Matabang lupa para sa digmang bayan

,

Saklot ng krisis ang kanayunan ng Pilipinas. Lugmok sa kahirapan at kagutuman ang milyun-milyong magsasaka, manggagawang-bukid at malaproletaryado sa harap ng sumisirit na gastos sa produksyon at presyo ng mga bilihin, kawalan ng hanapbuhay at mapagkakakitaan na sinapawan pa ng pabigat na patakaran sa harap ng pandemya, hambalos ng mga kalamidad at pasistang karahasan ng estado. Nahihila rin ang katayuang panlipunan ng mga petiburgesya kasabay ng pangkalahatang pagbagsak ng kabuhayan.

Sa ilalim ng anti-magsasaka at anti-mamamayang rehimeng US-Duterte, walang-habas ang mga pag-atake sa kabuhayan at mga karapatan ng masang magsasaka. Ang inulit-ulit na satsat ni Duterte na ipamamahagi niya ang lupa ay nagsilbi lang na panabing sa iba’t ibang iskema ng pang-aagaw ng lupa. Taliwas sa reporma sa lupa, isinakatuparan sa ilalim ni Duterte ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa na ipinag-utos niyang gawing madali pabor sa interes ng mga mangangamkam ng lupa.

Nagbunsod ito ng maramihang pagpapalayas sa mga magsasaka o pag-agaw sa kanila ng kontrol sa kanilang binubungkal na lupa upang bigyang-daan ang mga proyektong pang-imprastruktura, pang-enerhiya at pang-ekoturismo, pagpasok ng operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina at pagpapalawak ng mga plantasyon. Pinakinabangan ang mga ito ng mga dayuhang malalaking kapitalista kasosyo ang malalaking burgesyang komprador na kroni o kabakas ni Duterte. Sa kabilang panig, 1.1 milyong pwersa sa paggawa sa agrikultura ang nawalan ng hanapbuhay noong 2016-2018.

Palubha nang palubha ang pagdurusa ng masang magsasaka sa harap ng bweladong pagsasakatuparan ng mga patakarang neoliberal, laluna sa pag-aalis ng mga kontrol sa importasyon ng mga produktong pang-agrikultura. Ang ipinatupad na Rice Import Liberalization Law—para diumano ibaba ang presyo ng bigas—ay nagresulta sa malubhang pagkalugi ng mga magsasaka sa palay na ang benta ay hinila pababa ng di pantay na kompetisyon sa dayuhang bigas.

Ang patakaran ng liberalisasyon ay nagbigay-daan din sa malawakang ismagling na pumapatay sa lokal na produksyon at sa kabuhayan ng maliliit na magsasaka. Dumadaing ang maliliit na maggugulay sa harap ng pagtatambak ng labis na produktong pang-agrikultura mula sa ibang bansa. Dumadagdag ito sa pasan nilang lumalaking gastos sa produksyon na nagreresulta sa malawakang pagkalugi ng maliliit na maggugulay.

Hindi malayong posibilidad na tuluyang papatayin ng todo-todong liberalisasyon ang kakayahan ng produksyon ng agrikultura sa Pilipinas na magsuplay sa lokal na pangangailangan sa pagkain, kabilang ang palay. Matapos ang ilang dekada ng walang-awat na liberalisasyon sa importasyon, naghihingalo ngayon ang lokal na produksyon ng bawang, sibuyas at iba pang produkto at pataas nang pataas ang pagsalalay sa pag-aangkat para sa kailangang pagkain ng mga Pilipino.

Habang pinalalala ng malawakang pagpapalit-gamit sa lupa at todong liberalisasyon sa importasyon, ang krisis sa produksyong pang-agrikultura sa Pilipinas, sa pinakasaligan, ay nagmumula sa pananatiling maliitan at atrasado ng sistema sa produksyon sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang pananaig ng mga monopolistang panginoong maylupa, na kumakamkam ng yaman pangunahin sa anyo ng upa sa lupa, ang nangingibabaw na salik na pumipigil sa pagpapaunlad ng produksyon. Dahil sa kawalan o lubhang maliit na sukat ng lupang binubungkal ng nangungupahang mga magsasaka, walang obhetibong batayan para sa mekanisasyon at iba pang pagpapaunlad sa sistema ng produksyong pang-agrikultura.

Sa kalakhan, gumagamit pa rin ng hayop at mga kagamitang manumano sa pagbubungkal ng lupa sa malalawak na lupaing monopolyo ng iilang panginoong maylupa. Kalat-kalat at limitado ang gamit ng mga inangkat na sobrang makinarya sa pag-ani at paggiik. Maliit ang sakop ng lupang may sistema ng patubig at mas malawak ang nakaasa pa pangunahin sa tubig ulan. Mababa ang antas ng mekanisasyon maging sa mga plantasyong kapitalista kung saan malaking bahagi ng produksyon ay nakaasa sa manwal na paggawa. Ang pagpapalaki ng produksyon ay nagagawa hindi sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng sistema, kundi ng pagpapalawak ng lupaing sakop ng mga plantasyon.

Ang papalubhang krisis sa kanayunan ay pangunahing bumabayo sa masang magsasaka at mga manggagawang-bukid, sa anyo ng labis na mataas na upa sa lupa, napakalaking gastos sa produksyon, pagkabaon sa lubhang mataas na interes na utang, mababang presyo ng kanilang mga produkto, at mababang sahod. Palaki nang palaki ang bilang ng wala nang mapagkakitaan at naoobligang lumuwas para maghanap ng trabaho sa mga syudad. Dagok ng kamatayan ang mga salantang hatid ng bagyo, tagtuyot, peste at iba pang kalamidad.

Ibayo pang pagdurusa at kalupitan ang dinaranas ng masang magsasaka sa mga lugar na ipinaiilalim sa kontrol at paghahari ng militar. Ipinatutupad ng Armed Forces of the Philippines ang patakaran ng paghahamlet o pagkukural sa mga baryo upang kontrolin ang kilos ng mga tao alinsunod sa hibang na taktika na “pagkaitan ng tubig ang isda” laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ipinatutupad ang mga pahirap na patakarang tulad ng pagbabawal na magsaka sa bukid at paglimita sa dami ng pagkain at mga panustos na pwedeng bilhin. Dumaranas sila ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso katulad ng armadong paninindak, di makatwirang pag-aresto, pagdukot, pangungulata, mga pagpatay, pambobomba at panganganyon sa hangaring sirain ang kanilang mga organisasyon at basagin ang kanilang determinasyong ipaglaban ang kanilang kagalingan at mga karapatan.

Dapat ibayong magsikhay ang BHB sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa masang magsasaka sa kanayunan. Dapat puspusang isulong ang mga pakikibakang antipyudal para ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod, kamtin ang makatwirang presyo sa pagbebenta ng kanilang mga produkto, labanan ang pangangamkam ng lupa, kaakibat ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kaalinsabay nito ay dapat ubos-kayang isulong ang pakikibaka laban sa terorismo na inihahasik ng pasistang militar at pulis.

Dahil sa dinaranas na paghihirap, pang-aapi at pandarahas, ang masang magsasaka ay determinadong patuloy na magpunyagi sa landas ng pakikipaglaban. Lalong nagiging mataba ang lupa sa kanayunan para lumalim at lumawak ang ugat ng BHB at puspusang isulong ang digmang bayan.

Matabang lupa para sa digmang bayan