Pagsikil sa karapatan sa aborsyon sa US, sinalubong ng mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Sumiklab ang mga protesta sa mayor na mga syudad sa US mula Hunyo 20 matapos baligtarin ng Korte Suprema rito ang batas na nagtitiyak sa karapatan ng kababaihan na magkaroon ng opsyon sa aborsyon. Liban sa malalaking rali sa labas ng Korte Suprema sa Washington DC, nagkaroon ng pagkilos sa mayor na mga syudad sa bansa. Sa labas ng US, nagkaroon din ng mga rali sa Australia, Germany at United Kingdom.

Ayon sa mga nagprotesta, ipinagkait ng Korte Suprema sa sektor ng kababaihan, laluna ng mga kababaihang minorya sa US, ang kanilang karapatan sa aborsyon na itinuturing na krusyal na serbisyong pangkalusugan. Panawagan nila ang our bodies, our choice (katawan namin, desisyon namin) at we won’t go back (hindi kami babalik) na pumapatungkol sa 50 taong tuluy-tuloy na pakikibaka ng kababaihan para rito.

Sa botong 5-4, binaliktad ng Korte Suprema ang makasaysayang desisyong Roe v Wade, ang desisyong sumaklaw sa karapatan sa aborsyon, sa dahilang walang direktang sinasabi ang konstitusyon kaugnay dito at sa gayon ay hindi ito karapatang garantisado. Dulot nito, magiging iligal ang aborsyon sa halos kalahati ng mga estado sa US.

Ano ang Roe v Wade?

Ang Roe versus (laban) Wade ay isang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa US na inilabas noong 1973 na nagsabing saklaw ng 14th Amendment ng konstitusyong Amerikano o ng pundamental na karapatan sa pribasiya, ang karapatan ng babae na tapusin ang kanyang pagbubuntis. Ibinunsod ito ng kaso ni Norma McCorvey, na itinago sa pangalang Jane Roe, laban sa noo’y abugado ng estado ng Texas na si Henry Wade.

Sa nakaraang 50 taon, pinanghawakan ng milyun-milyong kababaihan ang desisyong ito. Nagmumula ang karapatang ito sa pagkilala na ang isang embryo ay bahagi ng katawan ng babae, at sa gayon ay siya at siya lamang ang may karapatang magdesisyon kaugnay dito. Hindi siya maaring pwersahin ng estado na ipagpatuloy ang isang pagbubuntis.

Mula nang ilabas ang desisyon, at sa kabila ng mga tuluy-tuloy na mga atake rito, hindi ginawang pangkalahatang batas ang Roe v Wade, nanatiling target ng pagpapabaliktad. 

Pangangalagang pangkalusugan

Ang aborsyon ay isang simple at komun na operasyong medikal na itinuturing ng World Health Organization bilang esensyal na bahagi ng serbisyong medikal. Ito ay ligtas kapag isinagawa sa tamang paraang angkop sa antas ng pagbubuntis, at ng taong may karampatang kasanayan.

Maraming dahilan kung bakit nagpapa-abort ang isang babae. Kabilang dito ang palpak at/o kawalang akses sa kontrasepsyon, panggagahasa, incest (relasyong sekswal sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak), karahasan sa kamay ng kapareha, mga anomalya o malformation sa embryo, pagkakasakit sa panahon ng pagbuntis at iba pa. Isinasagawa rin ito kapag nasa panganib ang buhay ng isang babae dulot ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.

Taun-taon, nasa 13% ng mga maternal death (pagkamatay dulot ng panganganak) ay dahil sa di ligtas na aborsyon, ayon sa WHO. Pinakabulnerable rito ang kababaihan sa mga atrasadong bansa kung saan 220 sa bawat 100,000 na sumasailalim sa gayong operasyon ang namamatay.

Sa Pilipinas, hindi lamang mahigpit na ipinagbabawal ang aborsyon sa lahat ng kaso (kabilang sa mga kaso ng panggagahasa, incest, pagbubuntis ng mga bata o sitwasyong pangkagipitan kung saan nanganganib ang buhay ng ina), maaari pang sampahan ng kasong kriminal ang babae o batang nagpa-abort, ang nagsagawa ng operasyong medikal o nagbenta o namigay ng “abortives” at tumulong dito.

Ayon sa isang pananaliksik noong 2013 ng Guttmacher Institute, umaabot sa 1,000 kababaihan sa Pilipinas ang namamatay taun-taon dulot ng di ligtas na aborsyon. Dahil sa limitado, kung meron man, na akses sa kontrasepsyon, halos kalahati ng pagbubuntis sa Pilipinas ay “di sinasadya.” Nanganganak ang mga nanay dito ng lampas sa bilang na gusto nilang anak. Pinakaapektado ang mga nanay ng pinakamahihirap na pamilya na nanganganak ng abereyds na limang anak, kumpara sa abereyds na tatlo sa pangkalahatan.

Sa taya ng pananaliksik, nasa pagitan ng 22 at 31 aborsyon kada 1,000 kababaihan ang naganap noong 2000. Ibig sabihin, maaaring umabot sa 610,000 aborsyon ang naganap sa Pilipinas noong 2012.

Pinakamalaking dahilan ng mga nagpapa-abort ang kawalang kakayahan o panggastos para magpalaki ng anak o dagdag na anak. Sangkatlo ang nagsabing hindi suportado ng kanilang kapareha ang pagbubuntis o di kaya’y masyado pa silang bata para maging ina. May 13% na nagsabing nagpa-abort dahil resulta ang kanilang pagbubuntis ng pwersahang pakikipagtalik. Dalawang-katlo (2/3) ng kababaihang nagpa-abort ay mula sa mahihirap na pamilya.

Pagsikil sa karapatan sa aborsyon sa US, sinalubong ng mga protesta