Pambubusal sa midya sa bisperas ng pag-upo ni Marcos
Umarangkada sa bisperas ng pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr sa Malacañang ang pambubusal sa malayang pamamahayag. Noong Hunyo 29, pinagtibay ng Securities and Exchange Commission ang desisyon nito noong 2018 na ipasara ang news site na Rappler. Bago nito, iniutos ng National Task Force-Elcac sa mga kumpanyang telekomunikasyon na i-block o harangin ng mga ito ang 28 website, kabilang ang website ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), National Democratic Front of the Philippines, mga alternatibong midya at internasyunal na organisasyon.
Ang sunud-sunod na pagpapasara ng daluyan ng impormasyon sa internet ay katumbas sa isang digital na batas militar. Tinawag itong “Marcos Anti-Democracy” firewall ng PKP. Lantaran itong pagsikil sa karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag, gayundin ng kanilang karapatang magpahayag ng kritisismo sa reaksyunaryong estado.
Ipinasara ang Rappler sa alegasyong tumatanggap ng dayuhang pondo ang news site para sa mga operasyon nito.
Sa kaso ng 28 website, ibinatay ang pagpapasara sa kautusan ng dating hepe ng National Security Council na si Gen. Hermogenes Esperon noong Hunyo 8 na nagbansag sa mga website na “terorista.” Iginiit ni Esperon na ang naturang pag-block ay nakaayon sa walang-batayang designasyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa Partido bilang isang teroristang organisasyon at mga binansagan nitong “tagasuporta” o “may kaugnayan” sa Partido. Sa aktwal, walang kinalaman sa terorismo ang MAD firewall.
Sinalubong ang pambubusal ng kabi-kabilang pagkundena at pagtutol. Kabilang dito ang National Union of Journalists of the Philippines na noon pa’y nangamba nang gagamitin ang Anti-Terror Law para supilin ang lahat ng tipo ng kritisismo. Nanganganib na isusunod ni Marcos ang pagbabawal sa mga mamamahayag sa tradisyunal na midya (telebisyon, radyo at print) na maglathala o magbrodkas ng anumang kritikal sa kanya at kanyang pamilya.
Ayon kay Ret. Justice Antonio Carpio, walang kapangyarihan ang gubyerno na harangin ang mga website, maging ng mga tinagurian nitong mga “terorista.”