Libu-libo, dumalo sa rali kontra-SONA ni Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), umabot sa 8,000 katao ang nagmartsa noong Hulyo 25 sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City upang ipahayag ang tunay na kalagayan ng bayan kasabay ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Bago nito, walang batayang ipinagbawal ng Philippine National Police ang pagrarali sa kahabaan ng daan at nagbanta pang aarestuhin ang sinumang lalabag sa pagbabawal. Binigyan lamang ng permiso ng lokal na gubyerno ng Quezon City ang rali matapos igiit ng mga organisasyon ang kanilang karapatan sa mapayapang pagtitipon.

Pangunahing binigyan-pansin sa rali ang papabulusok na sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan sa harap ng sumisirit na presyo ng langis, pagkain at batayang mga bilihin. Bitbit ng mga grupo ang malaking balatenggang may panawagang: ‘Krisis wakasan! Ipaglaban ang lupa, sahod, trabaho at karapatan!’

Kasama ang mga organisasyong kabilang sa People’s Summit, naglatag din ang grupong Bayan ng 9-puntong adyenda ng mamamayan sa harap ng umiigting na krisis. Tampok dito ang panawagan na tugunan ang implasyon at pagkaltas sa buwis sa mga konsyumer at pagpapasikad ng agrikultura at produksyon ng pagkain.

Kinundena rin ng mga nagprotesta ang pagtatalaga ng 21,000 pulis para sa unang SONA. Maging ang pagsusuot ng mga damit na may mensaheng pulitikal, na ilang taon nang ginagawa ng mga kinatawan ng blokeng Makabayan, ay sinubukang supilin.

Lumahok sa protesta ang delegasyon ng mga progresibong grupo mula sa Southern Tagalog. Nagkaraban sila tungong Metro Manila noong Hulyo 24 at nagpiket sa konsulado ng China sa Makati, pambansang upisina ng Petron at iba pang lugar. Sumama rin sa martsa ang mga progresibong organisasyon mula sa Central Luzon.

Kontra-SONA na mga protesta rin ang inilunsad ng mga demokratikong organisasyon sa mga syudad ng Baguio, Naga, Bacolod, Iloilo, Davao, General Santos at bayan ng Kalibo.

Samantala, inaresto at ikinulong ng mga pulis ang dalawang kabataang Lumad na lumahok sa protesta sa Davao City sa gawa-gawang mga kaso.

Sa ibayong dagat, inihayag din ng mga migranteng Pilipino ang kanilang nagkakaisang pagtutol sa anti-mamamayan at anti-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Marcos II. Naglunsad ng protesta ang mga Pilipino sa sampung estado sa United States, habang nagrali rin ang mga Pilipino sa limang prubinsya ng Canada at sa tatlong estado sa Australia. Nagkaroon din ng protesta sa Hongkong. Inilunsad nila ang mga protesta noong Hulyo 24 at 25.

Libu-libo, dumalo sa rali kontra-SONA ni Marcos