Mga mandirigmang Moro, disgustado sa BARMM
Disgustado ang mga mandirigma ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang hukbo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa mga pangakong napako ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Marami sa kanila ang wala pang trabaho hanggang ngayon, sa kabila ng pagsasalong nila ng mga armas, alinsunod sa pagdekomisyon (pag-alis sa serbisyo sa hukbo) na nakasaad sa pinal na kasunduan sa pagitan ng MILF at Gubyerno ng Pilipinas.
Lumakas ang kanilang disgusto sa harap ng pagpapaliban ng eleksyon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) mula 2022 tungong 2025. Palalawigin nito ang termino ng kasalukuyang mga lider na ayon sa mga mandirigma ay solong nakikinabang sa BARMM. Anila, walang pakinabang ang BARMM sa “totoong” mga mandirigma na ilang dekadang nakipaglaban para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng mga Moro.
Nitong Setyembre, nasa 12,000 na sa 40,000-lakas na BIAF ang nagsalong ng kanilang mga armas kapalit ng di pa napalilitaw na mga trabaho. Mayroon pang 14,000 na nakatakdang magsuko rin ng armas.
Disgustado rin ang di Moro na mga mamamayan sa pamamalakad ng BTA. Ayon sa Loyukan, isang organisasyon ng mga Lumad sa Far South Mindanao, walang ginagawa ang BTA sa serye ng pamamaslang sa mga Lumad na Teduray at Lambiangan. Mula Hulyo 2018 hanggang Hulyo 2019, napakagtala ang grupo ng 11 lider-Lumad na pinaslang sa Maguindanao. Ngayong taon, 12 na ang napaslang na Lumad dulot ng mga sigalot sa lupa. Saklaw ng BARMM ang 127,000 di Moro na mamamayan na nakatira sa 208,258-ektaryang lupang ninuno sa Far South Mindanao.
Lahat ng mga upisyal ng BTA ay itinalaga ni Rodridgo Duterte at tumatanaw ng utang na loob sa kanya.