Panghihimasok at pandarambong ng mga Amerikanong kumpanya sa FSMR

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Pinatitindi ng imperyalistang US ang pang-aatake nito sa mamamayan ng Far South Mindanao Region (FSMR). Kasabay ng walang awat na pang-aagaw ng lupa at pandarambong ng mga dambuhalang kumpanyang Amerikano sa agribisnes, nakaamba naman ngayong pumasok ang malalaking kumpanyang Amerikano sa mina para dambungin ang likas na yamang kabundukan ng rehiyon.

Yamang mineral sa FSMR

Ayon sa mga pag-aaral, matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ang masaganang deposito ng mga mineral na mahalaga sa industriya at pandaigdigang kalakal. Sa kabuuan, pinakamalaki ang taglay nitong depositong tanso na umaabot sa 2.9 bilyong metriko tonelada. Mayroon din itong depositong bakal na tinatayang nasa 2.5 milyong metriko tonelada, at ginto na 2.275 milyong metriko tonelada. Bukod sa mga nabanggit ay makabuluhan din ang mga deposito ng pilak, zinc, lead, manganese at iba pa. Sa hangganan ng mga prubinsya ng South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat at Davao del Sur ay matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng ginto sa buong timog-silangang Asya, at isa sa pinakamalaking deposito ng tanso sa buong mundo.

Ang kasaganaan nito sa mga likas na yamang mineral ay umakit sa malalaking lokal at dayuhang kapitalista na mamuhunan sa mga proyektong mina sa rehiyon. Pangunahin dito ang Tampakan Gold-Copper Project na pinakamalaki sa buong bansa at nagkakahalaga ng $5.9 bilyon. Subalit matagumpay na nilabanan at napatigil ng mamamayan ang operasyon nito.

Batay sa datos noong Mayo 2022, mayroon nang 41 na mga pribadong lokal at dayuhang kumpanya na pinagkalooban ng 56 na mga konsesyon sa iba’t-ibang mga prubinsya. Sa kabuuan, ito ay may pinagsamang lawak na aabot sa 345,548 ektarya o 15.35% ng lupang saklaw ng rehiyon. Aprubado na ang operasyon ng 15 na konsesyong humahawak ng aabot sa 96,052 ektarya. May nakapila ring 41 na konsesyong sasaklaw sa 249,496 ektarya.

Imperyalistang interes sa mina

Hindi bababa sa 17 kumpanya sa mina rito ang buong pinagmamay-ari ng mga dayuhan. Walo sa mga ito ay mga korporasyong pag-aari ng US at mayroong hinahawakan na mga konsesyong may pinagsamang lawak na 53,081 ektarya. Kabilang sa pinakamalaki nito ay ang Providence Mining, Shamrock Metals, Kalamazoo Mining at Galactica Mining.

Ang Kalamazoo Mining ay pag-aari ng The Kalamazoo Company ng US. Nakabase ang operasyon nito sa Australia at may mga interes sa ilang bansa sa Southeast Asia. Ang Providence Mining naman ay isang Amerikanong multinasyunal na may malawak na operasyong mina sa Africa at North America. Habang ang Shamrock Metals at Galactica Mining ay mga subsidaryo ng malalaking industriya sa US na Shamrock System at Galactica Group USA na may iba’t-ibang mga negosyo sa loob at labas ng US.

Nakakonsentra sa Sultan Kudarat at South Cotabato ang operasyon ng pito sa walong kumpanya. Sinasaklaw nito ang kalakhang bahagi ng timog ng Daguma Range, ang Mt. Parker at malawak na bahagi ng T’boli at ang Mt. Musa sa hangganan ng South Cotabato at Sarangani. Ang nabanggit na mga kabundukan ay saklaw ng lupang ninuno ng mga Moro at mga Dulangan-Manobo sa Sultan Kudarat at mga T’boli at B’laan sa South Cotabato. Dito rin matatagpuan ang mga kasukalan at katubigan na sumusuporta sa malawak na lupaing agrikultural sa rehiyon.

Gwardyado ng militar

Bagamat matagal nang nagsulputan ang mga lugar ng minahan sa FSMR, noon lamang dekada 1990 nag-umpisa ang malawakang paggalugad sa mga bundok ng rehiyon para sa mina. Kasabay ng pagpasok ng mga dayuhan at lokal na kumpanya, pinatibay ng estado ang presensyang militar para depensahan ang mga operasyon nito.

Sa nagdaang tatlong dekada, inilunsad ng estado ang madugong kampanya laban sa mga tumututol sa mina. Inatake ang mga komunidad ng mga Lumad at Moro at isinagawa ang mga masaker at pamamaslang. Sinagot ito ng mas malawak at mas malalakas na demokratikong pagkilos ng mamamayan at armadong pag-aalsa ng masa. Sa nakaraang halos apat na dekada, matagumpay nilang napigilan ang operasyon ng open-pit mining sa rehiyon.

Para paluhurin sila at hawanin ang daan para sa mga mina, pinatindi ng estado ang karahasan at pang-aatake sa tabing ng kontra-insurhensya at kontra-terorismo. Ginamit ng AFP ang teknolohiya, armas at bomba ng US sa pagsasagawa ng sarbeylans at pananalakay sa mga lugar na target ng mga proyektong mina.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang nakapokus na operasyon ng 6th ID at Joint Task Force Central sa Palimbang, Sultan Kudarat. Ang nasabing lugar ay target ng operasyon ng apat na dambuhalang multinasyunal na kinabibilangan ng Mt. Peak Mining, Kalamazoo at Galactica, at Lazarus Corporation ng England. Ang Lazarus ay kumpanyang pagmamay-ari ni Dominic Wightman, isang kilalang promotor ng pakanang “kontra-terorismo at kontra-extremismong Islam” sa Europe at US.

Sa kabila ng panunupil at pandarahas ng estado ay patuloy na lumalaban ang mamamayan sa rehiyon. Muling lumalakas ang kilusan ng mga Lumad, Moro at magsasaka sa kanayunan para ipagtanggol ang lupa, habang sa kalunsuran ay nanunumbalik ang sigla ng mga kampanya kontra mina. Umaani naman ng tagumpay ang paglaban ng masa at armadong rebolusyonaryong kilusan sa pananalakay ng estado sa Sultan Kudarat.

Panghihimasok at pandarambong ng mga Amerikanong kumpanya sa FSMR