Mga tampok na sipi mula sa pahayag ng Komite Sentral ng PKP sa ika-53 anibersaryo ng Partido
DOWNLOAD: Pilipino | Iloco | Hiligaynon | Bisaya
Pambungad at pagbubuod:
- Kasama ang proletaryado at sambayanang Pilipino, buong galak at may militansyang ipinagdiriwang ngayong araw ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido
- Pinararangalan natin ngayong araw ang lahat ng nabuwal na bayani at martir ng rebolusyong Pilipino na isinakripisyo ang kanilang buhay para makamit ang pambansa at panlipunang paglaya.
- Nananawagan ang Komite Sentral sa lahat ng pwersa nito na manatiling palagiang alisto at nasa pinakamataas ang alerto para labanan at biguin ang mga deklaradong plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na isagawa ang “huling tulak” para wakasan ang armadong rebolusyon.
- Isabalikat ang lahat ng mabibigat na tungkulin, at gawin ang lahat ng kailangang sakripisyo upang biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng kaaway, at pangibabawan ang lahat ng balakid para isulong ang digmang bayan sa higit na mas mataas na antas.
- Higit na determinado ang Partido na pamunuan ang sambayanang Pilipino sa pakikibaka
- Ang kilusang pambansa-demokratiko at sosyalistang tinatanaw nito ay nananatiling kagyat, kailangan at kayang isulong sa harap ng papasidhing pang-aapi at pagsasamantalang dulot ng malakolonyal at malapyudal na sistema at pandaigdigang sistemang kapitalista na nasasadlak sa magkakasunod na krisis.
Nagluluwal ng umiigting na tunggalian at paglaban ang lumalalim na imperyalistang krisis
- Lugmok pa rin sa krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista at hindi pa makaahon sa matagalang resesyon sa kabila ng ilusyon ng paglago bunga ng pagsikad mula sa pagkakasadsad ng pandaigdigang ekonomya noong nakaraang taon.
- Sa katapusan ng taon, tinatayang mas mababa nang 125 milyon ang buong-panahong trabaho kumpara bago magpandemya
- Sa kabilang panig, ang pinakamayayamang bilyunaryo sa mundo ay patuloy na nagkakamal ng yaman.
- Ang sentro ng pandaigdigang kapitalismo ay nananatiling nasa resesyon o di pa rin lumalago.
- Planong ipatupad ng gubyernong US sa ilalim ni Biden ang isang multi-trilyong dolyar na neo-Keynesian na programa sa paggasta sa tangkang ayusin ang bulok nang imprastruktura at pasiglahin ang kapistalistang ekonomya ng US na dumaranas ng dumadalas na siklo ng krisis, resesyon at mabagal na pag-unlad sa ilalim ng patakarang neoliberal.
- Kapansin-pansin ang pagbagal ng paglago ng China sa nagdaang limang taon matapos malunod ang pandaigdigang merkado dulot ng mabilis na pagtaas ng kakayahan nito bilang prodyuser ng mga pyesang elektroniko, bakal at iba pang kagamitan sa konstruksyon.
- Matapos dumanas ng 6.1% pagkitid noong 2020, ipinagmamalaki ng European Union ang mabilis umano nitong pagsikad kung saan nakabalik na sa antas bago magpandemya ang produksyon sa ekonomya. Ang paglago sa EU ay inaasahang aabot sa 5% sa 2021, pero babagal tungong 4.3% sa 2022, at 2.5% sa 2023. Sa kabila ng paglago, nananatiling mataas ang disempleyo at mas mataas kumpara bago magpandemya.
- Ang Japan, pangatlong pinakamalaking kapitalistang bansa, ay patuloy na nababalaho sa deka-dekada nang istagnasyon sa ekonomya.
- Ang mga bansang atrasado ang ekonomya, kabilang ang Pilipinas, ay kumakaharap ng papalubhang sosyo-ekonomikong kalagayan sa harap ng mabilis na paglaki ng utang para pondohan ang pagbili ng mga bakuna, ang kinaltas na buwis sa malalaking korporasyon, subsidyong panlipunan at lantarang korapsyon.
- Patuloy na umiigting ang inter-imperyalistang mga tunggalian sa harap ng walang-lubay na krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema.
- Patuloy na pinaiigting ng US ang mga patakaran at hakbangin nitong anti-China.
