Pagkamulat ng isang migranteng guro
Koresponsal. Doble ang hirap na dinanas ng mga migranteng manggagawa nang humagupit ang pandemyang Covid-19. Kabilang sa kanila ang migranteng gurong si Julie, isang guro mula Mindanao na ilang taon nang nagtatrabaho sa isang bansa sa Asia. Kumpara sa ibang mga bansa, maliit lamang ang komunidad ng mga Pilipino doon.
Nakipagsapalaran si Julie malayo sa kanyang pamilya at sariling bayan para sa mas mataas na sahod. Katumbas sa sweldo ng isang punong guro sa Pilipinas ang paunang sweldong natanggap niya sa kanyang bansang pinagtatrabahuan. Mataas ang demand para sa mga gurong Pilipino dito dahil sa kasanayan sa lenggwaheng Ingles.
Saradong mga klasrum, mulat na mga mata
Nang ipinasara ang mga paaralan mula Marso hanggang Abril 2020, namulat si Julie sa bulnerableng kalagayan ng maraming migranteng tulad niya. Nakahanap siya ng pansamantalang trabaho at nakatanggap ng mga materyal at medikal na benepisyo. Pero hindi niya maiwasang pansinin ang ibang mga guro na nakapaloob sa iskemang “no work, no pay” na nawalan ng trabaho nang isara ang mga eskwelahan at hindi nakahanap ng ibang trabaho.
“Mas mababa ang sweldo ng mga tulad nila. Nakapailalim sila sa 10-buwang kontrata kaya wala silang sweldo nang mag-lockdown,” malungkot niyang kwento.
“Uuwi dapat ako noong Mayo 2020 para magbakasyon pero sabi sa akin, huwag muna dahil mahirap bumalik kung may lockdown pa,” kwento niya. Maraming gurong umuwi sa Pilipinas bago ang lockdown ang hindi na nakabalik sa trabaho. Wala silang mga trabaho ngayon, dagdag niya.
Nawalan ng kita ang mga guro sa bansa pero wala rin ni isa sa kanila o sa mga manggagawang Pilipinong tumutuloy o malapit sa kanyang tinutuluyan ang nakatanggap ng kahit anong pinansyal o materyal na ayuda mula sa gubyerno ng Pilipinas.
Sa pagtagal ng lockdown, ramdam ni Julie ang alyenasyon at pangungulila laluna kapag nakikita niya ang mga saradong paaralan. Nag-alala siyang makwarantina nang mag-isa, maubusan ng pera at rekurso at hindi makauwi. Para pagaanin ang pakiramdam, nakikipagkwentuhan na lamang siya sa kapwa niyang mga migranteng Pilipino.
Ang panahong ito ay nagmulat sa kanya sa mga problemang panlipunan, na bago pa ang sosyo-ekonomiko at pangkalusugang krisis na dala ng pandemya, ay mistulang umaaligid lamang sa kanyang pang-araw-araw na buhay bilang isang migranteng manggagawa. Lumalim ang pag-unawa niya sa mga dahilan kung bakit milyun-milyong Pilipino ang natulak na mangibang-bansa.
Nakatulong sa kanyang pag-unawa ang pagbabasa ng mga pampulitikang babasahin na inilalathala ng mga progresibo at rebolusyonaryong Pilipino. Natagpuan at sinubaybayan niya ang mga website ng rebolusyong Pilipino, kabilang ang dyaryong Ang Bayan, at mga akawnt ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa social media. Higit sa pag-unawa sa mga pangyayari sa pulitika, nakatulong ang mga ito para mas maunawaan niya ang kanyang kapatid na pumili ng landas na kakaiba sa kanya.
Lingid sa kaalaman ng mga kapwa niyang migrante, may kapatid si Julie na Pulang mandirigma—si Ka Elmo, kasapi ng Bagong Hukbong Bayan sa Mindanao.
