Mga protesta
World Hunger Day. Nagprotesta ang mga aktibistang magsasaka noong Oktubre 16 sa harap ng Mega Q-Mart sa Quezon City bilang paggunita sa World Food Day na kanilang binansagang World Hunger Day (Araw ng Kagutuman). Hinamon nila ang mga kandidato sa halalan 2022 na gawing bahagi ng kanilang adyenda ang paglalatag ng “kongkretong solusyon sa kronikong krisis sa pagkain at sektor ng agrikultura, na dapat ay nakabatay sa prinsipyo ng pang-ekonomyang kasarinlan at pag-asa sa sarili.”
Itigil ang proyektong reklamasyon sa Cebu. Naglunsad ng protestang parada sa dagat ang mga mangingisda at magsasaka sa Calajoan, Minglanilla, Cebu noong Oktubre 15 para ipatigil ang operasyon ng kwari at planong reklamasyon sa lugar. Kinundena nila ang pag-apruba ng lokal na gubyerno sa 100-ektaryang proyektong reklamasyon na Ming-Mori. Nababahala sila sa maaaring maging epekto nito sa kalikasan at kanilang kabuhayan. Gayundin, iniulat nila ang patuloy na operasyon ng kwari sa kabundukan ng Minglanilla.
Protesta ng mga elektrisyan. Nagprotesta noong Oktubre 11 sa harap ng upisina ng Department of Labor and Employment ang mga manggagawa ng Hypervolt Contractor Corporation upang kundenahin ang nahuhuli at iligal na mga kaltas sa kanilang sahod at kawalan ng benepisyo ng kumpanya. Ang Hypervolt ay kontraktor ng mga elektrisyan na nangangasiwa sa pagkakabit at pag-aayos sa linya ng kuryente.
Ayuda, bakuna hindi demolisyon. Nagtipon ang Kadamay noong Oktubre 9 sa harap ng Department of the Interior and Local Government sa Quezon City upang igiit ang “zero demolition” o pagpapahinto sa lahat ng demolisyon laluna sa panahon na mayorya ay naghihirap dulot ng pandemya at krisis sa ekonomya. Iniulat nilang may 50,000 maralita ang posibleng mawalan ng tirahan sa Metro Manila dahil sa banta ng demolisyon.
Tagumpay ng kooperatiba ng kuryente sa Benguet. Matagumpay na napatalsik ng mga empleyado ng Benguet Electric Cooperative ang tuta ng Malacañang na si Ana Marie Rafael na sapilitang iniluklok ng National Electrification Authority bilang pangkalahatang manedyer noon pang Hulyo 29. Napatalsik si Rafael matapos ang mga protesta na inilunsad ng mga empleyado sa Baguio City na dinaluhan ng daan-daang katao.