Hindi mapatatawad na mga krimen ng diktadurang Marcos
Never again to martial law! Ito ang nagkakaisang sigaw ng mamamayan sa harap ng pambabaluktot sa kasaysayan ng pamilya ng dating diktador na si Ferdinand Marcos at pagsisikap nitong makabalik sa Malacañang. Katuwang ng pamilyang Marcos ang kasing-kinamumuhiang pamilyang Duterte sa walang kahihiyang pangungunyapit sa poder.
Lalong nagiging matunog ang sigaw na ito habang papalapit ang Setyembre 21, ang ika-49 anibersaryo ng pagpataw ng batas militar.
Pinakahuling tangka ng pambabaluktot sa kasaysayan ay ang interbyu sa YouTube kay dating senador at talunang kandidato sa pagka bise-presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung saan pinalitaw ang “maniningning” umanong aral na ibinahagi ng amang Marcos sa kanyang anak. Umani ng malawakang batikos ang panayam dahil pinalalabas na maamo ang dating diktador.
Binatikos ng mga nakaligtas sa batas militar ang interbyu na anila’y nagtatago sa likod ng pagiging “patas” sa paglalahad ng mga pananaw. Binatikos din ng Martial Law Museum ng Ateneo de Manila University ang mga kasinungalingan ng nakababatang Marcos.
Sa ngayon, nakapwesto ang mga Marcos sa matataas na pwesto ng burukrasya—ang isa ay senador, habang ang kanyang pinsang-buo ay gubernador. Nakahandang muling tumakbo si Bongbong Marcos bilang bise-presidente katambal ni Sara Duterte. Tatakbo naman ang kanyang anak para sa Kongreso.
Maaalalang ang madilim na kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas ay kinatatampukan ng pagbabawal sa mga kalayaang sibil, mga ekstrahudisyal na pamamaslang at hindi naresolbang mga sapilitang pagkawala, panggigipit sa midya at pagbagsak ng ekonomya ng bansa, at maraming iba pa. Ang panahong ito na tinawag na “era of impunity” o panahon ng kawalang pananagutan, na ipinagmamayabang na mga “ginintuang panahon” ng Pilipinas ng mga Marcos at sa umiidolo sa diktador tulad ni Duterte.
Ayon sa tala ng Amnesty International, umaabot sa 70,000 katao ang nagdusa sa mga detatsment ng militar at mga bilangguan sa buong bansa, 34,000 ang dumanas ng tortyur, at mahigit 3,200 ang pinaslang ng mga pwersa ng estado mula 1972 hanggang 1981 lamang. Marami pa ang naging biktima ng karahasan ng estado na hindi naiulat. Ibinagsak ang diktadurang Marcos sa isang popular na pag-aalsa noong 1986.
Buong galit na kinundena ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto ang pambabaluktot sa kasaysayan ng mga Marcos. “Para sa aming lumaban sa pasistang paghahari, ang kaarawan ni Marcos ay nagpapaalala sa hindi maisip na mga paglabag sa mga karapatang-tao at malawakang pandarambong ng rehimen,” ani Danilo dela Fuente, pambansang ikalawang tagapangulo at tagapagsalita ng grupo.
Aniya, nilimas ni Marcos ang kaban ng bayan at lumobo ang pambansang utang bunga ng marangyang pamumuhay at korapsyon ng kanyang mga kroni. Umiiral ang masamang anino ni Marcos hanggang sa ngayon. (Umaabot sa mahigit ₱13 trilyon (katumbas ng ₱100,000 bawat Pilipino) ang utang panlabas ng bansa hanggang sa katapusan ng termino ni Duterte sa 2022.)
Ayon sa Ibon Foundation, malayo sa katotohanan ang sinasabing dumanas ng “maniningning na taon” ang Pilipinas sa ilalim ng batas militar. Isa ang Pilipinas sa may pinakamahinang ekonomya sa Southeast Asia mula 1965 hanggang 1986. Hindi totoong pumapangalawang pinakamaunlad ang bansa kasunod ng Japan noong 1965, at sa aktwal ay huli ito sa lima pang mga bansa sa rehiyon. Noong 1986, pang-11 ang ekonomya ng Pilipinas sa mga bansa sa Asia. Ayon sa Ibon, winasak ni Marcos ang ekonomya ng bansa nang ipatupad niya ang unang mga patakaran sa neoliberal na globalisasyon noong dekada 1980.
Tinuran naman ni Bonifacio Ilagan, dramatista, dating bilanggong pulitikal at isa sa mga convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma): “Dalawa lamang ang pamana ni Marcos: ang mga krimen laban sa mamamayang Pilipino at sangkatauhan, at ang world-class na pandarambong. At kung hindi natin mapipigil ang mga ito, tiyak na lalampasan ni Duterte si Marcos.”