- Nagpapatuloy ang girian ng mga kapistalistang kapangyarihan sa produksyon at kalakalan ng langis
- Patuloy ang paghahabulan ng nangungunang imperyalistang mga bansa sa karera sa armas.
- Noong Setyembre, kinumpleto ng US ang pag-atras sa Afghanistan matapos matalo ang 20-taong okupasyon nito sa bansa. Gayunman, wala itong planong bawasan ang dami ng mga base militar at pwersa nito sa ibayong dagat.
- Pinaiigting din ng US ang presyur militar sa Russia, at naglulunsad ng mga operasyong panghimpapawid malapit sa silangang hangganan ng Russia.
- Nakapagtatag ang Russia at China ng de facto na alyansang militar laban sa US at NATO, na may mga kasunduan
- Patuloy ang mga imperyalistang kapangyarihan sa paglulunsad ng mga digmang proksi sa Middle East, Africa at iba pang bahagi ng daigdig.
- Milyun-milyong mamamayan ang napalayas ng mga digma at tunggaliang udyok ng US
- Lumilikha ang pandaigdigang kapitalistang krisis ng papalubhang kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala na nagtutulak sa maraming mamamayan sa buong mundo na maglunsad ng pakikibakang masa at iba pang porma ng paglaban. Kapansin-pansin ang pagdami sa bilang ng welga ng mga manggagawa ngayong taon, laluna noong Oktubre sa US,
- Malawak ang lehitimong pagkabahala at pagtuligsa sa mapanupil na mga patakarang paghihigpit kaugnay ng pandemya, sapilitang pagbabakuna at iba pang mga patakarang di pantay na pagtrato sa mga di nabakunahan.
- Sa India, sumambulat noong Nobyembre 2020 ang higanteng mga demonstrasyon ng ilampung milyong pesante at magsasaka . Inilunsad din ng mga manggagawa at masang anakpawis ang mayor na mga protestang masa sa Myanmar, Thailand, Brazil, Palestine, Sudan, El Salvador, Colombia, Uruguay, Russia, Serbia at iba pang mga bansa
- Sa buong China, ilandaang welga ng mga manggagawa na naggigiit para sa pagbabayad ng sahod at protesta ng mangagawa sa transportasyon laban sa hindi patas na mga kalakaran ang ispontanyong sumiklab.
- Muling umusbong ang isang “pink tide” sa Latin America sa pagkakahalal ng mga gubyernong anti-imperyalista.
- Binigo ng anti-imperyalistang mga gubyerno ng Cuba at Venezuela ang mga subersibong tangka ng US kamakailan na “palitan ang rehimen.”
- Patuloy na inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa India, Manipur, West Papua, Turkey, Syria, Kurdistan, Myanmar, Colombia, Peru at ibang mga bansa para labanan ang pasistang pagsasamantala at dayuhang agresyon.
Nagluluwal ng ibayong paglaban ang lumulubhang krisis sa ilalim ng rehimeng US-Duterte
- Sadlak pa rin sa pamalagiang krisis ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na pinalala ng pagbagsak ng ekonomya kaugnay ng pandemya noong nagdaang taon, at ng militarista, nakaasa-sa-utang at neoliberal na tugon sa kagipitan sa pampublikong kalusugan.
- Bumulusok noong nagdaang taon ang matagal nang lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, karaniwang mga kawani at maliliit na propesyunal.
- Mag-iiwan ang rehimeng Duterte ng gubyernong bangkarote. Naging takbuhan nito ang malakihang pangungutang na papasanin ng mga Pilipino sa darating na mga taon sa anyo ng lalong mabibigat na buwis.
- Pinaliliit ng reaksyunaryong gubyerno ang datos sa disempleyo sa pamamagitan ng pagbabago sa pang-estadistikang depinisyon at manipulasyon, sa anyo ng hindi pagbilang sa hindi bababa sa 3.5 milyong manggagawa mula sa upisyal na “lakas paggawa” at pagturing na “may trabaho” sa mga katunaya’y wala.
- Dahil sa mga lockdown at kawalan ng subsidyo mula sa estado, napilitang magsara ang nasa 160,000 maliit hanggang katamtamang-laking negosyo.
- Patuloy na nauungkat ang malawakang korapsyon sangkot ang dambuhalang pampublikong pondo.
