Mga Protesta
Reklamasyon sa Cebu, tinutulan. Nagpiket ang mga manggagawa ng piyer sa Consolacion, Cebu upang tutulan ang planong reklamasyon sa Barangay Tayud, Consolacion para itayo ang proyektong Seafront City na sasaklaw ng 234.8 ektarya. Isasara ng proyektong ekoturismo ang mahigit limang baradero at wawasak sa kabuhayan ng 200 mangingisda. Ayon sa Barangay Tayud Fisherfolk Organization, marami sa kanila ay mahigit 20 taon nang nakatira sa lugar. Apektado rin ang 25% sa 25,000 residente ng Barangay Tayud na nakaasa sa mga piyer.
Mina ng magnetite sa Lingayen, tinutulan. Noong Setyembre 13 nagpahayag ng pagtutol ang Pamalakaya-Central Luzon sa Iron Ore Pangasinan Offshore Magnetite Mining sa Lingayen Gulf sa Pangasinan. Apektado nito ang kabuhayan ng 5,000 mangingisda.
Ang proyekto sa pagmimina itinutulak ng kumpanyang Australian na Iron, Ore, Gold and Vanadium Resources Inc. Balak nitong magmina ng 5 milyong tonelada ng magnetite kada taon sa loob ng 25 taon. Sasaklawin ng operasyon ang karagatan sa mga bayan ng Sual, Labrador, Lingayen, Bimaley at Dagupan City.
Manggagawa sa Wyeth, umalma sa red-tagging. Nagtungo sa upisina ng Department of Interior and Local Government sa Quezon City noong Setyembre 15 ang mga manggagawa ng Wyeth Philippines para itigil ang pag-red-tag ng NTF-ELCAC sa kanilang unyon. Kamakailan ay pilit silang “pinasusurender” ng NTF-ELCAC at pinakakalas sa DFA-KMU, pederasyon na kinabibilangan ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union.
Demolisyon sa Carbon Market, kinundena. Nagprotesta noong Setyembre 14 sa harap ng city hall ng Cebu City ang mga manininda ng Carbon Market para kundenahin ang iligal at tusong pagdemolis sa kanilang mga tindahan sa Layo Seaside at Quezon Boulevard ng palengke.