Berdugong 59th IBPA, panagutin sa mga krimen sa Batangas
Dumanak na naman ang dugo ng mga sibilyan sa kamay ng pasistang 59th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) na patuloy na naghahasik ng karahasan at disimpormasyon sa Batangas. Pinakahuling biktima ng mga pasista si Maximino Digno, 50, na pinatay sa kanyang sinasakang lupa sa Brgy. Cahil, Calaca noong Hulyo 26. Walang kahihiyan pang pinalalabas ng 59th IB na isang engkwentro ang naganap sa pagitan nila at ng NPA upang pagtakpan ang kanilang krimen.
Inililinaw ng Eduardo Dagli Command (EDC) – NPA Batangas na walang naganap na engkwentro sa Brgy Cahil at ang biktimang si G. Digno ay hindi kasapi ng NPA. Kilala siya ng kanyang mga kababaryo na may kapansanan sa isip mula pa pagkabata. Karaniwan siyang nakikitang may hawak na pellet gun sa tuwing pupunta siya sa parang para magtrabaho. Nakasalubong siya ng mga nag-ooperasyong pwersa ng 59th IBPA bago paslangin. Masahol pa, pinigilan ng mga militar na makalapit ang mga kaanak sa labi ni G. Digno na parang hayop na tinakpan lamang ng dahon ng saging.
Ang kaso ni G. Digno ay pangalawang insidente ng pamamaslang ng militar sa mga sibilyan sa probinsya ngayong buwan. Kasunod ito ng pagkamatay ni Kyllene Casao, ang siyam na taong batang babae noong Hulyo 18 nang mag-amok ang nauulol na mga tropa ng 59th IB sa Sityo Sentro, Bgy. Guinhawa, Taysan malapit sa tahanan ng biktima.
Nag-imbento ng kwento ang hibang na 59th IB na namatay ang bata sa ikalawang labanan ng tropa nito sa NPA sa So. Sentro kagyat matapos ang nangyaring tatlong minutong labanan sa bulubunduking bahagi ng So. Amatong na ilang kilometro ang layo sa sentro ng baryo. Ang totoo’y walang nangyaring ikalawang labanan sa So. Sentro kundi walang direksyon na namaril ang labis na nahintakutang mga tropa ng 59th IB na nasa So. Sentro ng baryo na kumitil sa batang babae.
Ang pagpaslang ng 59th IBPA sa mga biktima ay iniresulta ng malaking kasakiman ng mga militar sa pabuya at ng kanilang mga upisyal sa promosyon sa bawat mapapatay nilang Pulang mandirigma ng NPA. Nakakasulasok ng damdamin ang pagbaling ng mga berdugo sa mga walang kalaban-laban para lumikha ng ilusyon na “nananalo” ang kontra-rebolusyonaryong gera nito.
Ang panghahalihaw ng 59th IBPA sa mga bayan ng Lobo, Rosario, Taysan, San Juan, Nasugbu at Calaca mula Mayo hanggang Hulyo ay nagresulta ng samu’t saring kaso ng pamamaslang, tortyur, iligal na panghahalughog, panghaharang, walang patumanggang pamamaril (indiscriminate firing), sapilitang pagpapasuko at pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Noong Hulyo 25, sapilitang pinasuko ng mga pasista ang 19 na magsasaka ng Bgy. Guinhawa, Taysan at iprinisinta bilang mga nagbalik-loob na rebelde. Binabantaan at inaatake rin ng mga pasista ang mga residente ng Sityo Ibaba, Bgy. Malapad na Parang, Lobo kung saan nagkaengkwentro ang 59th IBPA at NPA noong Hulyo 25.
Naririmarim ang mga Batangueño sa 59th IB dahil sa sunud-sunod na mga krimen at kaso ng mga paglabag sa karapatang tao. Hindi rin maatim ng mamamayan ng probinsya ang pagtatakip at paghuhugas-kamay ng mga berdugo. Nararapat singilin at papanagutin ang berdugong 59th IB at SOLCOM sa kanilang mga krimen.
Nananawagan ang EDC-NPA Batangas sa mamamayan ng probinsya na pahigpitin ang kanilang pagkakaisa at labanan ang terorismo ng berdugong militar. Ilunsad ang mga kampanya para palayasin ang mga tropa militar sa kanayunan. Huwag pahintulutang tumapak ang mga teroristang AFP sa mga komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan. Ubos-kayang lumahok sa digmang bayan upang ganap na makalaya sa pagsasamantala at pang-aapi.###