Hatid ni Marcos ay kahirapan, kaya ang bayan dapat lumaban

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan si Ferdinand Marcos Jr sa pagdurusa at mga hinaing ng taumbayan nang ideklara niya sa harap ng kongreso na “sound” o malusog ang kalagayan ng bansa. Ang totoo, sa loob pa lamang ng isang buwan niya sa poder, lalo pang nalugmok sa hirap at krisis ang sambayanan.

Pantasya ang mga binitiwan niyang pangako ng kasaganahan at kaunlaran. Inilatag niya ang direksyon ng kanyang rehimen na wala namang pinag-iba sa gasgas na daan ng neoliberalismo na, sa nagdaang apat na dekada, ay walang kinahantungan kundi pabalik-balik na krisis at paghihirap.

Hindi binigyan-pansin ni Marcos ang naghuhumiyaw na mga problema ng masang Pilipino, laluna ang nagtataasang presyo ng pagkain at saligang pangangailangan. Kahit sa datos ng mga ahensya ng estado, hindi maitanggi ang implasyong 6.1% noong Hunyo, na umakyat pa ng 6.4% nitong Hulyo. Kung ordinaryong mamamayan ang tatanungin, hindi na masukat ang bigat ng kanilang pasanin.

Ipinagkibit-balikat lamang ni Marcos ang sigaw para sa umento sa sahod kahit tuluy-tuloy ang pagdausdos ng piso, na noong Hulyo ay ₱0.84 na lamang ang halaga kumpara noong 2018. Pipi si Marcos tungkol sa matagal nang reklamo ng mga manggagawa sa mapang-aping sistemang kontraktwalisasyon. Wala siyang inilatag na solusyon sa malawakang problema ng disempleyo labas sa paramihin pa ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.

Binalewala niya ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa. Nangako lamang siyang isang taon na hindi maniningil ng amortisasyon sa mga titulo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Pinaasa niya ang mga may titulo sa ilalim ng CARP na magkakaroon ng batas para burahin na ang natitirang amortisasyon, bagay na walang-saysay sa harap ng malawakang pangangamkam ng lupa ng malalaking kumpanya sa mga plantasyon at mina. Kahit kalihim ng Department of Agriculture, walang ginagawa si Marcos sa harap ng lalupang pagsirit ng presyo ng asukal, itlog at iba pang batayang pagkain. Ang tanging plano ni Marcos ay lunurin sa utang ang masang magsasaka para diumano ipangkapital sa “bagong teknolohiya.”

Nag-astang tagapagsalita ng dayuhang mga bangko at korporasyon si Marcos nang inilatag niya ang mga patakaran sa ekonomya na matagal nang dikta ng mga imperyalista. Bingi siya sa sigaw ng taumbayan, pero malinaw na nakikinig sa International Monetary Fund at World Bank nang ideklara niyang ang pag-akit sa dayuhang mga kapitalista ang sentrong patakaran ng kanyang rehimen. Naghabi siya ng ilusyon na papasok ang mga “estratehikong industriya” sa mga “ecozone.” Kailanman hindi naghatid ng industriyalisasyon sa Pilipinas ang dayuhang pamumuhunan, at hindi maghahatid ng pag-unlad sa lokal na ekonomya laluna ngayong panahong subsob sa krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa harap ng bangkaroteng gubyernong minana ni Marcos kay Duterte, bagong mga buwis ngayon ang kanyang bukambibig. Siya na rin mismo ang nagsasaboy ng gasolina sa apoy ng galit ng taumbayan sa hindi niya pagbabayad ng buwis na tinatayang nagkakahalaga na ngayong ₱203 bilyon. Target niyang singilin ng buwis ang mga konsyumer at maliliit na negosyo, kabilang ang mga walang hanapbuhay at kumikita lang ng kaunti sa munting mga negosyong online. Habang ipinagmamalaki niya ang batas na CREATE, na nagkaltas ng singiling buwis sa mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan, hindi niya pinalusot ang kaltas na buwis sa alawans na tinanggap ng mga gurong nagserbisyo sa nagdaang eleksyon.

Gaya ng halos lahat ng nagdaang presidente, pagtatayo ng magagarbong imprastruktura ang pangunahing nilalaman ng “kaunlaran” na sinasabi ni Marcos. Kailanman sa nagdaang apat na dekada, hindi umunlad ang ekonomya ng Pilipinas dahil sa mga pinagawang tulay o kalsada. Gaya ng nangyaring mahigit dobleng paglaki ng utang ng Pilipinas tungong halos ₱13 trilyon sa ilalim ni Duterte, lalo lamang mababaon ang Pilipinas sa utang kung matutuloy ang mga proyektong mga dam, kalsada, tulay, riles, reklamasyon at iba pang gustong itayo ni Marcos, na pinatatakbo ng mga dayuhang kumpanya, gumagamit ng mga inaangkat na kagamitan at mapanira sa kalikasan. Ibinibigay lamang din ng mga proyektong ito sa mga burges komprador ang kontrol sa malalawak na rekursong pampubliko, gayundin ang mga yutilidad na dapat ay pinatatakbo ng gubyerno.

Sa mahigit isang oras na pagsasalita, ni isang saglit ay hindi binigyang-pansin ni Marcos ang problema ng laganap na mga paglabag sa karapatang-tao at mga pang-aabuso ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado. Ibig sabihin, aprubado sa kanya na sa unang buwan niya sa pwesto, 41 ang pinatay ng pulis sa “gera kontra-droga;” at na 16 ang inaresto at 13 ang pinatay ng kanyang mga sundalo, kabilang ang tatlong bata, sa gera kontra-insurhensya nito. Aprubado rin sa kanya ang walang lubay na red-tagging, pagpapasurender, pambobomba at pamemerwisyo ng AFP sa mga sibilyang komunidad.

Malinaw na walang maaasahang mabuti ang masang Pilipino sa papet, pasista at pahirap na rehimeng Marcos. Kung hindi sila sama-samang lalaban, walang dudang lalo silang aapihin at pagsasamantalahan. Sa gayon, dapat ibayong palakasin ng sambayanan ang kanilang sigaw at militanteng pagkilos para sa hinihingi nilang hakbanging kailangan para ibsan ang kanilang pagdurusa. Dapat magbuklud-buklod sila at palakasin o itatag ang mga unyon at samahan sa mga pabrika at pagawaan, tanggapan, komunidad, eskwelahan, at simbahan.

Dapat itaas at patalasin ang kamulatan at kaalaman ng mamamayan tungkol sa kinakaharap nilang mga problema at usapin, at kung papaanong sila’y nililinlang at pinahihirapan. Dapat itakwil ang mga kasinungalingan at ilusyong hinahabi ni Marcos at ng kanyang among imperyalista.

Dapat isulong ng taumbayan ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka para ipaglaban ang kailangan nilang mga reporma. Higit sa lahat, dapat isulong ang armadong pakikibaka para isulong ang mas malaking hangarin para sa pambansang paglaya at tunay na demokrasya.

Hatid ni Marcos ay kahirapan, kaya ang bayan dapat lumaban