Lumaban sa gitna ng malawakang pagdurusa sa ilalim ni Marcos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Pumasok sa bagong kabanata ang kasaysayan ng paglaban ng sambayanang Pilipino sa pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr bilang bagong pinuno ng estadong neokolonyal. Malaking hamon sa sambayanan at sa kanilang mga pwersang patrioyotiko at demokratiko na patatagin ang pagkakaisa ng bayan at isulong ang kanilang mga pakikibaka.

Gaya ng kanyang amang diktador at mga nauna sa kanya, si Marcos ay isang burukratang kapitalistang kumakatawan sa interes ng naghaharing uri ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Naupo si Marcos sa poder sa panahong sadsad sa krisis ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Lalo itong pinadapa ng militaristang lockdown at palpak na tugon sa pandemyang Covid-19. Subalit sa halip na bigyan ng sariling paa para makatindig ang ekonomya, ipinagpapatuloy ang nakalulumpong mga patakarang neoliberal sa gitna ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo.

Ang reaksyunaryong gubyerno ay binangkarote ng korapsyon at paglulustay sa militar at pulis. Ibinaon ito sa utang ng nagdaang rehimeng Duterte. Dumadausdos ang halaga ng piso kontra sa dolyar. Lumalaki ang depisito sa kalakalan sa pagtaas ng halaga ng mga produktong inaangkat. Matumal ang pamumuhunan at nangangalugi ang maliliit na negosyo. Sanlima ng badyet ay nauubos sa pagbayad sa utang na hindi naman pinakinabangan ng taumbayan, kaya’t kulang na kulang ang nakalaan sa pangangailangan ng mamamayan.

Bumubulusok ang kabuhayan ng sambayanang Pilipino. Milyun-milyong manggagawa at anakpawis ang walang trabaho o mapagkakitaan. Kulang na kulang ang sahod at kita, lalo’t sumisirit ang presyo ng langis, pagkain, pamasahe, matrikula, gamot at serbisyong medikal, at iba pang bilihin at serbisyo. Bagsak ang kabuhayan ng masang magsasaka dahil sa laki ng upa sa lupa, malaking gastos sa produksyon, mataas na interes sa pautang, bagsak na presyo ng bentahan ng mga produktong bukid at pagbaha ng imported na bigas, gulay, maging ng karneng baboy. Bagsak din ang kabuhayan ng masang mangingisda dahil sa panggigipit sa pamamalakaya, laluna sa karagatang inaagaw ng China.

Hindi sapat ang maghapong pagbabanat ng buto at magdamag na pagpupuyat upang ibsan ang gutom ng kanilang mga anak at bigyan sila ng disente o kahit magaang buhay. Hindi sapat ang mumong limos na ibinibigay ng gubyerno para iahon sila mula sa lusak ng pagdurusa. Hindi sapat ang pagtitiis at pagtitiyaga, lalo’t batid nila kung papaanong kumakamkam ng yaman at nabubuhay sa karangyaan ang mga naghaharing uri at mga kawatan sa gubyerno.

Kumakalam ang sikmura at kumukulo ang dugo ng sambayanang Pilipino. Sa harap ng sumisidhing galit ng bayan na mistulang nag-aalburutong bulkan, nagpapalipad si Marcos ng mga pangako at panaginip ng kasaganahan, katiyakan sa pagkain at murang presyo. Subalit ilang araw lamang matapos manumpa at mangako, isang lihim na piging ng papuri kay Imeldang kawatan ang idinaos ng mga Marcos sa bulwagan ng Malacañang–simpleng meryenda, diumano, pero malaking insulto sa mga gutom, nagtitiis at nagtitiyaga.

Walang buting ihahatid ang gubyerno ni Marcos na nais ikulong ang bayan sa ilusyon at panaginip. Sa tangkang pahupain ang galit ng mga Pilipino, binilog ni Marcos ang kanilang ulo nang ideklarang hindi siya naniniwala na umaabot na sa mahigit 6% ang tantos ng implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Pinalalabas niyang mas madunong pa siya sa masang saksi sa araw-araw na pagpaimbulog ng presyo sa mga palengke at tindahan.

Itakwil ang hinahabing mga ilusyon ni Marcos! Ipaglaban ang mga karapatan at kagalingan! Walang matatamo sa pagdudulog o pamamalimos sa mga nagsasamantala, nang-aapi at sugapang kawatan. Kung hindi sama-samang sisigaw ang bayan, hindi sila pakikinggan. Kung hindi yayanigin ng kanilang yabag ang mga kalsada, hindi matitinag ang mga naghahari-harian.

Kailangang likhain ng sambayanan ang makapangyarihang kilusan para ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang interes at kapakanan. Tungo rito, dapat ibayong palakasin at paramihin pa ang bilang ng mga unyon laluna sa pinakamalalaking pagawaan at empresa, gayundin ang iba’t ibang anyo ng mga demokratikong samahang masa sa mga baryo sa kanayunan, komunidad sa kalunsuran, sa mga unibersidad, tanggapan, simbahan at mga ospital. Tipunin ang interes ng mga manggagawa, magsasaka at iba’t ibang sektor, bigyan sila ng tinig, at organisahin ang kanilang mga pakikibaka.

Dapat walang-kapagurang isagawa ang mga pag-aaral tungkol sa kalagayan ng bansa, ng kani-kanilang sektor at komunidad, at ang mga solusyon sa kinakaharap na mga problema ng bayan. Ilimbag ang mga polyeto at pahayagan upang magsilbing daluyan at instrumento para sa pagbubuklod sa masa. Ilunsad ang iba’t ibang mga pagkilos ng masa para ihayag ang kanilang mga hinaing at kahingian para ibaba ang presyo ng mga bilihin, itaas ang sahod at sweldo, trabaho, disenteng pabahay, libreng pamamahagi ng lupa, pagpapababa ng upa sa lupa at interes sa pautang, makatwirang presyo sa produktong bukid, libreng edukasyon, libreng serbisyong medikal, at iba pang hakbang na kailangang-kailangan ng mamamayan.

Dapat pandayin ang loob ng masa sa harap ng paninindak at panunupil ng mga armadong pwersa ng estado. Dapat mabatid ng lahat na ang kanilang pagsasama-sama ang hindi natutuyong bukal ng kanilang tapang. Walang anumang tindi ng panggigipit at paniniil ang makadadaig sa kanilang determinasyon na sama-samang lumaban.

Sa iba’t ibang panig ng mundo, mula Korea hanggang Ecuador, mula Uruguay hanggang United Kingdom, sumisiklab ang mga welga at protesta ng mga manggagawa, magsasaka, mga minorya at iba pang aping sektor sa harap ng krisis at labis na paghihirap at pang-aapi. Katulad sa mga bansang ito, ang pagdurusa ng mamamayang Pilipino ay mistulang tuyong dayami na naghihintay ng diklap para maging dakilang apoy ng paglaban sa malawak na kanayunan at kalunsuran.

Dapat tuluy-tuloy na lahatang-panig na magpalakas at magpalawak ang Partido upang itaas ang kakayahan nitong pamunuan ang sambayanang Pilipino sa kanilang mga pakikibaka. Dapat magrekrut at magsanay ng libu-libong mga kadre na bubuo at mamumuno sa mga sangay ng Partido na malalim at malawak na nakaugat sa masa, at nasa katayuan na mamuno sa kanila sa lahat ng larangan ng pakikibaka.

Lumaban sa gitna ng malawakang pagdurusa sa ilalim ni Marcos