4 na opensiba, inilunsad ng BHB-Sultan Kudarat

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Apat na armadong opensiba ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sultan Kudarat mula Hunyo 15 hanggang Hunyo 29 laban sa nag-ooperasyong mga yunit ng pulis at sundalo.

Pinasabugan at pinaputukan ng BHB ang kontra-insurhensyang yunit ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) na nag-ooperasyon sa Sityo Meleb, Barangay Butril, Palimbang noong Hunyo 29. Limang pulis ang napatay habang dalawa ang nasugatan.

Sa parehong bayan, pinaputukan ng BHB ang pwersa ng 7th IB sa Sityo Fliko, Barangay Balwan noong Hunyo 15 ng hapon. Sinundan ito ng isa pang armadong aksyon ng mga Pulang mandirigma noong Hunyo 18 laban sa 37th IB sa Barangay Molon. Dalawang araw matapos nito, umatake muli ang BHB laban sa 38th IB sa parehong barangay. Hindi bababa sa limang sundalo ang namatay. Tinitiyak pa kung ilan ang nasugatan.

Ayon sa ulat ng yunit ng BHB, ang mga sundalo ay bahagi ng halos isanlibong tropang nag-ooperasyon sa lugar. Kabilang sa mga nag-ooperasyong yunit ang 38th IB, ang batalyong nangangasiwa sa mga CAFGU at direktang nagseserbisyo sa DM Consunji Inc at naggugwardya sa mga operasyon pagtotroso at iba pa.

Iniulat din ng yunit ng BHB ang dagdag na aabot sa 30 kaswalti (hindi pa kumpirmado kung ilan ang napaslang) sa hanay ng mga sundalo sa mis-engkwentro sa pagitan ng kanilang mga yunit noong Hunyo 18. Kinukumpirma pa ng BHB ang paunang ulat kaugnay ng posibleng paghulog ng bomba ng AFP sa sarili nilang pwersa.

Sa Camarines Sur, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang nag-ooperasyong yunit ng 9th ID sa Sityo Balaybayon, Barangay Tanauan, Presentacion noong Hunyo 15. Tatlo ang napatay habang walo ang nasugatan sa nag-ooperasyong mga sundalo.

4 na opensiba, inilunsad ng BHB-Sultan Kudarat