- Papataas ang tantos ng implasyon mula noong nagdaang taon at pinakamataas na ngayon sa loob ng tatlong taon.
- Lumalaki ang agwat sa pagitan ng naghaharing mga uri at ng malawak na masa. Ang 40% kabuuang yaman ng bansa ay pagmamay-ari ng wala pa sa 1% ng populasyon.
- Dahil sa matinding krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, nagiging imposible para sa reaksyunaryong naghaharing mga uri na maghari sa dating paraan ng bigayan sa kapangyarihan at pangingibabaw ng sibilyan sa militar.
- Sa ilalim ng rehimeng Duterte, pumipihit nang mabilis ang reaksyunaryong pampulitikang sistema tungo sa hayagang paghaharing tiraniko, militarisasyon ng mga ahensyang sibilyan, at lansakang terorismo ng estado.
- Lubos na kinamumuhian ng mamamayang Pilipino ang tiranikong rehimeng Duterte dahil sa pasismo at terorismo ng estado nito, burukratang kapitalismo, pagtataksil sa bansa, at paglulumpo sa ekonomyang atrasado at agraryo na nagresulta sa lalong pagsadsad ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng masang anakpawis.
- Sa ilalim ng rehimeng Duterte, ipinatutupad ng armadong mga pwersa ng estado ang sustenidong kampanya ng mabagsik na paninibasib sa mamamayang Pilipino sa anyo ng pekeng “gera sa droga,” gera laban sa mamamayang Moro at kontrarebolusyonaryong gera laban sa mga pwersang demokratiko, progresibo, patriyotiko at rebolusyonaryo.
- Kapalit ng mga pangakong pautang upang tustusan ang mga proyektong pang-imprastruktura na kaugnay ng maaanomalyang mga kontrata sa gubyerno, walang-kahihiyang isinuko ng rehimeng Duterte ang soberanya ng bansa sa China
- Habang naninikluhod sa China, nananatiling pinuno si Duterte ng neokolonyal na estadong nakapailalim sa lahatang-panig na paghahari ng US sa pulitika, ekonomya, kultura at militar.
- Pinalubha ni Duterte ang krisis pang-ekonomya ng malakolonyal at malapyudal na sistema at binangkarote ang gubyerno sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga dikta-ng-IMF na patakarang neoliberal.
- Nagpapatuloy ang kapalpakan ng rehimeng Duterte sa pagtugon ng bansa sa pandemyang Covid-19. Kulang ang suplay ng bakuna ng bansa.
- Ilalantad ng eleksyong 2022 ang pinakamasasamang aspeto ng naghaharing sistemang pampulitika na kinatatampukan ng sistemang padrino, pulitika ng may pera, pandaraya at panlilinlang.
- Layunin ni Duterte na panatilihin sa pwesto ang sarili at ang kanilang dinastiyang pampulitika upang patuloy na magkamal ng yaman sa pamamagitan ng korapsyon at upang umiwas sa imbestigasyon at pag-usig ng ICC.
- Nakonsolida ng naghaharing pangkating Duterte ang alyansa nito sa mga Arroyo, Marcos at Estrada, kilalang mga tirano ng reaksyunaryong sistema ng Pilipinas, na kumakatawan sa pinakabrutal at pinakakorap na mga pangkatin ng mga naghaharing uri.
- Ang pinakamalaking oposisyong katunggali ng tambalang Marcos-Duterte ay si Bise Presidente Leni Robredo, kandidato ng Liberal Party sa pagkapangulo. Gayunman, pinili niyang dumistansya sa pambansa-demokratikong mga pwersa na may napatunayang base sa eleksyon na hindi bababa sa ilang milyong boto.
- Dapat sikapin ng pampulitikang oposisyon na likhain ang milyong-lakas na kilusang masa laban sa tambalang Marcos-Duterte upang pigilan ang balak ng naghaharing pangkatin na dayain ang eleksyong 2022.
- Ang National Task Force (NTF)-Elcac, ang huntang sibilyan-militar ni Duterte, ang nagsisilbi ngayong utak ng rehimen sa kampanya ng terorismo ng estado. Gamit ang ATL, pinalabo ang NTF-Elcac ang pagkakaiba ng mga armadong kombatant sa mga sibilyan.
