Produksyon ng mais, binubulok sa kapabayaan
Ang mais ang ikalawang pinakamahalagang batayang produktong pang-agrikultura na pinoprodyus at kinokonsumo sa bansa kasunod ng bigas. Hindi lamang ito kinokonsumo ng tao, mahalagang sangkap ito sa paghahayupan bilang pakain at sa pagmamanupaktura ng iba pang pagkain. Sa kabila nito, sistematikong pinababayaan ng reaksyunaryong estado ang produksyon ng mais. Tumutumal ang lokal na produksyon at lumalaki ang pagsalalay sa importasyon. Malawakang pagkalugi ang dinaranas ng mga magsasaka dahil sa pambabarat. Imbes na alalayan, itinutulak pa ang todong pag-aangkat ng produkto.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nananatiling mababa ang presyo ng pagbili ng mais mula sa mga magsasaka kahit pa taun-taong tumaas ang abereyds na presyo ng mais sa lokal na pamilihan. Mula 2016 hanggang 2020, tumaas nang 32% ang presyo ng kada kilong puting mais o mula ₱22.77 tungong ₱30.15. Ito ay habang bumagsak ang presyo sa pagbili nito sa mga magsasaka nang ₱0.27 mula ₱12.30 tungong ₱12.03. Tumaas din nang 13% ang presyo ng dilaw na mais mula ₱20.36 tungong ₱22.97, pero 2% lamang ang itinaas ng presyo sa pagbili nito sa mga magsasaka mula ₱11.78 tungong ₱12.
Ang puting mais ay kadalasang ginigiling at kinokonsumo bilang kahalili ng kanin, o di kaya’y pinoproseso tungong cornstarch, kornik, at binatog. Ang dilaw na mais ay esensyal na sangkap sa paggawa ng pakain ng baboy, manok at isda, at ginagamit din sa paggawa ng kornik. Sa abereyds, ang kada Pilipino ay kumokonsumo ng 15 kilo ng puting mais kada taon. Mas mataas ang abereyds na konsumo kada taon ng mga residente sa mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula (159 kilo), Northern Mindanao (45 kilo), Davao (41 kilo), at Central Visayas (37 kilo) kung saan nagsisilbi itong kanin sa araw-araw.
Tinatayang mahigit 500,000 magsasaka ang pangunahing nakaasa pagtatanim ng mais. Noong 2020, mahigit 8.1 milyong metriko tonelada (MT) ng mais sa kabuuan ang naprodyus sa bansa. Sa bolyum na ito, nasa 60% ang pinroseso bilang pakain sa hayop. Aabot sa 2.5 milyong ektarya ang kabuuang saklaw ng mga taniman ng mais sa buong bansa. Pinakamalawak dito ang sa mga prubinsya ng Isabela (1.1 milyong MT) at Bukidnon (0.8 milyong MT). Maliitan at hiwa-hiwalay ang mga maisan. Ang abereyds na lawak ng mga ito ay 1.3 ektarya lamang.
Bagamat hiwa-hiwalay, ang produksyon ng dilaw na mais ay dominado at kontrolado ng apat na malalaking kumpanyang nagpoprodyus ng pakain sa hayop: ang B-MEG ng San Miguel Foods Incorporated ng kapitalistang si Ramon Ang, Univet Nutrition and Animal Healthcare Company ng pamilyang Campos, Pilmico Foods Corporation ng pamilyang Aboitiz, at Universal Robina Corporation ng pamilyang Gokongwei. Kadalasang nagtatayo ang mga kumpanyang ito ng mga planta sa mga erya kung saan nakakonsentra ang maraming maisan. Kabilang dito ang mga prubinsya ng Isabela, Bukidnon, at South Cotabato na nagpoprodyus ng 45% ng kabuuang bolyum ng dilaw na mais sa bansa. Ang mga kumpanyang ito ang nagtatakda ng presyo sa pagbili ng produkto ng mga magsasaka, at iba pang mga rekisito sa pagbili kagaya ng resiko. Pinakamalaki sa mga kumpanyang ito ang B-MEG na kumukontrol sa 25% ng kabuuang bentahan ng mga pakain sa hayop sa buong bansa.
Sa ilalim ni Duterte, bahagyang lumaki ang bolyum ng imported na mais, pangunahin mula sa mga bansang ASEAN at US. Mula 2016, tumaas mula 10% tungong 12% noong 2018 ang kabuuang bahagi ng imported na mais sa lokal na pamilihan. Pinakamalaki rito ay mula sa Indonesia (25%), Thailand (23%) at US (21%). Sa abereyds, tinatayang 580,000 MT na dilaw na mais ang iniimport ng bansa kada taon.
Lalong lalaki ang kontrol ng mga dayuhang korporasyon sa lokal na industriya ng mais kung pagbibigyan ang panukala ng American Chamber of Commerce of the Philippines at European Chamber of Commerce of the Philippines na Rice and Corn Industry Liberalization Act. Itinutulak ito sa Senado ng tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture and Food na si Sen. Cynthia Villar. Layon ng panukalang batas na pahintulutan ang mga kumpanyang 100% pag-aari ng mga dayuhan sa mga kumpanyang nagpoproseso ng mais sa bansa. Maaalalang si Villar din ang awtor ng Rice Liberalization Law na nagresulta sa pagbaha ng imported na bigas sa lokal na pamilihan at malawakang pagkalugi ng mga magsasaka ng palay.
Nahaharap ngayon ang mga magsasaka ng mais sa malawakang pagkalugi dulot ng patuloy na pananalasa ng African Swine Fever. Ayon sa ulat ng Global Agricultural Information Network, inaasahan na babagsak nang 2.4% ang kabuuang produksyon ng mais sa bansa tungong 8 milyong MT dulot ng paglaganap ng bayrus, pangunahin sa Luzon, na nagresulta sa pagbaba ng konsumo at demand sa pakain sa mga baboy.