Pagbabalik-tanaw sa pang-aagaw ng lupang ninuno sa Far South Mindanao
Ang Agosto 9 ay Internasyunal na Araw ng Katutubong Mamamayan, ayon sa United Nations. Ginugunita ang araw na ito ng mga pambansang minorya sa Pilipinas na walang awat na nakikipaglaban para sa kanilang lupa at mga karapatan. Kabilang sa mga ito ang Lumad sa malayong timog Mindanao na dumanas ng deka-dekadang pang-aatake, laluna sa ilalim ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr.
Simula dekada 1950 naganap ang pinakamatinding pagkawasak ng kagubatan sa timog Mindanao. Laganap ang pandarambong ng mga dayuhang kumpanya dulot ng Parity Law na nagbigay ng karapatan sa US at iba pang imperyalistang kumpanya na samantalahin ang likas na yaman ng Pilipinas. Ginamit ng mga ito ang papet na estado at reaksyunaryong sandatahan para palayasin ang mga Lumad at agawin ang yamang sagana sa kanilang mga lupain. Ito rin ang nagtulak sa mga katutubo na maglunsad ng mga armado at di armadong pag-aalsa para ipagtanggol ang kanilang mga komunidad.
Lumaganap noong dekada 1950 at 1960 ang mga pag-aalsa laban sa pagtotroso, pagpapalawak ng mga rantso at pang-aagaw ng lupa ng ilang lokal na burukrata sa Sarangani at South Cotabato. Sa Davao del Sur, pinalayas ng mga Klagan sa Malita si Capt. Villamor, isang upisyal ng sandatahang Amerikano na nang-agaw ng lupa at nagsamantala sa mga Lumad.
Para ipagtanggol ang interes ng malalaking negosyo, naglunsad ang Philippine Constabulary ng malawakang operasyon sa Malungon, Tampakan at mga lugar sa paligid ng Mt. Matutum noong simula ng dekada 1960. Dahil sa tuminding kaguluhan ay hindi namalayan ng mamamayan ang pagpasok ng Dole Philippines sa Polomolok, Tupi at Mt. Matutum noong 1963. Sa panahong iyon ay mahigit 200 na mga katutubong tumututol sa plantasyon ang pinaslang ng mga sundalo at paramilitar na dumidepensa sa kumpanya.
Nagsagawa ang US at Japan ng kani-kaniyang eksplorasyon ng petrolyo at bakal sa ilang lugar sa Maasin at Alabel noong 1965 at 1968. Pagsapit ng 1969 ay inumpisahan na ng Sierra Madre Corporation, isang kumpanyang Amerikano, ang operasyon nito. Subalit nilabanan ito ng mga B’laan kaya napilitan itong umatras matapos ang dalawang taon.
Sa huling mga taon ng dekada 1960, namayani ang armadong pag-aalsa ng mga B’laan sa Kyumad, Alabel at dumalas ang mga pag-atake sa mga rantso. Sa layong patahimikin ito ay nakipagdayalogo si Ferdinand Marcos Sr sa mga lider ng pag-aaklas noong 1971. Ipinangako sa kanila na ibibigay ng pamahalaan ang kanilang kahilingan na kilalaning lupang ninuno ang Kyumad sa kundisyong magpapailalim ang tribu sa programa ng Presidential Assistance for National Minorities o Panamin.
Dahas at panlilinlang
Pinagsabay ni Marcos ang maigting na armadong pang-aatake at Panamin para nyutralisahin ang pag-alsa ng mga minoryang pamayanan. Itinalaga ni Marcos bilang pangulo ng ahensya ang kanyang kroning si Manuel “Manda” Elizalde.
Naging kontrobersyal si Elizalde at ang Panamin sa mga programa nito sa pamayanang T’boli sa South Cotabato. Matapos ideklara ni Marcos ang Kematu bilang bahagi ng 5,224 ektaryang saklaw ng Tagabili Reservation ay itinayo dito ni Elizalde ang sentro ng operasyon ng ahensya. Ngunit di nagtagal ay inumpisahan na ang operasyon ng mina sa Kematu ng sabwatang Marcos-Elizalde at ilang mga lider ng tribu.
Taong 1971, ginulat nina Marcos at Elizalde ang buong mundo sa “pagkakadiskubre” umano ng isang grupo ng “Stone Age people” na naninirahan sa isang kweba sa bundok ng Tasaday sa Lake Sebu, South Cotabato. Agad na idineklara ang paglalaan ng 19,000 ektarya bilang Tasaday Reservation para protektahan umano ang “tribu ng Tasaday.”
Subalit nang lumaon ay nalantad ang mga kasinungalingan ng rehimen at pagkukunwari nitong makatao. Lumabas na isang maniobrang pampulitika lamang ang “pagkakadiskubre” ng Tasaday para iligtas ang imahe ni Marcos. Kinasangkapan din ang pagtatayo ng mga reserbasyon para siguruhin ng pangkating Marcos at Elizalde na sila lamang ang makikinabang sa mga likas na yaman at natitirang kagubatan sa lupang ninuno. (Sa susunod na isyu: Matatagumpay na paglaban ng mga Lumad sa panahon ng batas militar.)