“Engrandeng sabwatan” nina Duterte, DBM at Pharmally, inulat ng Senado
Imposibleng walang kinalaman si Rodrigo Duterte sa naganap na “engrandeng sabwatan” para huthutan ang gubyerno ng bilyun-bilyong piso sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon. Nasa sentro siya ng panggagantso na isinagawa pangunahin sa pamamagitan ng kaibigan niyang negosyanteng Chinese at tagapayo sa ekonomya na si Michael Yang, mga upisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation at mga dati at kasalukuyang upisyal ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ito at iba pa ang laman ng inisyal na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) na isinapubliko ni Sen. Richard Gordon noong Oktubre 19. Inilabas ng Senado ang ulat sa kabila ng mga pambubuska, panlalait at paninindak ni Duterte sa mga senador sa tangkang harangin ang pagdinig na sinimulan noong Agosto 18. Hindi napigilan ang imbestigasyon kahit sa binantaan ni Duterte ang mga senador na ipapakukulong at ipinagbawal ang pagdalo ng mga myembro ng kanyang gabinete sa mga pagdinig.
Pinahintulutan ni Duterte ang kanyang mga kaibigan na limasin ang pondo ng gubyerno, ayon sa senador. Kabilang sa mga naungkat na anomalya ng BRC ang sumusunod:
1) Maanomalyang ipinasa ng Department of Health (DOH) ang ₱47.7 bilyong pondo nito sa PS-DBM noong Abril 2020 nang walang angkop na dokumentasyon. Ang PS-DBM ay pinamumunuan noon ni Christopher Lao, tauhan ng upisina at makinarya sa pangangampanya ni Duterte noong 2016.
2) Mula sa pondo ng DOH, iginawad ni Lao sa Pharmally ang di bababa sa walong kontratang na may kabuuang halaga na ₱11.486 bilyon kahit wala itong sapat na kapital.
3) Mahigit doble ang presyo ng mga personal protective equipment na binili ng PS-DBM mula sa Pharmally sa halagang ₱1,910 kada set gayong may nagbebenta ng ₱945 kada set noong panahon ding iyon.
4) Halos doble ang presyo ng mga test kit na binili ng PS-DBM sa Pharmally sa halagang ₱1,720 kada isa gayong ibinebenta ito sa ₱925/piraso ng ibang kumpanya.
5) Peke ang adres na inilagay ng tatlong upisyal ng kumpanya ng kanilang upisina, gayundin ng kanilang tinutuluyan at dahil dito ay hindi sila mahagilap sa unang mga linggo ng pagdinig.
6) Ang may-ari ng Pharmally na si Huang Tzu Yen, at ang financier nito na si Michael Yang ay nahaharap sa kasong panggagantso sa Taiwan. Lumabas sa pagdinig na “pinahiram” ni Yang ang Pharmally ng milyun-milyong pisong kapital para ipambayad sa mga suplayer nito na nakabase sa China. Taliwas ito sa unang pahayag ni Yang na wala siyang kinalaman sa Pharmally, liban sa pagpapakilala sa mga upisyal nito sa mga kumpanyang suplayer sa China.
7) Inilusot ng Pharmally ang expired na mga face shield sa pamamagitan ng pagbago ng mga expiration date sa mga kahon nito.
8) Pinalabas ng PS-DBM na nagkaroon ng mga deliberi ng mga gamit-medikal kahit hindi ito totoo.
9) Ginamit ng Pharmally ang mga eroplano ng AFP para kumuha ng suplay sa China.
10) Hindi nagbayad ng buwis ang Pharmally sa Pilipinas sa kabila ng pagtabo nito ng bilyun-bilyong piso mula sa mga kontrata ng gubyerno.
Kaugnay nito, inirerekomenda ng BRC ang pagsasampa ng mga kasong kriminal, kabilang ang perjury o pagsisinungaling, laban kay Yang. Kakasuhan din ang dating officer-in-charge ng PS-DBM na si Lloyd Christopher Lao, at kasalukuyang direktor nito na si Warren Liong ng mga kasong katiwalian, korapsyon at panlilinlang sa kaban ng bayan. Sasampahan din ng kasong palsipikasyon ng mga dokumentong pampubliko ang mga upisyal ng PS-DBM na pumirma sa mga papeles ng mga pekeng deliberi.
Kakaharapin naman ng mga direktor at upisyal ng Pharmally ang kasong kriminal ng pagsisinungaling, pagbibigay ng mga maling impormasyon, estafa at mga paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act.
Nananatiling nasa kustodiya ng Senado si Linconn Ong, isa sa mga upisyal ng kumpanya, dulot ng kanyang pagtangging ibunyag kung magkano ang “ipinahiram” ni Yang sa Pharmally.
Sa mga ulat, nagtatago na si Yang at ang matataas na upisyal Pharmally bago pa isapubliko ng Senado ang mga rekomendasyong ito. Malaki ang posibilidad na wala na ang mga ito sa bansa, ayon sa sergeant-at-arms ng Senado.
Noong Oktubre 19, nagprotesta ang mga progresibong organisasyon sa harap ng Senado upang singilin ang rehimeng Duterte sa pangungurakot at paglulustay nito ng pondo sa pandemya. Bago nito, naglabas ng pahayag ang mahigit 300 duktor para kundenahin ang mga upisyal ng rehimen na “walang alam, walang hiya at sugapa.”