Rehabilitasyon, di reklamasyon: Mga paglaban

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 25, binanggit niya na wala siyang isususpinde sa mga proyektong imprastruktura na nasimulan na sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Kabilang dito ang di bababa sa 30 proyektong reklamasyon na nasa iba’t ibang antas ng implementasyon, disenyo at paghahanda.

Wala ni isa sa mga proyektong ito ang hindi binatikos ng mga syentista at mga organisasyong maka-kalikasan. Mula sa mga pangakong isla sa Manila Bay, tungo sa mga “smart city” sa Cebu at iba’t ibang mga prubinsya, mariin ang pagtutol ng mga manggagawa, mangingisda, maliliit na negosyante at magsasakang mapalalayas at mawawalan ng kabuhayan dahil sa mga ito.


Mapanira sa kalikasan

Marami at masasaklaw na ang syentipikong pag-aaral kaugnay sa pinsalang dulot ng mga proyektong reklamasyon kapwa sa mga baybayin at kanugnog na mga lupain. Sinisira nito ang tirahan ng libu-libong klaseng mga hayop at halaman sa karagatan, gayundin ang maraming uri ng ibon. Winawasak nito ang mga bakawan na nagsisilbing likas na pansalag sa pagbaha, pagtaas ng tubig ng karagatan, malalakas na bagyo, tsunami at mga storm surge o biglang paglaki ng tubig katulad ng nangyari sa Tacloban City sa panahon ng bagyong Yolanda.

Dagdag sa mga ito, palalalain ng mga artipisyal na isla ang likas na mga peligro sa mga look, tulad ng mabilis na pagbaba ng tubig at liquefaction (paglambot ng lupa dulot ng madalas na paggalaw nito). Ang mga coral reef (mga pook sa karagatan na mayaman sa halaman at hayop) ay mapipinsala rin ng labis na siltasyon dulot ng kaakibat na dredging. Apektado ng reklamasyon maging ang mga baybay kung saan kukunin ang itatambak na lupa para sa mga artipisyal na isla.

Ayon sa mga syentista ng grupong Agham, mali ang mga argumentong ginagamit para bigyan-katwiran ang mga proyekto. Halimbawa rito ang pagsasabing “patay na” ang Manila Bay laluna sa bahaging Metro Manila dahil wala na ritong nabubuhay na isda, coral reef, seagrass at mga bakawan. Hindi man napapangisdaan ang naturang erya, bahagi ito ng buong katubigan na sumasaklaw sa mga prubinsya ng Bulacan, Cavite at Bataan. Anumang aktibidad saanmang bahagi nito ay may epekto sa buong look. Sa kabuuan, itinuturing itong isa sa pinakaproduktibong pangisdaan sa bansa.

Lalong matingkad ang pinsala ng reklamasyon sa mga baybayin ng Cebu, Dumaguete at iba pang mga look na may mauunlad na buhay marino at nakarugtong sa mas masaklaw pang ekosistema. 
Kontra-mamamayan

Libu-libo ang mawawalan ng bahay at kabuhayan dulot ng mga proyektong reklamasyon. Mayorya sa kanila ay malaproletaryo na may mabababang kita at maliliit na mangingisda. Sa taya ng mga syentista, umaabot sa 1.24 milyon ang signipikanteng maaapektuhan ng mga proyektong reklamasyon na sumasaklaw ng halos 40,000 ektarya sa buong bansa. Sa pangkalahatan, apektado ang suplay ng pagkain dulot ng pagliit ng mapagkukunan ng isda at ibang pagkaing dagat.

Sa Metro Manila, di bababa sa 100,000 residente sa Baseco, Parola, Tondo Foreshoreland at Malate ang mapalalayas sa apat pa lamang na proyektong reklamasyon. Sa Bulacan, pinalayas na ng San Miguel Corporation ang 700 pamilya ng mangingisda gamit ang panunuhol, panlilinlang at tahasang karahasan. Bumaba na ang nakukuhang isda sa kalapit na mga barangay dahil sa iligal na pamumutol ng kumpanya sa mga bakawanan.

Sa Cebu, 500 mangingisda sa Liloan at Consolacion ang mawawalan ng kabuhayan dahil wawasakin ng 235.8-ektaryang proyektong reklamasyon ang mga pangisdaan at bakawanan. Dagdag sa kanila ang 2,000 manggagawa ng mga paggawaan ng barko na ipasasara ng reklamasyon. Ganito rin ang mangyayari sa mga mangingisda sa tatlong barangay sa Minglanilla.

Sa Dumaguete, 1,000 mangingisda ang mawawalan ng hanapbuhay at 38,000 pang residente sa walong barangay ang mamemeligro ang kabuhayan at tirahan.

Sa lahat ng mga kasong ito, tanging malalaking negosyo at dayuhang kumpanya ang makikinabang sa mga gusali, tirahan, tindahan, kasino at iba pang libangang panturista na itatayo sa mga reklamadong lupa. (Basahin ang unang bahagi sa nakaraang isyu: Mapanirang mga proyektong reklamasyon: Pamana ni Duterte kay Marcos.)

Rehabilitasyon, di reklamasyon: Mga paglaban