Presyo ng mga bilihin at yutilidad, tumaas dulot ng abot-langit na presyo ng langis
Sumirit nang 5.4% ang presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Mayo, pinakamabilis sa nakaraang tatlong taon. Pangunahing dahilan nito ang walang awat na pagtaas ng presyo langis na nagpataas sa gastos sa produksyon.
Tumaas ang presyo ng pagkain (karne, isda at gulay) dahil sa mga pagbabago sa panahon. Pero imbes na palakasin ang lokal na produksyon, muling bumaling ang estado sa malawakang importasyon na napatunayan nang mapaminsala sa lokal na produksyon. Tumaas naman ang presyo ng elektrisidad at gas sa tantos na 6.59%.
Pinakamabilis ang tantos ng implasyon sa transportasyon sa 15%. Nitong buwan, pinakamataas ang dagdag sa presyo ng langis noong Hunyo 7 kung saan nagdagdag ang mga kumpanya ng langis ng ₱6.60 kada litro sa presyo ng diesel at ₱2.80 kada litro naman sa presyo ng gasolina. Bago nito, itinaas ng mga kumpanya ang presyo ng diesel ng ₱1.20 kada litro. Sa susunod na linggo, nakatakdang muling magtaas nang ₱3.92 ang presyo ng diesel, ₱0.59 sa gas at ₱4.66 kada kilo ng LPG.
Kung pagsasamahin, umabot na sa ₱29.20 ang nagdagdag na netong presyo ng diesel mula Enero ngayong taon. Ang presyo naman ng gasolina ay nadagdagan ng ₱23.10 sa parehong panahon. Ayon mismo sa kalkulasyon ng estado, maaaring umabot sa ₱95.15 kada litro ang gasolina sa ilang lugar.
Binwelatahan ng mga drayber at opereytor ang walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis. Isinisisi nila ito sa pagmamatigas ng rehimeng Duterte na isuspinde ang value-added tax at excise tax sa langis. Anila, kung sususpindehin ang mga buwis, ang ₱84/litro ng diesel ay magigign ₱69/litro lamang. “Mataas pa rin kung tutuusin pero malaking ginhawa na sa bulsa ang ₱15 na buwis na ibabawas dito,” ayon sa grupong Piston.
“Ilang araw na lang ang nalalabi kay Duterte bilang pangulo pero hanggang ngayon wala pa ring maayos na aksyon ang kanyang pamahalaan tungkol sa ilang buwan nang OPH,” ayon pa sa grupo. “Mistulang wala ring maaasahan kay Marcos Junior na hindi pa nakakaupo, pumihit na agad sa pangakong sususpendihin ang excise tax.”
Kaugnay nito, inilinaw ni Mody Floranda, tagapangulo ng Piston, na hindi dagdag pasahe kundi “pagbabalik” lamang sa dati nang pamasahe ang ₱1 sinang-ayunan ng LTFRB. Aniya, noong 2018 ay ginawang ₱10 ang pinakamababang pamasahe nang pumalo sa ₱40 kada litro ang diesel. Nang bumaba ang diesel sa ₱37 kada litro, ibinalik ng LTFRB ang pamasahe sa ₱9. Mahigit doble na ngayon ang presyo nang diesel, pero nasa ₱10 pa rin ang minimum na pasahe.