey at sa Pilipinas.

Sa nagdaang 20 taon, nagtetengang kawali ang mga upisyal militar ng US sa sigaw ng libu-libong pamilya ng mga biktima ng kanilang pambobomba mula sa himpapawid gamit ang mga drone. Makaisang panig na ipinagmamalaki ng US ang teknolohiya at bentahe nila sa paggamit ng drone sa larangan ng digmaan. Pilit nilang binabalewala at ibinabaon sa kanilang propaganda ang katotohanang ang paggamit ng mga drone ay labag sa mga batas ng digma at ginagamit sa kanilang panghihimasok sa iba’t ibang sulok ng daigdig.

Ang mga drone ay mga sasakyang panghimpapawid na nagdadala ng malalakas na kamera, thermal sensor (nagmamatyag sa pamamagitan ng pagsukat sa pagkakaiba ng init ng mga bagay) at iba pang kagamitan para sa pagmamanman o pag-eespiya. May mga drone na nagdadala ng mga misayl o bomba.

Isang MQ-9 Reaper drone ang ginamit ng US sa pagbomba nito kay Ahmadi. May kapasidad itong lumipad nang 42 oras na may dalang 450 kilo ng pasabog. Kinokontrol ito mula sa mga kampo militar sa loob ng US at pwedeng paliparin sa iba’t ibang panig ng mundo gamit ang komunikasyong dumadaan sa mga satelayt sa kalawakan. May mga “drone command center” ang US sa Las Vegas, Nevada at iba’t ibang kampong militar sa loob ng US at 27 kampo nito sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang apat sa Afghanistan at isa sa Pilipinas.

(Itutuloy sa susunod na isyu.)

Pagpatay gamit ang mga drone at pambobomba mula sa himpapawid