- Dumadalas ang paggamit ng AFP sa pambobomba mula sa ere upang sindakin ang mga sibilyan, at paluhurin ang mamamayan sa kanilang pangmilitar na superyoridad, na lansakang labag sa internasyunal na makataong batas
- Sa kabila ng natamong pinsala ng ng ilang yunit ng BHB, ang higit na nakararami sa mga yunit gerilya ng BHB ay napapawalambisa ang superyoridad ng kaaway at matagumpay na nakapagpalakas at nakapagpalawak ng kanilang suportang base.
Nagpupunyaging paglaban sa harap ng pinasidhing panunupil
- Nagluluwal ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ng lalong hindi mabatang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi at lalong nagtutulak sa mamamayang Pilipino sa landas ng rebolusyonaryong paglaban.
- Ang mga kadre at aktibista ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nasa ubod ng papalakas na paglaban ng masa sa tiraniya ni Duterte at ng sumusulong na demokratikong rebolusyong bayan.
- Sa kanayunan, patuloy na nagsusulong ang Bagong Hukbong Bayan ng digmang bayan sa buong bansa.
- Ang pambansa at panrehiyong kumand pang-operasyon ng BHB ay nananatiling buo sa kabila ng walang-tigil na mga laking-dibisyon at laking-batalyon na mga operasyon ng AFP.
- Sa nagdaang taon, matagumpay na naisagawa ng mga yunit sa gawaing masa ng BHB ang mga kampanya upang iahon ang masa mula sa labis na pagdurusa, laluna sa mga lugar na tinamaan ng peste, malalakas na pag-ulan, bagyo at matinding pagbaha.
- Sa harap ng banta ng hawaan sa Covid-19, nagsasagawa ang mga yunit ng BHB, katuwang ang mga lokal na organisasyong masa at manggagawang pangkalusugan, ng kampanyang pang-edukasyon sa mga baryo
- Sa dati at bagong mga erya, nagbubuo ang mga yunit ng BHB ng mga batayang organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at mga bata.
- Inilulunsad ang mga kampanya masa na nagpapakilos at pangunahing nakaasa sa mahihirap na magsasaka at manggagawang-bukid
- Itinatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa ipinatatawag na pagtipon ng mga asembliya sa baryo
- Paalun-alon na nagpapalawak at nagpapalakas ang BHB sa pamamagitan ng wastong balanse ng pagpapalawak at konsolidasyon.
- Habang nagpapalawak ng erya ng operasyon ang BHB, nananatili ang mahigpit nitong ugnay sa masa sa mga konsolidadong erya, laluna yaong mga dumaranas ng matinding operasyong militar ng kaaway.
- Magiting na nilalabanan ng rebolusyonaryong masa ang armadong panunupil ng kaaway.
- Sa harap ng pinaigting na paggamit ng kaaway ng mga drone at elektronikong paniniktik, ang mga yunit ng BHB ay inatasang magpakahusay sa gerilyang mga maniobra at paraan ng paggawa.
- Matagumpay ang higit na nakararaming yunit ng BHB na umiwas sa tinaguriang nakapokus na operasyong militar o mga opensiba ng kaaway at nabigo ang layunin ng kaaway na isagawa ang mga mapagpasyang labanan.
- Patuloy na kinukuha ng BHB ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa iba’t ibang dako ng bansa, inaasinta laluna ang mga yunit ng AFP na may malalalang paglabag sa karapatang-tao at kaso ng terorismo.
- Nagpapatuloy ang paglaban sa neoliberal na mga patakarang pang-agrikultura, laluna ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, pati na sa ismagling ng iba pang produktong pang-agrikultura na humihila sa presyo ng bentahan ng mga produkto at bumabangkarote sa libu-libong magsasaka.
- Sa gitna ng pandemya, walang patid ang mga pakikibaka para isulong ang kapakanan at interes ng iba’t ibang sektor sa buong bansa. Nagsasama-sama sila para igiit ang ayudang pampinansya at mga subsidyo, at ang pagpapalawak at pagpapalakas ng sistema ng pampublikong kalusugan.
- Tiyak na dadami pa ang mga aksyong protesta laluna sa harap ng pagsirit ng mga gastos sa pamumuhay na nagreresulta sa paglala ng katayuang sosyo-ekonomiko ng bayan.
- Sa harap ng lumalalang pampulitikang panunupil, lumalakas rin ang paglaban sa terorismo ng estado at pasismo.
- Isang malawak na hanay ng mga pwersa ang humaharap ngayon sa tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon, kahit di pa sila nagkaisa sa susuportahang mga kandidato.
