Inagurasyon ng ilehitimong pangulo, sinalubong ng protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Sinalubong ng mga protesta sa iba’t ibang lugar ang inagurasyon ni Ferdinand Marcos Jr bilang pangulo. Sa Metro Manila, nagtipon ang mga progresibong grupo sa Plaza Miranda sa Quiapo kung saan inihayag nila ang kanilang pagtatakwil sa kanyang rehimen, pambabaluktot ng kasaysayan at para sa hustisya sa napakaraming biktima ng batas militar ng kanyang ama. Dala rin nila ang mga isyu ng mamamayan tulad ng dagdag na sahod, at pagbaba ng presyo ng bilihin at langis.

Nagkaroon ng kasabay na pagtitipon ang mga kaanak ng biktima ng batas militar at mga beteranong aktibista sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City kung saan nanumpa silang ipagpapatuloy ang paglaban sa kasinungalingan ng mga Marcos at para sa kapakanan ng bayan.

Sa Bicol, pinangunahan ng Anakbayan-Naga ang martsa mula sa Panganiban Drive sa Naga City tungong Plaza Oragon upang itakwil si Marcos. Dumalo sa programa ang mga aktibista mula sa iba’t ibang distrito sa Camarines Sur.

Nagkaroon din ng mga programa sa Cebu, Negros at Panay kung saan inihayag ng iba’t ibang organisasyon ang kanilang pagkasuklam sa rehimeng Marcos II.

Sa ibayong dagat, pinangunahan ng Never Forget Contingent ang daan-daang nagprotesta sa Times Square, New York City. Nagtipon naman ang 150 migranteng Pilipino sa California para magpahayag din ng kanilang pagtakwil sa bagong rehimen.

Inagurasyon ng ilehitimong pangulo, sinalubong ng protesta