Yanigin ng mga protestang bayan ang hari ng korapsyon at terorismo
Niyuyugyog ng krisis ang naghaharing rehimeng Duterte. Bunga ito ng pag-alingasaw ng nakasusulasok na korapsyon ni Duterte sa pagsamantala sa pandemya para magbulsa ng bilyun-bilyong pisong pondo ng gubyerno. Nabuyangyang ito habang bumabayo ang malawakang disempleyo, pagsirit ng presyo, mababang sahod at pagwasak sa kabuhayan na nilumpo ng walang katapusang mga lockdown. Rumaragasa pa rin ang pandemya at hindi na halos makaagapay ang mga ospital sa dami ng nagkakasakit sa Covid-19.
Kabi-kabila ang sampal sa mukha ni Duterte sa imbestigasyon ng Senado sa pangungurakot sa Department of Health (DOH). Batikos ang inabot niya sa pag-aabugado sa kanyang mga tauhan at pambubuska sa mga senador. Hindi pa man ito tapos, ibang imbestigasyon naman ang sisimulan sa International Criminal Court (ICC). Bantog siya ngayon sa buong mundo bilang nakaupong presidente na tuwirang isinasakdal sa mga krimen laban sa sangkatauhan bilang utak sa ilampung libong pinatay sa madugo at huwad na “gera kontra-droga.”
Sa harap ng korapsyon, walang kontrol na pandemya, pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayan at pagbaling ng naghaharing rehimen sa mas malupit na teroristang paninibasib sa bayan, tiyak na ibayo pang paghihirap at pagdurusa ang ihahatid ng patuloy na paghahari ng tiraniya ni Duterte.
Ang sumisidhing krisis sa kalusugan, pulitika at ekonomya ay maramihang pumupukaw sa taumbayan. Ang pagdurusa sa kaliwa’t kanang pahirap at pabigat ay gumagatong sa kanilang nag-aalab na galit. Bangungot sa taumbayan ang iskema ng pangkating Duterte na manatili pa sa poder lagpas sa 2022. Dumarami ang naghahangad na huwag nang paabutin si Duterte sa eleksyong kanyang dadayain, at wakasan na sa lalong madaling panahon ang kanyang paghahari.
Paparami ang mamamayang handang bumagtas sa landas ng sama-samang pagkilos at pakikibaka. Lumilitaw ang mga aksyong protesta para ipahayag ang hinaing ng iba’t ibang sektor at komunidad. Pinatunayan ng demonstrasyon ng ilanlibo noong katapusan ng Hulyo sa huling state of the nation address (SONA) ni Duterte na hindi pagagapi sa takot at sa pandemya ang taumbayan.
Nitong nagdaang mga linggo, mainit ang pagpapahayag at kilos-protesta ng mga manggagawang pangkalusugan para batikusin ang mga upisyal ng DOH sa kabiguang ibigay sa oras ang mga pangakong benepisyo, kabayaran at dagdag sahod. Naglunsad din ng mga protesta sa lansangan at mga komunidad ang mga kabataan, magulang at mga guro laban sa nagpapatuloy na palpak na sistema ng “blended learning” at para igiit sa gubyerno ang pagbubukas ng mga eskwelahan para sa harapang pagkatuto. May mga aksyong protesta rin laban sa panukalang badyet na pabor sa papalaking gastusin ng militar at mga proyektong pang-imprastruktura, taliwas sa dapat na pagprayoridad sa sistemang pangkalusugan, edukasyon at suportang pangkabuhayan sa milyun-milyong wala pa ring hanapbuhay.
May mga aksyong protesta ang mga manggagawa para ipaglaban ang hinihingi nilang umento sa sahod, gayundin laban sa red-tagging at panggigipit ng militar sa kanilang mga unyon. May mga pagkilos din ang taumbayan laban sa mga proyektong mapanira sa kalikasan, pagmimina, reklamasyon at pagtatayo ng kasino at ekoturismo, laluna ng malalaking kapitalistang Chinese na malapit kay Duterte. May mga pagkilos ang mga magsasaka laban sa pagtatayo ng mga kampo ng militar sa kanilang baryo, kontra sa liberalisasyon sa pang-aangkat ng bigas at para isulong ang pagpapataas sa presyo ng palay at iba pa nilang produkto.
Ang mga aksyong protesta na ito ay kailangang-kailangan ngayon ng taumbayan upang mabigyang-hugis ang kanilang poot laban sa korapsyon, pagpapahirap, panggigipit at pagtatraydor ng rehimeng US-Duterte. Bagaman maliliit at kalat-kalat pa, lahat nang ito’y tusok ng karayom sa pasistang rehimen. Higit sa lahat, ang mga aksyong protesta na ito ay salamin ng obhetibong interes at kahilingan ng malawak na sambayanan. Kailangang walang-sawang abutin at pukawin ang milyun-milyong mamamayan at ihatid sila sa landas ng sama-samang pagkilos at pakikibaka.
Dapat pag-ugnayin ang mga usaping kinakaharap ng iba’t ibang sektor at palakasin ang kanilang pagkakaisa. Dapat maipakita ang iisang ugat ng pinagmumulan ng kinahaharap ng taumbayan upang mabuo ang kanilang paninindigan na sama-sama itong bunutin at puksain. Dapat mahigpit na magsuportahan at buuin sa iisang sigaw ang kanilang hiwa-hiwalay na hinaing. Dapat itaas sa antas ng pampulitikang panawagan at pagkilos ang kanilang mga panawagang pangkabuhayan at pangkagalingan, mulat na hindi nila makakamit ang mga ito hangga’t naghahari ang anti-mamamayan at pahirap na tirano na si Duterte.
Habang papalapit ang eleksyong 2022, at lalong lumilinaw ang plano ni Duterte na panatilihin ang sarili sa poder, mas maraming mga pwersang pampulitika at panlipunan ang tahasang naninindigan laban sa kanya, kabilang ang dati niyang mga kaalyado. Nanawagan ang ilang obispo sa simbahang Katoliko na maglunsad ang taumbayan ng mga rali para ipamalas ang kanilang pagtutol sa tiraniya. Sa harap nito, kailangang ibayong palakasin at palawakin ang demokratikong nagkakaisang prente at hikayating magtulungan na wakasan ang paghahari ni Duterte sa lalong madaling panahon.
Hitik ang mga salik sa posibilidad ng mga biglang pihit ng sitwasyong pampulitika, kabilang ang posibleng mga maling kalkulasyon ni Duterte sa kanyang desperasyong supilin ang taumbayan at ipagtanggol ang kanyang bulok na rehimen. Dapat sunggaban ang pagkakataong ipadaluyong ang kilusang protesta ng taumbayan para yanigin ang tiraniya ni Duterte at maghatid ng mabibigat na dagok laban dito.
Dapat magpunyagi ang mga pambansa-demokratikong pwersa sa pagpukaw, pag-organisa at pagpakilos sa mamamayan. Walang-kapagurang itaas ang militansya at determinasyon ng bayan na lumaban. Dalawang ulit nang pinatunayan ng sambayanang Pilipino na kaya nilang ibagsak ang isang naghaharing pasistang rehimen. Hindi imposibleng gamitin ang kapangyarihang ito sa ikatlong pagkakataon.