Hindi kaibigan ng mga magsasaka si Marcos Pagdurusa sa ilalim ng Masagana 99
Sa kanyang inagurasyon bilang presidente noong Hunyo 30, sinabi ni Marcos na bibigyang prayoridad niya ang pagharap sa krisis sa pagkain. Pinalalabas niyang noon lamang panahon ng diktadura ng kanyang ama na binigyang pansin ang usapin ng seguridad sa pagkain, na tila pagbubudbod ng asin sa hindi pa naghihilom na mga sugat ng mga magsasaka.
Ano nga ba ang nangyari sa panahon ni Marcos Sr? Marapat lamang na balik-aralin ng masang magsasaka at buong sambayanan ang malalaking kasalanan sa masang magsasaka ng diktadurang Marcos. Pakay ng seryeng ito ng Ang Bayan na pag-aralan ang kasaysayan ng pagpapahirap sa masang magsasaka sa ilalim ng batas militar upang mulat na harapin ang anumang pakana ni Marcos na maghahatid ng dagdag na pagdurusa sa masang magsasaka.
Binangkarote ng Masagana 99 ang kabuhayan ng magbubukid
Taong 1972 nang sinalanta ng mga peste at sakuna ang mga sakahan na nagresulta sa malaki at malawak na perwisyo at paghihirap sa mga magsasaka. Tinuntungan ito ng diktador na si Marcos upang itulak ang programang Masagana 99 noong Mayo 1973 upang pataasin diumano ang produktibidad ng mga magsasaka. Pero sa proseso, binangkarote niya ang masang magsasaka.
Ang Masagana 99 ay bersyon ni Marcos Sr ng “Green Revolution” (GR) na pakana ng International Monetary Fund, World Bank (WB) at United States Agency on International Development (USAID), ng Bayer, Monsanto at iba pang transnasyunal na korporasyon sa agrikultura.
Unang sangkap nito ang pagpapalaganap sa paggamit ng mga binhing palay na HYV (high-yielding variety o binhing mas malakas bumunga); at ikalawa, ang malawakang pagpapautang na pinangangasiwaan ng gubyerno. Tinarget nito na umabot sa 99 kaban ng palay kada ektarya ang maaani ng magsasaka. Ang HYV ay mga binhing gawa sa loob ng mga laboratoryo tulad ng International Rice Research Institute. Pero para mamunga, nangangailangan ang mga HYV ng mas maraming kemikal na abono at pestisidyo—na nilikha at pinagtutubuan ng mga agrochemical na transnasyunal na korporasyon.
Mula 1972 hanggang 1982, umabot sa $1.5 bilyon ang kabuuang pautang ng WB para pondohan ang Masagana 99. Bumubuo ito ng 44% ng lahat ng pautang ng WB sa bansa. Napunta ang kalakhan nito sa pagbili ng mga imported na mga input (abono, pestisidyo, pagkain) at mga pyesa ng makina na noong 1984 ay umabot sa 99% ng $150 milyong pautang.
Nagpalobo sa gastusin sa pagsasaka ang paggamit sa mga HYV. Sa pagitan ng 1966 at 1979, sumirit nang 89% ang gastusin sa produksyon ng palay. Pinakamalaki ang pagtaas ng gastos sa imported na inputs, na halos tatlong beses (262%) kaysa dati.
Para tiyaking nabibili ang mga kinakailangang kemikal para sa mga HYV, itinulak ng Masagana 99 ang pagpapautang ng mga bangko sa magsasaka. Para mabilis ang pagproseso, inalis ang mga kolateral bilang rekisito. Sinagot naman ng gubyerno ang hanggang 85% ng pagkalugi ng mga bangko mula sa mga pautang. Itinulak din ng WB na itakda ng “merkado” ang interes sa mga pautang. Mula sa dating 12% lamang, tumaas sa 16% hanggang 38% ang interes sa mga pautang sa Masagana 99 noong 1984.
Ipinagmalaki ng diktadurang Marcos na naabot ang “rice-self sufficiency” noong 1975 at nakapag-eksport ng bigas ang Pilipinas ng mga taong 1977-1983. Ang hindi binabanggit ay kung papaanong ang mga “tagumpay” na ito ng Masagana 99 ay nagdulot ng mas marami at pangmatagalang pinsala sa kabuhayan ng magbubukid at mamamayan sa kanayunan.
Tumaas nga nang 55% ang produksyon, pero lumaki naman nang 89% ang gastos ng mga magsasaka. Hindi ito kayang tumbasan ng napakaliit na 20% dagdag sa kita ng mga magsasaka sa pagitan ng 1966 at 1976. Resulta nito, dumami ang mga magsasakang nawalan ng kakayanang magbayad sa mga utang. Pagsapit ng 1979, nasa 45.8% na lamang ang nakakapagbayad ng utang.
Unti-unting nawalan ng kakayahan ang mga magsasaka na kumuha ng mga pautang na pinangangasiwaan ng gubyerno. Noong 1980-1984, nasa 60,000 magsasaka na lamang ang kabilang sa Masagana 99, mula sa kalahating milyon noong 1974-1975. Nabangkarote ang milyun-milyong magsasaka at bumagsak ang antas ng kabuhayan sa kanayunan. Pagsapit ng 1983, umabot sa 73% ng pamilya sa kanayunan ang mahirap, mula sa 33% noong 1971.
Pagsapit ng 1984, bumalik na sa pag-iimport ng bigas ang Pilipinas at isang taon pagkatapos nito, tumigil na ring mag-eksport ng bigas.
Dagdag pa, nilason ng mga kemikal ang kalikasan at nasira ang likas na pataba. Malaki ang pinsala sa kalusugan ng mga magsasaka tulad ng pagkasira ng atay dahil sa eksposyur sa kemikal, binura ang mayamang kulturang Pilipino sa pagsasaka at pinatay ang mga tradisyunal na binhi.