Ang regular na pag-ugnay sa kanya ni Ka Elmo ang naging daan para “maorganisa at makonsolida” siya kahit sa malayo. Si Ka Elmo ang nagbigay sa kanya ng mga babasahin tungkol sa pambansa-demokratikong rebolusyon at sulating Marxista-Leninista na nagtaas sa kanyang kamulatan sa pulitika at ideolohiya.
Matingkad na pagkakaiba
Sa palitan ng mensahe ng magkapatid gamit ang selpon, napag-usapan nila ang palpak na tugon ni Rodrigo Duterte sa panahon ng krisis sa kalusugan na dulot ng Covid-19, laluna sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Malapit sa kanila ang usapin dahil naging guro si Ka Elmo sa loob ng isang taon bago siya sumapi sa BHB. Guro rin ang kanilang ina sa isang pampublikong paaralan.
Malayo man si Julie sa Pilipinas, ramdam niya ang paghihirap ng mga guro at estudyante.
“Parang pinabayaan na lang ng gubyerno ang mga guro at estudyante,” puna ni Julie nang malaman niya na ang humuhugot sa sariling bulsa ang nanay nila para sa modyul at kuneksyon sa internet dahil wala o hindi sapat ang mga subsidyo o alawans para sa mga ito.
Madalas mapag-usapan ng magkapatid ang matingkad na pagkakaiba ng tugon sa pandemya ni Duterte kumpara sa mga lider sa ibang bansa. Hindi maiwasan ni Julie na ikumpara ang mas maagap na tugon sa pandemya at mas maunlad na sistemang pangkalusugan sa bansang pinagtratrabahuan niya.
Hindi nalalayo ang sitwasyon ng mga Pilipino sa mamamayan ng bansang nag-ampon kay Julie, pero malayong mas matino ang pagtugon doon sa pandemya. Suyang-suya si Julie sa tugon ng gubyernong Duterte, laluna sa pananatiling sarado ng mga eskwelahan, di tulad sa kanyang pinagtatrabahuhan.
“Ipinipilit kasi ni Duterte na umangkop na lang ang mga Pilipino sa ‘bagong normal’ pero ang totoo, ang kanyang bagong normal ay pagnonormalisa lang sa mga kabiguan at inutil na mga patakaran ng rehimen, korapsyon at maling pagprayoritisa sa badyet ng gubyerno,” ani Julie sa isa sa mga kwentuhan nila ni Elmo. Kinutya din niya ang ayuda ng gubyerno na alam niyang batbat ng korapsyon ang proseso.
“Dapat binigyan ng konsiderasyon pangunahin ang mga magsasaka at Lumad, na siyang mga pinakabulnerableng sektor, sa pagpaplano ng blended learning,” aniya. Hindi isinaalang-alang ng gubyernong Duterte ang daan-daang mga mag-aaral na walang akses sa internet at kuryente laluna ang mga guro at estudyante sa mga prubinsya at malalayong lugar. “Marami sa kanila ang naglalakad ng ilang oras para makakuha ng mga modyul,” kwento sa kanya ni Ka Elmo.
Galit na galit si Julie sa matinding pang-aatake ng pasistang rehimen sa mga paaralang Lumad at sentro ng mga bakwit. Hindi na kagulat-gulat sa kanya na maraming magsasaka at Lumad ang bumabaling sa armadong rebolusyon bilang paraan para wakasan ang kanilang nararanasang pang-aapi.
“Kapag humupa na ang Covid-19 at kakayanin nang makauwi sa Pilipinas, bibisitahin kita sa kanayunan,” pangako niya kay Ka Elmo. Habang naghihintay, nangako siyang ipagpatuloy ang pag-aaral at pag-aalam tungkol sa matagalang digmang bayan ng mamamayang Pilipino at “kung kakayanin” ay magsimula ng grupo sa bansang kinaroroonan niya para “suportahan ang pakikibaka sa ating bayan.”