Tinang 83 ngayon, Bago 129 noon

, ,

Noong Hulyo 30, 1978, 129 magsasaka ang inaresto ng pasistang diktadurang Marcos nang bungkalin nila ang tiwangwang na lupa ng panginoong maylupa na si Angel Araneta sa Bago, Negros Occidental.

 

Mua sa Ang Bayan, Tomo X Bilang 17, Setyembre 15, 1978

Manggagawang bukid, ikinulong dahil sa pagtatanim sa lupa ng asendero

Mahigit 100 magsasaka sa tubuhan ang inaresto at ibinilanggo noong Hulyo 30 sa lungsod ng Bago, Negros Occidental, dahil tinamnan nila ng makakain ang isang loteng pag-aari ng malaking asendero.

Dinakip ang 129 tao sa isang pag-uusap na itinakda ng militar sa pagitan ng mga manggagawang-bukid at ni Angel Araneta, ang may-ari ng asyenda sa baryo Ma-ao, lunsod ng Bago. Sa harap ng malawak na protesta ng mamamayan, napilitan ang pasistang militar na palayain ang mga ikinulong nila.

Sa pakikipag-usap sa asendero, tumanggi ang masa na sirain ang itinanim nilang palay, saging, kamote, mais at iba pa sa 12-ektaryang lote ni Araneta.

“Naguguton kami, gusto naming magtrabaho pero wala namang trabaho. Tumigil na sa pag-aaral ang mga anak namin. Bakante naman at hindi ginagamit nag lupa,” ang katwiran ng mga manggagawa.

Anim na buwan sa isang taon na walang trabaho ang mga manggagawa sa tubuhan, habang hinihintay na gapasin ang tubo para dalhin sa asukarera. Sa panahong ito, hindi sumasahod ang mga manggagawang bukid. (Ang minimum sa tubuhan ay ₱7 lamang sa isang araw, kung ibinibigay man ang minimum. Pinakamadalas, nagtatrabaho sila sa sistemang pakyaw, kung saan mababa pang higit ang kanilang kinikita.)

Bago nila tinamnan ang lote, sinabi ng mga manggagawang bukid kay Araneta na nakahanda silang magbayad ng upa sa bakanteng loteng nasa loob ng 299-ektaryang asyenda. Balak nilang upahan ito nang isang taon at tamnan ng makakain. Ayaw pumayag ng asendero.

Nang magharap ang mga manggagawang bukid at si Araneta noong Hulyo 30, biglang pinaligiran ng mga tropang pasista ang pulong at inaresto ang masa. Kinuha rin ng walong opisyal at kasapi ng Pambansang Pederasyon ng mga Manggagawa sa Tubuhan (NFSW), kabilang ang direktor ng NFSW, si P. Edgar Saguinsin.

Maraming organisasyon ng mamamayan ang nagpahayag ng pagtutol sa pagkukulong sa mga manggagawang bukid. Kabilang sa mga ito ang Free Legal Aid Group (FLAG), sa pamumuno nina dating Senador Jose Diokno at Lozenzo M. Tanada, at Atty. Joker P. Arroyo. Sumulat sila kay Juan Ponce Enrile, ministro ni Marcos sa tanggulang pambansa, at sinabing dapat palayain ang lahat ng ibinilanggo.

AB: Tinang 83 ngayon, Bago 129 noon