Pagpapabango sa mga simbolo ng diktadura
Sa darating na Hunyo 30, manunumpa bilang presidente ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. Gagawin ang kanyang inagurasyon sa ngayo’y National Museum, dating bulwagan ng Kongreso ng Pilipinas.
Pinili ni Marcos Jr ang gusali dulot diumano ng makasaysayang halaga nito bilang benyu ng panunumpa ng naunang mga presidente. Ang hindi nababanggit ng kanyang mga propagandista, dito rin naganap ang isa sa pinakamakasaysayang pagkilos ng kabataan sa dekada 1970 na marahas na sinupil ng rehimen ng kanyang ama.
Noong Enero 26, 1970, nagtalumpati ang noo’y presidente na si Ferdinand Marcos Sr sa ikalima niyang State of Nation Address (una sa pangalawa niyang termino). Bitbit ang isang kabaong na nagsilbing simbolo ng kamatayan ng demokrasya at effigy ng isang buwaya na simbolo naman ng kurakot na mga pulitiko, pinalibutan ng mga raliyista ang gusali. Dinumog nila ang mag-asawang Marcos habang papalabas sila at ayon sa salaysay ni Marcos Sr, hinagisan ng mga bato. Ginamit itong dahilan ng mga pulis para marahas na buwagin ang protesta.
Ang dispersal na tumagal ng ilang oras ang nagsilbing simula ng serye ng mga protesta ng mga estudyante sa Kamaynilaan at iba’t ibang bahagi ng bansa na kilala bilang First Quarter Storm.
Ang paggamit sa dating bulwagan ng Kongreso ay isa lamang sa mga tangka ng pamilyang Marcos na tabunan ang mararahas na pangyayari sa diktadura. Sa nakaraang ilang dekada, walang tigil sila at kanilang mga propagandista para pabanguhin ang mga simbolo ng diktadura na lubos na kinamumuhian at nagdudulot ng pagkabalisa sa maraming Pilipinong dumanas ng trahedya at brutalidad sa ilalim ng martial law.
Nitong nagdaang eleksyon, hitik ang kampanya ni Ferdinand Marcos Jr ng mga galaw at simbolismo ng kanyang amang diktador. Kulay ng kanyang kampo ang pula. Simbolo niya ang letrang V. Kapag nagtatalumpati, ginagaya niya ang mga kilos ng kanyang ama. Kahit ang pagpapaabot ng mensahe ay may bahid ng yumaong diktador. At sa bawat pagtatapos ng rali, pinatutugtog ng kanyang mga organisador ang bagong bersyon ng kanta ng martial law na “Bagong Lipunan.”
Ginamit naman ng kanyang kapatid na si Imee Marcos sa kanyang kampanya ang nutribun, ang tinapay na mali nilang ipinagmamalaki na simbolo ng mga “ginintuang taon” ng diktadura. Ang totoo, ang nutribun ay pinaunlad at pinondohan ng USAID at World Bank bilang huwad na solusyon sa mataas na tantos ng malnutrisyon sa hanay ng mga batang Pilipino sa panahong iyon. Ginamit na rin ito ng kanilang ama sa kanyang pangangampanya at naging bahagi ng trabahong “mapagkawanggawa” ng kanilang inang si Imelda.