Sakuna at dislokasyon ang dulot ng pagmimina sa Davao Oriental

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sakuna at malawakang dislokasyon ang idinulot ng deka-dekada nang operasyon ng Pujada Nickel Project na matatagpuan sa Banaybanay at Mati City sa Davao Oriental. Ang proyektong ito ay pinagkakakitaan ng lokal na gubyerno at mga ahensya at marahas na ipinagtatanggol ng militar at pulis sa kabila ng tahasang masasamang epekto ng pagmimina sa lugar.

Noong Enero, nagkulay-kahel ang dating malilinaw na ilog ng Mapagba at Pintatagdan sa Banaybanay dahil sa siltasyon (napupuno ng banlik) na dulot ng mga operasyon ng Riverbend Consolidated Mining Corporation-Arc Nickel Resources. Isinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kumpanya pero pinayagan ding muling magbukas matapos ang dalawang buwan.

Ibinigay ang orihinal na konsesyon sa pagmimina sa lugar noong 2004 sa Austral Asia Link Mining Corporation at Hallmark Mining Corporation, kapwa kumpanya ng Asiaticus Management Corporation (Amcor). Kasosyo ng Amcor ang BHP Billiton, isang kumpanyang nakabase sa Australia at kinikilala bilang pinakamalaking kumpanyang mina sa buong mundo. Nagkukunwari itong tagapagtaguyod ng “responsableng pagmimina.”

Saklaw ng konsesyon ang 17,000 ektaryang nasa gitna at kanugnog ng dalawang deklaradong protektadong erya—ang Mt. Hamiguitan Wildlife Range at Pujada Bay Protected Seascape and Landscape. Ang Mt. Hamiguitan ay tirahan ng ilang nanganganib na mawalang hayop tulad ng Philippine Eagle. Madalas namang mamataan sa Pujada Bay ang mga dugong. Noong 2016, isinuspinde ng noo’y kalihim ng DENR ang buong proyekto at tinawag na “kabaliwan” ang pagbibigay ng ahensya ng permiso. Binawi ni Rodrigo Duterte ang suspensyon at muling pinayagan noong 2019.

Idinadahilan ng lokal na gubyerno ng Davao Oriental, sa pangunguna ng gubernador nito, na hindi naman saklaw ng minahan ang dalawang protektadong lugar. Gayunpaman, apektado ng pagmimina ang kalidad ng tubig, hangin, biodiversity, mga rekurso at mga komunidad sa paligid nito. Ayon sa isang pananaliksik, hindi limitado at kumawala na sa kalupaang saklaw ng operasyon ang polusyong dala ng open-pit mining. Kita sa mga imahe na kuha mula sa kalawakan ang pagkakalbo ng kagubatan sa Mt. Hamiguitan at lubos na pagkasira sa hugis ng kalupaan sa watershed.

Dahil malapit ang mga minahan sa Pujada Bay, malaki ang posibilidad na ang mga basura (mine tailing) nito ay tatangayin tungo sa lugar na may mga coral reef at sisira sa mga ito. Ibababa rin ng mga basurang kemikal ang kalidad ng tubig na papatay sa mga isda at iba pang hayop at pananim sa dagat.

Mula’t sapul, mariin na ang pagtutol ng mga residente, ng simbahan at mga mga grupong maka-kalikasan sa mga operasyong mina. Nitong taon, muling umarangkada ang pagtutol ng mamamayan ng Mati matapos ianunsyo ang muling pagbubukas ng Amcor. Dahil dito, tinangka ng mga upisyal ng kumpanya na suhulan noong Hulyo 27 si Bishop Abel Apigo ng Mati para iatras ng simbahan ang pagtutol nito sa mapanirang pagmimina.

“(A)ng deka-dekadang pagmimina at kaakibat na operasyong pagtotroso sa Davao Oriental ay kumalbo sa mga gubat, lumason sa mga ilog, at dumiskaril sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad at kanilang mga kabuhayan,” ayon sa National Democratic Front-Southern Mindanao Region (NDF-SMR). Ang mga epekto ng pagmimina ay ramdam na ramdan ng mamamayan, laluna sa panahon ng malalakas na ulan at bagyo. Sa unang bahagi ng taon, matitinding bagyo, ulan, pagguho ng lupa at nakaaalarmang mga kaso ng pagtatae ang dinanas ng mga residente sa mga komunidad na ito. “Lalo pa itong pinalala ng palpak na tugon ng reaksyunaryong rehimen sa mga sakuna,” anito.

Taliwas sa ipinagmamayabang ng mga kumpanya sa mina rito, hungkag ang nakuha nitong Free, Prior, and Informed Consent mula sa mga katutubong Mandaya na nakatira sa lugar. Ang nagbigay nito ay isang pekeng konseho ng mga nakatatanda na itinayo ng kumpanya at hindi kinikilala ng mayorya ng mga Mandaya.

Katangahan at iresponsable ang pagpapahintulot at pagbibigay-katwiran sa patuloy na mga operasyon ng pagmimina, batikos ng NDF-SMR sa mga upisyal ng lokal at pambansang gubyerno. Sa aktwal, tanging ang rebolusyonaryong kilusan, sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan, ang tuluy-tuloy na nagpapataw ng parusa sa mapanirang mga kumpanyang ito.

Sakuna at dislokasyon ang dulot ng pagmimina sa Davao Oriental