- Ang mga rebolusyonaryong organisasyong kaalyado ng NDFP ay patuloy na nakapagpapalapad at nakapagpapalakas.
Namumukod na mga tungkulin ng Partido
Pinamumunuan at isinusulong ng Partido and demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas upang kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya … Itinakda ng Komite Sentral ang layuning kumpletuhin ang rekisito ng pagsulong tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba at sumulong sa susunod na yugto ng digmang bayan sa pamamagitan ng malawakan at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalapad at papalalim na baseng masa.
-
- Dapat tasahin ng Partido ang kasalukuyan nitong Limang-Taong Programa. Dapat lagumin ng mga sentral at panrehiyong komite ng Partido ang mga nakamit at tukuyin ang mga kahinaan sa pagpapatupad nito. Dapat tayong humalaw ng mga aral mula sa mga abanteng karanasan, pati mula sa mga kabiguan.
- Dapat nakahanda ang Partido na suungin ang mahihirap na labanan sa pulitika at militar sa mga darating na buwan,
- Sa isang panig, hindi nasisindak ang Partido at ang mga rebolusyonaryong pwersa sa ipinagmamalaking pwesa ng kaaway… Sa kabilang panig, dapat mataman nating pag-aralan ang mga kalakasan ng kaaway at alamin ang mga paraan para biguin ang mga layunin nito.
- Dapat nating labanan ang ibayong brutalidad ng rehimeng US-Duterte na gumagamit ng terorismo ng estado para payukuin ang bayan sa kanyang kapangyarihan.
- Dapat samantalahin ng Partido at tumatalim na krisis pampulitika ng naghaharing sistema upang ihiwalay ang rehimeng US-Duterte.
- Dapat walang kapagurang maramihang pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa lahat ng anyo ng armado at hindi armadong paglaban.
- Dapat patuloy na magpakatatag ang Partido sa ideolohiya sa pamamagitan ng pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoism upang palakasin ang proletaryong maka-uring paninindigan at pananaw ng lahat ng mga kadre at kasapi nito
- Dapat tiyakin ang regular na pulong ng lahat ng komite ng Partido upang tipunin ang kolektibong kapasyahan ng mga kadre at aktibista.
- Dapat patuloy na palakasin ang mga sangay ng Partido bilang susi sa pagtataas ng kakayahan ng Partido na pamunuan ang masa at ang kanilang mga pakikibakang masa.
- Dapat patuloy na itatag at palakasin ng Partido ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa upang mabuo ang pagkakaisa ng bayan alinsunod sa kanilang maka-uri at pangsektor na interes, gayundin, alinsunod sa masasaklaw o partikular na usapin.
- Dapat patuloy na pasiglahin ng Partido ang gawaing propaganda upang kontrahin ang antikomunistang mga kasinungalingan at disimpormasyong pinakakalat ng mga panatikong reaksyunaryo sa midya at social media.
- Dapat buuin ng Partido ang pinakamalawak na posibleng nagkakaisang prenteng anti-pasista bilang susi sa pagpapakilos sa milyong mamamayan para biguin ang iskema ng terorismo ng estado at panlilinlang ng rehimeng US-Duterte para palawigin ang tirniya, korapsyon at pagtatraydor.
- Dapat patuloy na paunlarin ng Partido ang mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista at iugnay ang mga ito sa mga pakikibakang antipyudal at antipasista sa kanayunan.
- Dapat patuloy na pamunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunsad ng malawak at maigting na pakikidigmang gerilya sa papalapad at papalalim na baseng masa.
- Dapat sikapin nating palaparin ang mga larangang gerilya at bumuo ng bagong mga larangang gerilya at mga subrehiyon upang palawakin ang erya ng operasyon ng BHB para biguin ang kaaway sa taktikang blockhouse at kampanya para kubkubin ang mga yunit ng BHB at itulak sila sa mapagpasyang mga labanan.
- Dapat sikapin nating mapagpasyang lutasin ang mga panloob na suliranin at pangibabawan ang lahat ng balakid para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
- Dapat samantalahin ng Partido ang paborableng kundisyon para palakasin at palawakin ang ugnayan nito sa pandaigdigang proletaryado at lahat ng aping mamamayan, hikayatin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang paglapat nito sa kongkretong kundisyon